
Opinions
![]() |
Isang daang porsyento, tapat na |
Nang dinalaw ni Dale Hayes ang Haiti, narinig niya mula sa isang pastor dito ang isang kuwento na binahagi niya sa kaniyang kongregasyon. Ito’y may kinalaman sa buong-pusong pagtatalaga kay Kristo. Kinuwento niya ang tungkol sa isang lalaki na nais ipagbili ang kaniyang bahay. Gustong gusto ng isang lalaki ang bahay na ito pero hindi niya kaya ang presyong hinihingi ng may-ari. Pagkatapos ng mahabang pagtatawaran, pumayag ang may-ari na ipagbili ang kaniyang bahay sa kalahati ng presyong kaniyang hinihingi pero sa isang kondisyon: mananatili ang pag-aari niya sa isang pakong nakasabit sa taas ng isang pintuan sa bahay.
Pagkalipas ng ilang taon, nagbago ang isip ng dating may-ari ng bahay. Gusto niyang kunin muli ang dati niyang bahay. Pero ayaw ibalik ito ng bagong may-ari. Kaya’t lumabas ang dating may-ari at nakahanap ito ng isang patay na aso. Sinabit niya ang bangkay ng aso sa pakong nananatili sa kaniyang pagmamay-ari. Nabulok ang bangkay ng aso. Napakabaho nito. Kumalat ang masamang amoy sa lahat ng sulok ng bahay hanggang sa hindi na kayang tirahan pa ito ng bagong may-ari at ng kaniyang pamilya. Napilitan siyang ipagbili muli ang bahay sa dating may-ari nito.
Pinaliwanag ng pastor ang kaniyang kuwento “Kung ititira natin sa demonyo ang kahit na isang pako o maliit na puwang sa ating buhay, babalik siya rito at magsasabit ng bulok na basura na magkakalat ng napakasamang amoy sa ating buhay.”
Kung tinuturing nating tayo’y Kristiyano, wala na dapat puwang sa ating buhay ang kompromiso. Kapag nagkompromiso tayo, nagbibigay tayo ng puwang sa demonyo para wasakin muli ang ating buhay. Nadudungisan ang pangalan ni Kristo na ating dinadala. Ang ating pagkokompromiso ay naghahadlang sa mga taong hindi maniwala kay Kristo.
Kaya’t inatasan tayo ng Diyos ng buong pusong pagtatalaga sa kaniya. Sa totoo lang, hindi madaling sundin iyan. Napapaligiran tayo ng maraming tukso. Kahit sa sarili nating bahay, may tukso na. Pagbukas pa lamang nating ng telebisyon, andiyan na ang mga malalaswang eksena. Kahit sa lugar na ating pinagtatarabahuhuan, minsan may tuksong mandaya sa oras, may tuksong sumama sa mga nagtsitsismisan, may tuksong manloko sa mga kustomer lalo na sa sales. Sa shopping mall, may tuksong gumastos nan higit sa ating makakaya. Kapag nakita natin ang naglalakihang bahat at mga bagong gamit ng ating mga kaibigan, natutukso tayong bumili rin kahit mabaon sa utang o magtrabaho kahit linggo at hindi na tayo makapagsimba.
Ang pagtatalaga at pagkokompromiso ay hindi puwedeng pagsamahin. Papayag ba tayo kung sabihin sa ating ng ating asawa na magiging tapat sila sa atin sa loob ng 364 na araw basta ibigay lamang sa kanila ang isang araw sa isang taon para magloko? May mga bagay sa buhay na hindi na dapat pang pag-usapan o pagtalunan pa. Kung tayo’y nagtalaga na ng ating buhay kay Kristo, hindi na ang ating sarili ang masusunod. Hindi na ang sariling layaw, kapakanan, pagnanasa, ang masusunod kundi ang kalooban ng Diyos. May kasabihang kung si Hesus ay hindi Panginoon sa lahat ng aspeto ng ating buhay, hindi siya talagang Panginoon ng ating buhay. Ang hinihinging pagtatapat ng Diyos ay 100 percent at hindi na bababa pa rito.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English) and host of the radio program Higher Lifeon CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.