
Opinions
ni Junie Josue
Nakapanood na ba kayo ng circus? Isa sa paborito ko ay ang trapeze artist. Napakataas at nakakalula ang kaniyang kinalalagyan. Nakalambitin siya sa isang swing. At nagpapalipat-lipat siya mula sa isang swing tungo sa isa pa. At ang nakakakaba pa dito ay walang net sa ilalim niya. Habang inaabot ng trapeze artist ang susunod na swing, kinakailangan niyang pakawalan ang swing kung saan siya ay nakalambitin. Iyon lang ang paraan para makapunta siya sa susunod na swing. Gayundin tayo, may mga bagay na kailangan nating pakawalan o iwan para sa makasulong tayo.
Sa biblia, mababasa natin na may mga taong iniwan ang ilang bagay para sa kanilang kabutihan. Inutusan ng Diyos na iwanan ni Abraham ang kaniyang pamilya at lupain para pumunta sa isang lugar na pinangako sa kaniya ng Diyos. Nang tayo ay lumipat dito sa Canada, siguradong may mga naiwanan tayong mga mahal sa buhay sa Pilipinas at may kirot na nadarama tayo kapag naaalala natin ang mga naiwanan natin. Pero umaasa kasi tayo ng mas magandang buhay sa Canada kaya kinaya nating iwanan ang mga malapit sa ating puso.
Siguradong hindi rin naging madali kay Abraham na iwan ang kaniyang mga mahal sa buhay. At alam n’yo bang noong siya ay tinawag ng Diyos, siya ay 75 anyos na? Alam natin na mahirap sa may edad ang paglipat. Pero pinili niya na sumunod pa rin sa Diyos. At mula nga sa kaniya, naitayo ang bayan ng Israel na siyang nagsilang sa ating Mesias na walang iba kundi ang Panginoong hesus. Totoong may mga bagay- bagay na kailangan nating iwan para makaranas tayo o makamtam natin ang higit na mas mabuting bagay
Inutusan din ng Diyos ang mga Israelita na iwan ang bayan ng Ehipto upang pumunta sa lupang kaniyang pinangako sa kanila. Laking hirap ang kanilang dinanas bago sila tuluyang pakawalan ng hari ng Ehipto. Sa kanilang paglalakbay tungo sa lupang pangako, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay ilang beses sinubok. Nandoong wala silang mainom at makain. Nandoong lusubin sila ng mga kaaway. Pero may naghihintay na magandang kinabukasan at buhay sa kanila na inihanda na ng Diyos.
Si Lot na pamangkin ni Abraham ay nanirahan sa lugar ng Sodom kasama ng kaniyang pamilya. Dahil sa tindi ng kasamaan ng mga tao sa lugar na iyon, kinailangan na itong husgahan ng Diyos. Tutupukin niya ang Sodom pero nais niyang iligtas ang matuwid na si Lot. Nagpadala siya ng anghel para kunin si Lot at ang kaniyang pamilya. Sinabi ng anghel kay Lot ang mangyayaring pagkawasak ng siyudad at kailangan silang dali-daling umalis. Binalaan silang huwag lumingon. Napakahirap na bagay para kay Lot at sa kaniyang mag-anak ang iwanan ang lugar na kanilang tahanan na siguradong punong puno ng magagandang ala-ala. Siguradong hindi madali sa kanila ang lisanin ang lahat na kanilang mga ari-arian, ang kabuhayang pinundar nila sa loob ng ilang taon pero ito lang ang paraan para maligtas ang kanilang buhay.
Minsan may mga bagay tayong kailangan iwan o putulin para sa ating ikabubuti. Maaaring ito ay isang maling relasyon o maling uri ng pamumuhay, o bisyo, o masamang ugali o masamang barkada. Alam nating hindi tayo makakausad tungo sa pagbabagong buhay hanggang nakakabit ang mga bagay o mga taong ito sa ating buhay. Pero hirap tayong magpaalam. Wala tayong lakas o kakayanan na pakawalan ang mga ito.
Kaibigan, sapat ang biyaya niya para bigyan tayo ng kalakasang pakawalan ang mga ito. Testigo ako sa mga taong nakalaya mula sa masamang bisyong kinalulungan nila ng maraming taon sa pamamagitan ng tulong ng Diyos. Saksi rin ako sa mga mag-asawang nagpatawaran at nagbalikan kahit ang kanilang pagsasama ay minsan ay nadungisan ng kaguluhan.
Kaibigan, bakit di mo subukan ang Diyos at makakaasa ka ng bagong buhay at magandang kinabukasan.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.