
Opinions
Ano nga ba ang sekreto ng mahaba at magandang pagsasamahan ng mag-asawa?Ang sabi ng iba basta buhay ang romansa, okay na. Totoong ipinagkaloob ng Panginoon ng sex sa mag-asawa para kanilang enjoyin at bilang isang paraan para magka-anak at magtayo ng pamilya pero paano na kung nangangatog na ang ating mga tuhod at mahina na ang ating mga katawan? Kung maging magkaibigan daw ang mag-asawa, okay na. Pero hindi ba nangangailangan din ang mga mister na kaibigan lalaki at ang mga misis ng kaibigang babae? May mga bagay na hindi mauunawaan at mae-enjoy ng aking misis dahil panlalaki lang ang mga ito. Gayundin sa kaniya. Hindi mapipilit ng mga misis na palagi silang samahan ng kanilang mister sa pagsho-shopping at pagpunta sa beauty parlour. Sabi ng iba, ang pagkakaroon ng anak ang lalong magpapalapit sa mag-aasawa. May katotohanan sa bagay na iyan dahil dalawa kayo ng inyong asawa na bumabalikat sa pag-aalaga, pagpapalaki at pagdidisiplina ng inyong mga anak. Pero paano na kung lumaki na sila, umalis na ng inyong bahay, nagsipag-asawa at kayo na lamang muling dalawa?
Ayon sa biblia sa 1 Juan 3:16: “Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inalay ni Kristo ang kaniyang buhay dahil sa atin. Dapat din nating ialay ang ating buhay dahil sa mga kapatid.”
Ganoon na lamang kadakila ang pag-ibig ni Kristo sa ating lahat na ialay niya ang kaniyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan. Ang pag-aasawa ay isang pagkakataon para ang ating pagiging makasarili ay mamatay. Minsan pinagmamalaki ng mga asawa na handa nilang salubungin ang bala maligtas lamang ang mahal nila sa buhay pero bakit kaya hindi nila kayang i-give up ang kanilang mga bisyo at paggu-good time para magkaroon sila ng panahon sa kanilang maybahay?
Magandang halimbawa ang ipinakita ng Panginoon patungkol sa tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig na inalay ni Kristo ay walang kondisyon. Ang sabi sa biblia sa Roma 5:7-8 “Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kaniyang buhay alang alang sa isang taong matuwid bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin nang namatay si Kristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.” Sa pag-aasawa, handa dapat tayong tanggapin hindi lamang ang kalakasan, kabutihan at magagandang bagay patungkol sa ating mga asawa kundi pati na rin ang kanilang mga kahinaan at kakulangan.
Ang pag-ibig ay hindi lamang sa salita kundi pati sa gawa. Ang sabi sa biblia sa 1 Juan 3:18 “Huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa.” Isa sa pangakong binibitawan ng mga nag-aasawa ay ang pagsasama nila sa panahon ng kalusugan at karamdaman. Sa pelikulang A Vow to Cherish, naging totoo si John sa kaniyang pangako sa kaniyang misis ng ito’y magkaroon ng Alzheimer’s disease. Siya ang nag-alaga sa kaniyang kabiyak. Palala nang palala ang sakit nito at halos maubos ang oras, pasensiya at lakas niya sa pag-aalaga sa misis. Ang masaklap pa ay hindi na siya nakikilala ng kaniyang misis. Dumating din ang tukso sa buhay ni John nang makakilala siya ng isang babae na nakakasalubong niya kapag siya’y nagjo-jogging. Pero pinili niyang manatiling tapat sa kaniyang misis hanggang sa huli kahit na alam niyang himala na lamang na gumaling ito.
Hindi madaling umibig nang tunay. Hindi madaling tumupad sa mga binitawan nating pangako sa ating mga asawa lalo na sa panahon ng krisis. Ang sabi sa biblia sa 1 Juan 4:7 “Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos pagkat ang Diyos ang pag-ibig” Kung nais nating matututong umibig sa ating kapwa, tanggapin at damhin muna natin ang pag-ibig ng Diyos. Kung naunawaan na natin na inibig at tinatanggap tayo ng Diyos kahit sino pa tayo o anuman ang ating nakaraan, madali para sa atin na ibigin at tanggapin ang ating kabiyak.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays- 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. English service). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10:30 a.m. & Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more inform&ation, call 774-4478.