
Opinions
ni Junie Josue
Naging kaugalian na ng karamihan ang magbigay ng regalo sa Pasko. Kaya nga may mga exchange gifts, Kris Kringle at pagbibigay ng mga regalo sa mga inaanak, kamag-anak at mga espesyal na tao sa ating buhay. Hindi pa buwan ng December ay laganap na ang mga patalastas at promosyon ng mga gamit o produktong pamasko sa radyo, TV, flyers, Internet at kung saan-saan pa. Abala ang tao sa paggawa ng listahan ng mga taong reregaluhan. Maging ang mga bata ay naghahanda ng kanilang listahan para sa mga bagay na nais nilang matanggap. Dagsaan ang taong namimili sa malls at sa mga tindahan lalo na kung papalapit na ang araw ng Pasko.
Masayang makita na nagbibigayan ang mga tao. Nakakaantig sa puso na makita ang tuwa sa mukha ng mga tao lalo na sa mga bata kapag sila ay nakakatanggap ng regalo. Natutuwa rin tayo kung naaala tayo at nabibigyan ng regalo kahit na simple lamang.
Ngunit paano na kung wala tayong pera para ipambili ng regalo? Ano ang mararamdaman natin kung hindi tayo makatanggap ng regalo o kahit man lang isang Christmas card? At paano kung hindi natin nakuha ang inaasam-asam nating regalo? Masisira ba ang Pasko natin dahil lang dito?
Nakakalungkot isipin na umiiral kadalasan ang materyalismo kapag panahon ng Pasko. Minsan ay nagiging masyadong komersyal na ang Pasko. Aminin man natin o hindi, parang hindi kompleto ang Pasko natin kapag hindi tayo makabili ng kahit anuman para sa iba o sa ating sarili.
Kung ating babalikan ang kuwento ng unang Pasko, nandoon ang pagbibigay. Ang una ay ang pagbibigay ng Diyos Ama ng kaniyang Anak na si Hesus sa atin upang iligtas tayo sa kapahamakang dulot ng kasalanan. Ang pangalawa ay ang pagbibigay ng tatlong pantas na mula sa silangan sa sanggol na si Hesus. Naghandog sila ng ginto, kamangyan at mira. Ang pagbibigay na ito ay bilang pagsamba sa Kaniya, na anak ng Diyos.
Kapansin-pansin ding dumating ang mga pastol na walang dalang regalo sa sanggol na si Hesus. Napakaligaya nila sa okasyon na ito. Alam nilang nakatanggap sila ng napakadakilang handog. Niluwalhati nila at binigyang papuri ang Diyos.
Kadalasan ay nalilimutan nating magbigay ng handog kay Hesus na siyang dahilan ng Pasko. Maaaring nagtatanong kayo kung ano ang maaaring maibigay kay Hesus na siyang maylikha at nagmamay-ari ng lahat ng bagay sa lupa. Alam n’yo ba na ang ating papuri, pagsamba at pasasalamat ay katanggap-tanggap na handog sa Kaniya? Ngunit ang pinakamainam na maihahandog natin sa Kaniya ay ang ating buhay na hahayaan natin na kaniyang pagharian. Iyan ang hinihintay niyang handog mula sa atin.
At huwag rin tayong masyadong mag-alala kapag hindi tayo makabili ng handog sa lahat ng nais nating regaluhan. May mga bagay na mas mahalaga kaysa sa mga nabibili sa tindahan, tulad ng pag-ibig na hindi nasisira o naluluma sa paglipas ng panahon. Ang pagbigay natin ng panahon sa kanila ay mahalaga. Maging ang mga dasal na ating sinasambit sa Diyos para sa kanilang kapakanan ay hindi kayang tapatan ng materyal na bagay.
May kuwento ang manunulat at dating asawa ng pastor na si Lynne Hybels. Noong siya’y bata pa lamang, naintriga siya sa isang mama sa isang discount store na bumunot ng malalim sa kaniyang bulsa para lamang bumili ng isang maliit at mumurahing pigurin. Sa kasuutan pa lamang, malalaman mo na siya’y kapos. Siya ay isang matandang lalaki na malamang ay malalaki na ang mga anak. Ang mga linya sa kaniya mukha at kaniyang lumang damit ay nagpapahayag ng kahirapan ng kaniyang buhay. Ngunit ang lahat sa lalaking ito ay nangungusap ng kadakilaan ng kaniyang pag-ibig para sa makakatanggap ng kaniyang biniling regalo. Ang kaniyang handog ay hindi maihahambing sa mga regalo ng ibang tao na mas may kaya. At malamang ang balot ng regalong ito ay hindi rin ganoon ang halaga. Ngunit balot na balot ng pag-ibig ang kaniyang regalo at ang pag-ibig niya ang nagbibigay ng tunay na halaga sa kaniyang handog.
Itong kapaskuhan, alalahanin natin na ang mga bagay na galing sa puso ay mas dakila at mahalaga kaysa sa mga bagay na galing sa bulsa.
Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat. Dalangin ko na tanggapin n’yo sa inyong puso ang Panginoong Hesus na siyang handog ng Diyos Ama sa ating lahat.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.