
Opinions
![]() |
Manigurado hanggang sa huli |
Isa sa kinakatakutan ng tao ay ang kamatayan. Marami tayong katanungan tungkol dito. Ang isa pang nagbibigay kaba sa atin ay hindi natin alam kung kailan tayo lilisan dito sa mundo. Ang sabi nga sa biblia sa aklat ng Mangangaral 8:7-8, “Walang makapagsasabi kung ano ang maaaring mangyari at kung papaano ito magaganap. Kung papaanong hindi mapipigil ng tao ang hangin, gayon din naman hindi niya mapipigil ang panahon ng kamatayan.”
Kapag nagbibiyahe tayo sa ibang lugar, mas kampante tayong makisama sa mga tour guide o sa mga taong nakarating na sa lugar na iyon. Hindi kasi tayo maliligaw sa mga pasikut-pasikot at makikita pa natin ang mga magagandang tanawin na baka ma-miss natin kung nag-iisa lamang tayo sa biyahe. Hindi pa tayo maloloko ng mga ibang katutubo sa lugar na iyon na nangbibiktima ng mga dayuhan dahil mapapayuhan tayo ng mga tour guide.
Aminin man natin o hindi, marami sa atin ang takot sa kamatayan dahil hindi tayo sigurado kung saan ang ating destinasyon. Dahil sa mas madali ang pera dito sa Canada kesa sa Pilipinas, mas marami sa atin ang nagseseguro na may puntod nang nakahanda sakaling dumating na ang ating pagpanaw. Pero paano naman ang paghahanda natin sa kabilang buhay?
May isang businessman na nagpalaki ng kaniyang negosyo. Lumakas ang kaniyang benta sa puntong kinakailangan na niya ng mas malaking warehouse at sales office. Kahit na hirap siya sa paglipat, nagdaos pa rin siya ng selebrasyon. Dahil doon, nagpadala ang ilan niyang mga kaibigan ng mga bulaklak noong grand opening ng kaniyang negosyo. Isa sa natangggap niya ay may kalakip na card na nagsasabing, “Ang aking simpatiya ay nasa sa iyo sa panahon ng iyong pagdadalamhati.” Tumawag ang nagpadala ng bulaklak na iyon sa businessman para tanungin kung natanggap niya ang mga bulaklak. Nagtatakang nagtanong ang businessman kung bakit ganoon ang nakalagay sa card. Hindi rin alam ng kaibigan kung anong nangyari kaya’t kaagad-agad pumunta ito sa flower shop para humingi ng paliwanag. Ito ang sabi ng may-ari ng flower shop, “Humihingi ako ng paumanhin sa iyo dahil hindi sinasadyang nagkapalit kayo ng order ng isang customer. Pero sana ay maunawaan mo ako. Mabuti nga’t ganiyan lang nangyari sa iyo. Sa punenarya, kung saan napadala ko ang inorder mong bulaklak, ang natanggap ng mga tao doon para sa kanilang patay ay may kalakip na kard na nagsasabing “Best wishes sa bago mong lokasyon.”
Saan tayo aasa para sa kasiguraduhan sa kabilang buhay? Sa kapalaran ba? Kaibigan, maasahan natin ang pangako ng Panginoong Hesus. Higit pa sa isang tour guide, magagabayan at maaakay niya tayo tungo sa buhay na walang hanggan. Hindi tayo kayang lokohin at iligaw sa landas ng mga kampon ng kadiliman kung kasama natin si Hesus.
Sa biblia, mababasa natin ang mga salitang binitiwan ni Hesus sa atin. Sa Juan 5:24, “Ang nakikinig sa aking salita at nananalig sa nagsugo sa akin (tinutukoy dito ang Diyos Ama) ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi inilipat na siya sa buhay mula sa kamatayan. At sa Juan 11:25 ang sabi ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at buhay. Ang mananalig sa akin, kahit mamatay, ay muling mabubuhay.” At sa Pahayag 1:17-18, ito naman ang wika ni Hesus, “Huwag kang matakot. Ako ang simula at ang wakas. Namatay ako ngunit ako’y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay.”
Kaibigan, kung pumipirma tayo sa mga funeral plan, bakit hindi tayo makipagkontrata rin kay Hesus at magpasakop sa Kaniya bilang ating Panginoon at tagapagligtas nang masigurado natin ang ating destinasyon sa kabilang buhay at hindi tayo matakot sa harap ng kamatayan?
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays, 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:30p.m. English services) and Kildonan Place at 1555 Regent Avenue (Worship Service: 10:30 a.m. English) and host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.