Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueBahala na

By Pastor Junie Josue

Bahala na! Iyan ang mga salitang naririnig natin sa mga taong pumapasok sa alanganing relasyon, sa mga taong patuloy na nagtatapon ng pera sa pamimili ng mamahaling gamit o sa kanilang layaw o sa pagka-casino kahit ubos na pati mga naipong pera. Iyan din ang sinasabi ng mga taong nagpapatuloy sa masamang bisyo.

Ang kaugaliang bahala na ay nakapokus lamang sa ngayon, sa sarap at ginhawang mararamdaman sa pangkasalukuyan. Ang kaugaliang ito ay bulag at bingi sa maaring magiging epekto o resulta ng kanilang ginagawa sa kanilang sarili at sa ibang tao. Hindi nila naiisip ang pamilyang nawawasak dahil sa paglusong nila sa bawal na relasyon, ang sakit na maaari nilang makuha dahil sa isang masamang bisyo, ang mga nawaldas na pera na para sana sa pag-aaral sa kolehiyo ng mga anak nila, ang mga sakit sa loob at sugat sa puso na nararanasan o mararanasan ng mga mahal nila sa buhay dahil sa kanilang pagpapabaya.

At natural, nasa huli ang pagsisisi. Karaniwan, kailangan pang makaranas tayo ng masasakit at mapapait na pangyayari sa buhay natin bago matauhan. Ang kuwento ni Samson ay mababasa sa biblia. Bago pa ipinanganak si Samson, pinili na siya ng Diyos para sa isang dakilang misyon, ang maging tagapagtanggol ng bayang Israel. Sinabi ng Diyos sa kaniyang ina ang mga alituntunin na dapat sundin ni Samson sa kaniyang buhay bilang hinirang ng Diyos na siya namang itinuro ng kaniyang mga magulang sa kaniya. Lumaki ang bata na patuloy na pinagpapala ng Diyos. Binigyan siya ng Diyos ng pambihirang kalakasan para kalabanin ang kaaway nilang bayan.

Ngunit may isang hindi magandang ugali si Samson. Mahilig siya sa tsiks. Dahil sa kagustuhan niyang masunod ang layaw niya sa babae, binabale-wala niya ang tungkulin niya mula sa Diyos at ang mga kautusang dapat niyang sundin. Hindi maaring makipagrelasyon ang isang Israelitang katulad niya na sumasamba sa tunay na Diyos sa hindi niya tagabayan na sumasamba sa diyus-diyusan dahil malaki ang tsansang aakayin lamang siya nito palayo sa tunay na Diyos.

Pero madalas nananaig ang hilig ni Samson sa tsiks. Tuwing naaakit siya sa isang babae, tiyak sinasabi niyang, “Bahala na, mapasaakin lang ang babaeng ito.” Ganoon nga ang kaniyang ginawa. Nagpakasal siya sa isang babae na mula sa kaaway nilang bayan. Walang nagawa ang kaniyang mga magulang.

Pero hindi nagtagal, binigay ng ama ng babae ang kaniyang anak sa kaniyang best man. Nagpatuloy si Samson sa ugaling “bahala na.” Hindi pa rin natuto, pumatol siya sa isang babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw na mula rin sa kaaway nilang bayan. Ang pangalan niya ay Delilah. Hindi nagtagal, pinagkanulo siya ni Delilah at ibinunyag ang sekreto ng kaniyang lakas sa kaniyang mga kaaway. Nagupo siya ng kaniyang mga kaaway, tinanggalan siya ng mata at ginawang alipin. Ang dating tagapagtanggol ng bayang Israel ay naging katawa-tawa sa mata ng kaniyang mga kaaway. Nasayang ang dakilang panawagan ni Samson dahil pinairal niya ang ugaling “bahala na.”

Kaibigan, hanggang kailan natin paiiralin ang ugaling “bahala na.” Hihintayin pa po ba nating humantong sa malala ang situwasyon tulad ng nangyari kay Samson bago tayo matauhan? Hindi rin natin puwedeng ipagpabahala ang ating ugnayan sa Diyos dahil sa ayaw man natin o gusto, may naghihintay na paghuhukom sa atin kapag tayo’y pumanaw. Pananagutan natin ang mga bagay na ating ginawa sa ating kapwa at sa Panginoon. Kaya’t sa halip na mamuhay sa kaugaliang “bahala na,” ipaubaya natin ang ating buhay sa Diyos. Hayaan natin siyang maghari sa atin. Paggabay tayo sa kaniya. Hayaang nating linisin niya ang ating puso. At kapag ang Diyos na ang bahala sa atin, siguradong panalo tayo.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays- 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. English service). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10:30 a.m. & Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.