Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueTunay na pagsisisi

ni Junie Josue

May isang kartoon kung saan ang maliit na batang si George Washington ay pinakita na nakatayo na may hawak na palakol. Katabi niya ay ang isang puno ng cherry na nakadapa sa lupa. Inamin na niya na siya ang pumutol nito sapagkat hindi niya kayang magsinungaling. Ngunit ang kaniyang tatay na nakatayo doon na nakukulitan at napapagod na sa kaniya ay nagsabing, “Okay, okay, inamin mo na. Palagi kang umaamin. Ang tanong, eh, kailan mo titigilan ang paggawa ng mali?”

Ayon sa Houston Chronicle sa taunang church fair sa Italy noong 1993, may mga ahenteng nagpo-promote ng high-tech na kumpisalan kung saan puwedeng mangumpisal ang isang tao sa pamamagitan ng pag-fax ng kaniyang mga kasalanan. Nagkakahalaga ito ng mula $3,385 hanggang $8,500 at ang target ng mga ito ay ang mga taong masyadong busy at walang oras pumunta sa simbahan.

Ano nga ba ang tunay na pagsisisi? Sapat na nga bang aminin natin ang ating kasalanan at umiyak dahil dito? Mayroon pa ba tayong dapat gawin para ipakitang tayo’y tunay na nagsisisi?

Mahalangang maunawaan na kapag tayo’y nagkasala, nangangahulugan na sinaway natin ang Diyos, ang kaniyang batas at ang kaniyang kapangyarihan. Hindi dito pinag-uusapan kung malaki o maliit ang ating kasalanan. Parehong makasalanan sa mata ng Diyos ang isang tsismosa at isang mamamatay tao. Ang taong tunay na nagsisisi ay hindi inihahambing ang kaniyang sarili sa ibang tao.

Kapag nahuhuli na aming mga kaibigan ang kanilang apat na taong anak na kumukuha at kumakain ng tsokolate nang hindi nagpapaalam sa kanila, uunahan na ng bata ang kaniyang mga magulang ng malakas na iyak. Hindi dahil nagsisisi siya sa kaniyang ginawa kundi dahil nahuli siya at natatakot siyang madisiplina. Ang iba sa atin ay nagsisisi para lamang matigil na ang pag-uusig ng ating konsensiya. Ang manunulat na si Nicky Gumbel ay may kuwento ukol sa isang lalaki na nagpadala ng tseke sa gobyerno na may kalakip na sulat na nagsasabing, “Nakokonsensya ako sa pandaraya sa aking tax kaya’t kinailangan kong ipadala sa inyo ang tsekeng ito. Kung hindi pa rin gumanda ang pakiramdam ko, padadala ko sa inyo ang natitira pa.”

Ang taong tunay na nagsisisisi ay naghihinagpis dahil nasaktan niya ang Diyos at nilagyan niya ng lamat ang kaniyang relasyon sa Panginoon. Nauunawaan niyang galit ang Diyos sa kasalanan. Naunawaan niya ang buhay na ipinambayad ni Hesus para maligtas tayo sa kasalanan. Naunawaan niyang sa kaniyang pagkakasala ay parang binalewala niya ang dugong inalay ng Diyos para sa ating kaligtasan.

Ang taong tunay na nagsisisisi ay buong pusong humihingi ng kapatawaran ng Diyos. Humihiling siya sa Diyos na linisin ang kaniyang puso at bigyan siya ng kapangyarihang na mapagtagumpayan ang kasalanan.

Mababasa sa biblia na si Haring David ay nagkasala. Inagaw niya ang babaeng si Bathsheba at pinapatay niya ang asawa nito para takpan ang kaniyang sala. Ngunit kinausap siya ng propetang si Nathan para sabihing siya’y nagkasala. Sa aklat ng Mga Awit sa biblia, mababasa natin ang taos-pusong pagsisi niya sa Diyos.

Ang tunay na pagsisi ay may buong pagpapakumbaba sa Diyos. Si Apostol Pablo ay isa sa mga pinuno ng relihiyon ng mga Israelita. Ginagalang siya ng mga tao. Tinuturing siyang matuwid. Pero galit siya sa mga naunang Kristyano noon. Hindi kasi siya naniniwala na si Hesus ang tunay na anak ng Diyos. Pinakukulong at pinaparusahan niya ang mga tagasunod ni Hesus. Pero nang nangusap sa kaniya ang Diyos at nalaman niya ang katotohanan na si Hesus ay tunay na anak ng Diyos, nagsisi siya sa kaniyang kasalanan. Naging kaisa na siya ng mga Kristyano. Ang dating kinalaban niya ay buong puso na niyang sinusuportahan.

Tinanggap niya ang kapatawarang inalay ni Hesus sa krus para sa kaniyang kasalanan. Nabago siya at naging kilalang mangangaral ng salita ng Diyos. Marami siyang nagawang mga himala at mga dakilang bagay para sa Diyos. Hindi niya nalilimutan ang kaniyang pinanggalingan – na siya ay makasalanan na nakaranas lamang ng habag at biyaya ng Diyos. Kahit sa kaniyang pangangaral ng salita ng Diyos, hindi siya nahihiyang aminin sa tao na minsan siya ay nagkasala ng malaki laban sa Diyos.

May mga taong mahilig magdahilan kapag dinidipensa nila ang kanilang mga kamaliang ginagawa. Maririnig sa kanila ang katagang ito, “Wala naman akong inaargabyadong tao.” Pero hindi sumagi sa isip nila na ang Diyos mismo ang inaargabyado nila sa pagkakasalang ginagawa nila.

Kaibigan, bakit hindi natin siyasatin ang ating puso kung tunay nga tayong nagsisisi o hindi?

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.