Published on

Noel Lapuz     Usapang condom

Kamakalian ay napabalita sa Pilipinas ang balak na pagbili ng condom na nagkakahalaga ng tumataginting na 8 million US dollars o humigit kumulang sa 368 million pesos. Habang maraming Pilipino ang nangangailangan ng maayos na serbisyong medikal lalung-lalo na sa mga probinsya ay heto’t nagkakandarapa ang Department of Health (DOH) sa pagbili ng condom. Ang layunin daw nito ay para mapaglabanan ang problema sa tumataas na bilang ng kaso ng HIV sa bansa at i-promote ang family planning.

Ituring nating isang pamilya ang Pilipinas na kapos sa pera. Maiisip mo pa bang bumili ng gagamitin niyong mag-asawa sa pagse-sex o uunahin mo ang makakain ninyo? Simple lang naman ang art of buying. Bibili ka kung kinakailangan at ipa-prayoridad mo ang dapat na bibilhin.

Maraming mga Doctors to the Barrios ang walang sapat na gamit medikal at mga gamot. Ang panganganak sa pampublikong hospital sa Pilipinas ay hindi biro. Kailangan ay matibay ang sikmura ng buntis para sagupain ang nakakaawang kondisyon ng mga ospital. May isang public hospital sa Pasig na kung tawagin ay “katayan” dahil kapag dito ka raw dinala ay mas malamang na mamatay ka dahil sa dumi ng ospital. Marami pang pangangailangang pang-kalusugan ang dapat pagtuunan ng pansin ang gobyerno. Sa palagay ko, katarantaduhan ang pagbili ng condom sa ganitong halaga sa kabila ng kondisyon ng mga public hospitals at facilities sa Pilipinas.

At eto pa, noong araw ng mga puso ay pumwesto ang mga kinatawan ng DOH sa bilihan ng mga bulaklak para mamigay ng libreng condom. Para bang ikinawing na ang pagdiriwang ng araw na ito sa sex.

Sa aking panayam sa tanggapan ng Winnipeg Regional Health Authority ay napag-alaman ko na libre din ang condom sa Winnipeg ngunit malinaw na hindi ito ipinamumudmod sa kung saan-saang lugar. Kailangan ay magpunta ka sa ospital o community medical centres para makakuha ng libreng condom.

1000 BC pa ng ang mga unang condoms ay ginamit sa pamamagitan ng oiled silk paper, line sheaths, o leather. Sa mga cave paintings naman noong AD 200 ay natagpuan ang mga guhit na naglalarawan ng paggamit ng mga tao ng condoms. Ngunit noong 1500’s isang Italian Doctor na nagngangalang Gabrielle Fallopius (kung saan hango ang pangalan ng fallopian tube) ang nag-rekomenda na gamitin ang condom para maiwasan ang paglaganap ng syphilis, isang nakamamatay na sakit noong panahong iyon.

Malinaw na ang orihinal na layunin ng condom ay para makaiwas sa tulo at ibang pang sexually-transmitted diseases. Pero hindi ka naman magkakatulo kung hindi ka malikot sa aparato. Sabi nga ng mga Kaparian, abstinence ang tanging solusyon para makaiwas sa ganitong uri ng sakit. Ang condom ay hindi ginawa para awatin ang pag-usbong ng mga bagong buhay. Ginawa ito para hindi kumalat ang mga sakit na bunga ng kalibugan.

Sa mga medyo mainit ang karburador, ingat lang sa pagdampot ng mga pickup girls sa gawing North End at downtown. Oo nga’t kargado ka ng condom pero hindi ka pa rin safe dahil nagkalat ang mga undercover agents na nanghuhuli ng mga pumapatol sa prostitutes.

Oo nga’t libre ang condom dito man o sa Pilipinas, pero hindi ito nangangahulugan na itinutulak ka na para makipag-sex sa hindi mo asawa o kapag gusto mong tumikim ng ibang lasa. Ang simbahan, anumang denominasyon ito, ay isinusulong pa rin ang pagiging sagrado ng sex na dapat mamagitan lamang sa mag-asawa.

Puwede tayong mabuhay nang walang condom. Puwede tayong maging tapat sa ating asawa at puwede rin tayong maghintay kung hindi pa panahon para makipagtalik. At utang na loob, huwag nating sabihin na komo’t nandito na tayo sa Canada ay ordinaryong bagay na lang ang casual sex lalung-lalo na sa mga kabataan. Kung duwag ang mga magulang para ituro sa kanilang mga anak ang tamang pagkakaunawa tungkol sa sex ay asahan ninyo ang moral deterioration ng susunod na henerasyon.

Mag-merienda muna tayo. Heto ang summer treat ko – saging con yelo pero siguradong walang balat ito ha. Unggoy lang ang kumakain ng saging na may balat!

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

Have a comment on this article? Send us your feedback