Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

I love you, downtown Winnipeg

ni Noel Lapuz

Kahapon (ika-24 ng Abril, 2024) ay maraming usisero (kasama na ako) at “Marites” sa walkway ng downtown. Mayroon kasing napakahabang marka ng dugo mula 201 Portage building hanggang sa Millenium Library. Noong una ay inakala ng mga miron na spray paint lang daw ito pero kinumpirma ng kapulisan na tunay na dugo nga. In fact, nakita ng aming security officer sa CCTV ang lalakeng duguan na naglalakad sa abalang downtown walkway.

Sa araw ding ito ay tila nagpi-piyesta ang ilan naming empleyado na panoorin ang isang lalakeng pinosasan ng mga pulis sa may parking lot malapit sa Winnipeg Square. Sa kabilang kanto naman ay kapansin-pansin ang isang madungis na lalake na sigaw nang sigaw ng mga kahalayan at pagmumura. May mga taong nag-aabang ng bus sa Graham and Fort bus station pero wala ni-isa sa kanila ang gumagamit ng bus shelter dahil mayroon lagi ditong mga tao na kung hindi natutulog ay umiinom, naninigarilyo, nag-aaway at tumatambay. Mayroon na ring mga kumot, unan, upuan at mga basura sa loob ng bus shelter na nagisisilbing “bahay” ng mga homeless sa downtown. Ang police building ay nasa mismong area kung saan masasaksihan ang mga eksenang ito.

Kaunting lakad pa patungong city hall hanggang sa makarating ka sa Higgins and Main Street ay makikita mo ang napakaraming homeless na nagkalat sa kalye.

Habang nag-aantay ako ng bus ay may isang lalake na tila wala sa sarili ang nagtanong kung anong oras daw dadaan ang bus. Sinagot ko naman nang maayos pero naging alerto ako kung sakaling gumawa siya ng hindi maganda. Just to confirm, hindi ako handang makipag-suntukan sa sinuman. Ang sinasabi kong pagiging handa ay ang pagtakbo nang matulin para iligtas ang aking sarili.

Madumi ang paligid. Nakakatakot maglakad. Hindi safe ang pakiramdam ng maraming tao sa Winnipeg lalo na sa downtown.

Sa kabila nito ay patuloy ang panghihikayat ng mga nasa gobyerno na manirahan daw sa downtown. Yung katabi naming bagong residential/commercial building ay ilan taon nang halos bakante ang mga residential suites. Bukod kasi sa mahal ay hindi ka pa makakampante kung dito ka titira dahil sa araw-araw na krimen at gulo dito.

Hindi lang siguro ako masyadong sumusubaybay sa ngayon sa civic politics pero kapansin-pansin na hindi masyadong maingay ang Mayor at mga konsehal tungkol sa kung ano ang kanilang ginagawa para ma-solusyunan ang mga crime issues ng ating siyudad. Tapos na kasi ang eleksyon kaya wala na tayong marinig sa kanila. Sanay na tayo diyan dahil sa mga karanasan at frustrations natin sa mga nakaraang adminstrasyon.

Ayon sa kuwento ng aking ka-opisinang matanda, noong 1970s daw ay napaka-vibrant ng downtown lalo na noong bukas pa ang Portage and Main. Napakarami daw ng mga locally-owned shops dito at dinadayo talaga ng mga tao. Subalit sa pagsasara ng Portage and Main ay unti-unti daw di-umanong tumumal ang pagdayo ng mga tao. Ang nakinabang lang daw sa Winnipeg underground concourse ay iyong mga malalaking companies.

Hindi ko alam kung may katotohanan ang tinuran niya dahil wala naman ako dito noong mga panahong iyon. Ang maibabahagi ko lang na transition ng downtown ay noong panahon bago mag-pandemic kumpara sa kasalukuyan. Mahigit isang dekada na rin akong nagtatrabaho sa downtown at nakita ko ang kaibahan nito, noon at ngayon. Hindi hamak na mas maganda noon ang downtown. Nagagamit pa namin ang mga bus shelters. Maraming nag-oopisina, maraming naglalakad, maraming kainan at masaya.

Nakita ko mismo ang pagiging tila ghost town ng downtown noong panahon ng pandemic. Halos walang tao. Napakaraming nagsarang establishments at hanggang ngayon ay kitang-kita ang napakaraming paskil na “space/office for lease.” Nauso na kasi ang work from home kaya’t malaki pa ring porsyento ang nagtatrabaho sa bahay simula noong pandemic hanggang ngayon.

Kung tutuusin, kung binata ako at kung medyo bata-bata pa ay gusto kong tumira ng downtown dahil dito ako nagtatrabaho. Kung sakali ay hindi na ako bibili ng sasakyan dahil maglalakad na lang ako pagpasok. Kung may safe na bike cage ay bisikleta lamang ang aking bibilihin. Uupa lang ako ng isang maliit at mumurahing suite. Minimal lang akong mamumuhay, Hindi na ako magluluto dahil marami rin namang kainan. Hindi na ako maglalaba dahil may mga laundry shops naman. Ok na sana ang plano, kung safe lang sanang manirahan dito. Kaso mo, hindi eh.

Ganumpaman, napamahal na sa akin ang downtown Winnipeg. Hindi ko ma-explain nang maayos ngunit sa kabila ng deteriorating situation nito ay patuloy ko pa rin siyang na-eenjoy. In fact, familiar na ako sa mga homeless personalities dito. Bahagi na sila ng downtown na sumasalamin sa reyalidad ng buhay na nagpapaalala sa akin na hindi lahat ng tao ay may maayos na kalagayan.

Ang gulo at chaos sa downtown ay nagsisilbing pagyugyog sa aking katauhan at puso na kailangan kong maging mapagmalasakit sa kapuwa. Madalas kasi na sarili na lang natin ang iniisip natin kaya’t naiinis tayo kung mahahaluan tayo ng pangit at mabahong personalidad sa ating komunidad. Pero ito ang reyalidad ng buhay. Maaaring mga biktima sila ng kapalaran at pagsasamantala ng malupit na lipunan.

Parang true love ang relasyon ko sa downtown dahil sa kabila ng kaniyang kahinaan at kakulangan ay hindi ko pa rin siya iiwanan.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback