Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueHuwag mapikon para sa inyong kabutihan

By Pastor Junie Josue

May kasabihang “Bato bato sa langit, tamaan huwag magalit.” Ito ay naging bukambibig ng mga Pinoy na nagtuturo, nagbibigay ng opinyon o nagkokomento tungkol sa mga bagay bagay. Ang kasabihang ito ay nagsisilbing paalaala sa mga tagapakinig o mambabasa na kung sa palagay nila, sila ang tinutukoy ng tagapagsalita o ng manunulat, ito ay hindi sinasadya, nagkataon lamang at hinihingi lamang ng pagkakataon dahil ayon sa mga nagsasalita o manunulat sila ay walang intensyong makasakit ng damdamin.

Ayon sa aking nabasa, ang salitang bato bato ay isang bato na ginagamit na pambato at kapag ito ay inihagis pataas papuntang langit, ito ay wala namang talagang pinatatamaan. At alam natin na ang batong iniitsang pataas ay babagsak din sa lupa dahil sa force na sa science ay tinatawag na gravity pero kung minsan ang batong ito ay tatama sa isang tao nang hindi sinasadya.

Kilala ang Panginoong Hesus bilang guro at mangangaral at tahasang siyang mangaral ng salita ng Diyos. Ang itim ay itim at ang puti ay puti. Hindi siya nangingimi sa kaniyang pananalita. Gumagamit siya ng mga salitang “mapag-imbabaw,” “hangal,” “anak ng ulupong,” “makasalanan,” para ilarawan ang ilang uri ng mga taong hindi mabuti ang ugali. Hindi siya nag-atubiling pangaralan ang mga tao at sabihin kung ano ang kahihinatnan nila kapag sila ay nagpatuloy sa kanilang mga baluktot na pamumuhay.

Nangaral siyang nang may buong katapangan dahil sa kaniyang masidhing pagnanais na matutunan ng mga tao ang kanilang kamalian, magsisisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Diyos. Alam kasi niya ang malagim na kahihinatnan ng mga taong nagpapatuloy sa kanilang maling pamumuhay. Dahil dito, iba’t iba ang naging reaksyon ng mga tao sa Kaniya.

May mga nagalit. Ang una dito ay ang mga pinuno ng relihiyon ng mga Israelita. Dahil sa kanilang pride, ayaw nilang may mapupuna sa kanila. At siyempre, malaking insulto sa kanila na ang isang hamak na karpenterong nagngangalang Hesus ang naglakas loob na pagsabihan sila.

Pero mayroon ding mga taong buong pagpapakumbabang tumanggap ng kaniyang mga pangaral. Nagsisi sila sa kanilang kasalanan at nagbagong buhay sila. At sila nga ay tunay na pinagpala ng Diyos. Alam nilang may buhay na walang hanggan na naghihintay sa kanila sa kabilang buhay.

Sa lugar kung saan nakatirik ang balon ni Jacob, nakilala ng isang Samaritana si Hesus. Nagulat ang babae ng tahasang sinabi ng Panginoon na nagkaroon na ang babae ito ng limang asawa at ang kinakasama niya ngayon ay hindi niya asawa. Nagulat siyempre ang babaeng ito dahil wala siyang maitatago mula kay Hesus. Pero sa halip na magalit, siya ay nanampalataya sa Panginoon dahil nalaman niyang hindi pangkaraniwang tao si Hesus. Tinanggap ng babae ang sinabi ng Panginoon at ako ay naniniwala na ito ang pasimula ng kaniyang pagbabagong buhay.

Kung ang isang tao ay may malalang sakit tulad ng cancer, hindi naman tama na itago ito ng doktor dahil sa takot ng doktor na mapagalitan siya na pasyente niya. Paano magpapagamot ang tao at magkakaroon ng pagkakataong gumaling kung wala siyang kaalam-alam sa kaniyang kalagayan? Gayundin tayo; may mga bagay sa ating puso o ugali na maaaring hindi natin alam ay kailangang baguhin. Kapag pinagsabihan tayo ng ating kapuwa, buong puso tanggapin natin ito para sa ating ikabubuti. At kapag nakikinig tayo ng salita ng Diyos o nagbabasa tayo ng biblia, buksan natin ang ating puso upang tumanggap sa anumang nais sabihin sa atin ng Diyos dahil sigurado tayong ito ay para sa ating kapakanan.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays- 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. English service). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10:30 a.m. & Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.