
Opinions
![]() |
Ang biblia: ang manual ng buhay |
Lahat tayo ay mamimili kung anong pagbabasehan ng ating buhay. Maaari nating piliin na mamuhay ayon sa gusto ng ating puso. Pero iyon nga ba ang pinakamainam na paraan na mabuhay? Ang sabi sa biblia sa aklat ng Kawikaan 28:26, “Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang ngunit ang sumusunod sa karunungan ay maliligtas.”
High tech na tayo ngayon. Narating na ng tao ang buwan. Marami ng bagay ang naimbento na noon ay halos hindi natin maisip na magiging posible. Ngayon maaari na tayong makipag-usap sa tao kahit saang lupalop ng mundo sa ilang segundo lamang sa pamamagitan ng Internet. Pero may mga bagay na hindi pa rin lubusang malaman at maunawaan ng matatalinong tao.
Hanggang ngayon hindi pa natin masugpo nang tuluyan ang cancer. Hindi natin lubusang maipaliwanag kung paano nag-umpisa ang ating daigdig, kung paano nabubuo ang isang buhay sa sinapupunan ng babae. Ayaw man aminin ng iba, mayroong mas higit na marunong sa tao at iyan ay walang iba kundi ang Diyos na siyang lumikha sa atin at sa buong langit at lupa.
Pagkakatiwalaan ba natin ang isang taong hindi nakapagtapos ng kurso sa medisina na operahan tayo? Lalapit ba tayo sa isang taong hindi nag-aral ng pagka-abogado na ipaglaban ang ating kaso sa korte?
Natural lamang sa atin ng maghanap ng the best. Kaya nga kapag bumibili tayo ng mga appliances, nagtatanong tayo kung ano ang pinakamahusay na tatak, yong matibay at maganda ang disenyo. Kung kaya ng ating budget, hahanap tayo ng bahay na bago at maganda at nasa tahimik na lugar. Sakit sa ulo kasi ang magpagawa ng mga sira sa bahay. Magbabayad tayo kahit na mataas ang presyo ng abogado maipanalo lang ang ating kaso. Gagastos tayo sa Pilipinas noon kahit malaking pera para makakuha ng magaling na doktor masigurado lang nating buhay tayong lalabas sa operating room.
Kung gusto natin ng the best sa ating buhay, hindi na tayo kailangan pang magbasa ng horoscope para gabayan tayo. Huwag na rin natin kailangan pang mag-aksaya ng pera sa pagbayad sa mga manghuhula na lumuloko lang sa atin. Ang Diyos at ang biblia ang kunsultahin natin sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
Alam n’yo ba na ang biblia ay naglalaman ng mayayamang katuruan tungkol sa iba’t ibang bagay sa ating pamumuhay tulad sa pag-aasawa, sa tamang paggamit ng pera, sa wastong pagtrato sa ating kapwa, at sa pagharap sa tukso at problema?.
Sa pagbabasa ng biblia, nakikila natin ang Diyos. Ipinahahayag dito ang kaniyang pag-ibig sa atin at ang kaniyang kalooban. Punong-puno rin ang biblia ng mga pangako ng Diyos na maaari natin panghawakan kung tumutupad tayo sa kasunduan. Para itong legal na dokumento na nagsasaad ng mga kayamanang mamanahin mula sa Diyos at ang tanging makapag-aangkin nito ay ang mga nananalig sa kaniyang mga salita
Ang Diyos ang nakakaalam ng tamang landas na dapat nating lakaran. Siya ang magtuturo sa atin na magkaroon ng buhay na sagana at payapa. At hindi tulad ng doktor at abogado na kailangan pa nating bayaran ng malaki makuha lang ang kanilang serbisyo at panahon at kung minsan ay kailangan pa tayong maghintay ng matagal dahil sa kabisihan nila, ang Diyos ay laging handang lumapit sa mga tumatawag at nagtitiwala sa Kaniya. Hindi niya kailangan ang ating pera. Ang tanging nais niya ay ang ating buong pusong nagtitiwala at nagpapasakop sa kaniyang kalooban.
Ayon sa biblia sa aklat ng Kawikaan 3:5-6, “Sa Diyos ka magtiwala ng buong puso at huwag kang magtiwala sa sarili mong karunungan. Siya ang sangguniin mo sa lahat mong mga balak at kaniya kang gagabayan sa lahat ng iyong lakad.”
Kaibigan, limitado ang kaalaman natin bilang tao. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw. Kaya’t tama lang na paggabay tayo sa Diyos na nakakaalam ng lahat ng bagay.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays, 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:30p.m. English services) and Kildonan Place at 1555 Regent Avenue (Worship Service: 10:30 a.m. English) and host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.