Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueMaging marunong sa panahong ito

ni Junie Josue

Dahil sa COVID 19 pandemic, nauubos ang yaman ng maraming mga bansa at patuloy na hinahamon nito ang kaalaman ng mga expert sa medical science sa loob lamang ng ilang buwan. Natatakot ang maraming tao dahil nakikita natin na patuloy na winawasak ng virus ang iba’t ibang aspeto ng buhay natin.

Ang pandemic ay isang malupit na paalala sa atin na tayong mga nilalalang ay may hangganan. May hangganan ang ating talino, yaman at kakayanan. Paalala rin ito sa atin na ang buhay natin dito sa mundo ay may katapusan. Sa biblia, sa Awit 90:12, mababasa natin ang dasal ng isang taong makadiyos “Ipaunawa ninyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan”

Ang sumulat ng awit ay humihiling sa Diyos na turuan siyang bilangin ang araw ng buhay niya. Ang pagbibilang ng araw ng buhay ay hindi nangangahulugan na pagkalkula kung ilang taon, buwan o araw ang natitira pa sa ating buhay dito sa mundo. Ang Diyos lang ang nakaaalam niyan. Sa halip, ito ay ang pang-unawa sa posibilidad na ngayon araw ay maaaring ang huling araw natin dito sa lupa. Nais ng Diyos na palagi natin isaisip na tumatakbo ang oras at lubusin natin ang panahon na mayroon tayo. Sa halip na aksayahin ang oras sa mga bagay na walang saysay, magsipag tayo na gumawa ng kabutihan.

Ang sabi ni Apsotol Pablo sa Epeso 5:15-16 “Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo mamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Diyos. Huwag ninyong sayangin ang panahon n’yo; gamitin n’yo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito.”

Sinamantala ni apostol Pablo ang bawat pagkakataon. Binahagi niya ang salita ng Diyos, nagtayo siya ng mga simbahan, tumulong siya sa mga nangangailangan at namuhay siya nang walang pagsisisi.

Ito pa ang sabi ng apostol sa Efeso 5:17 Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin n’yo kung ano ang kalooban ng Panginoon at ito ang gawin ninyo.” Alam n’yo bang dating rebelde si apostol Pablo? Ang tawag sa kaniya ay Saul. Galit siya sa mga nananalig kay Hesus. Ginugulpi, kinukulong at pinapapatay niya ang mga ito. Pero isang araw, nakatagpo niya Ang Panginoong Hesus at nalaman niya na mali ang kaniyang ginagawa. Kinilala niya si Hesus bilang kaniyang Panginoon at nagpasiya siyang sumunod sa Kaniya. At doon sinabi sa kaniya ni Hesus ang misyon niya sa buhay. Mula sa isang hangal na panatiko, si Pablo ay nakapagbago ng buhay ng hindi mabilang na tao tungo sa kabutihan.

May mga kuwento na mga taong nag-ho-hoard ng mga produktong panlinis at mga gamot. Mayroon ding nagbebenta ng mga ito sa napakalaking presyo. Mayroon namang walang ginawa kundi ang mag-alala at naparalisa na sila sa takot. Pero mayroon ding mga taong tinataya ang kanilang buhay sa pagtulong sa may mga sakit at nangangailngan nang walang inaasahang kapalit. Sila yong mga tumutulong na magdala ng grocery sa mga matatanda at mga pamilyang hindi makaaalis sa bahay dahil sa may malillit silang mga anak. Sila ‘yong humahanap ng paraan na tugunan ang pangangailangan ng kapuwa kahit na mismo sila ay may sariling pangangailangan.

Sa kasalukuyang krisis, maaari pa rin tayo makapili kung paano tayo mamumuhay. Bakit hindi tayo magsimula tuwing umaga. Ihandog natin ang araw sa Diyos at humiling na gabayan niya tayo na makagawa ng mga bagay na may halaga at magtatagal nang magpasawalang hanggan? Gayahin natin si apostol Pablo na nagpasakop sa pangunguna ng Panginoon sa buhay niya

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St.

Have a comment on this article? Send us your feedback.