Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

May sulat ka!

ni Noel Lapuz

air mailNoong early 80s ay nagtatrabaho sa Middle East ang aking Tatay. Siya ang isa sa mga unang OCW or Overseas Contract Worker bago pa man ito tinawag na OFW or Overseas Filipino Workers. Nasa elementarya pa ako noon. Wala pang internet. Wala pang cellphone. Ang tanging paraan at pinakamabilis na komunikasyon sa kaniya ay sa pamamagitan ng sulat. Kung mayroon namang budget o may pabalik o papuntang Middle East na malapit sa kaniyang lugar ay nagpapadala din kami ng voice tape. Ito ay cassette tape na may recording ng aming pangungumusta sa kaniya.

Si Mang Andy ay ang aming neighbourhood kartero or mailman. Kilala siya sa aming lugar at maraming nag-aabang sa kaniyang mga ginang ng tahanan na ang mga asawa ay nasa Middle East. Hindi naman sa panunuhol, pero laging nagbibigay ng tip ang aking Nanay kay Mang Andy para sa serbisyo nito sa komunidad. Bilang kartero ay kabisado niya ang mga pangalan ng mga naninirahan sa aming lugar kahit na ang marami sa mga bahay dito ay walang numero.

Isang mahalagang role ang ginampanan ng mga kartero noong mga panahong iyon dahil sa pagsisilbi nila bilang mga tagapag-ugnay ng maraming pamilya.

Mayroon pa ding kartero akong nakikita dito sa Canada. Ngunit hindi na tulad ng dati ang aking nararamdam para sa kanila. Ibang-iba kasi ang excitement na hatid kapag alam mong may darating kang liham mula sa iyong mahal sa buhay. “Lapuz!,” yan ang sigaw ng karterong si Mang Andy kapag may sulat ang aking Tatay. Sigaw na nagbibigay ng kasiyahan sa aming lahat, lalo na sa aking Nanay.

Hindi ko na naabutan si Mang Andy nang ako ay nagtrabaho sa munisipio ng Taguig. Noong mga panahong iyon ay nag-retiro na raw siya at marami ng pumalit na mga kartero sa aming lugar. Kung may dapat bigyan ng pagkilala ang mga pamilyang Pilipino noong panahon ng kasagsagan ng pagsa-Saudi ng mga kalalakihan ay walang kuwestyon na kasama rito ang mga bayaning kartero ng ating bayan.

Gusto kong himayin ang mga emosyon na may kaugnayan sa sulat. Kumpara kasi sa modernong panahon ng komunikasyon ay mas may malalim na hugot ng damdamin ang idinudulot ng pagsusulat ng liham, ang paghuhulog nito, ang pag-aabang, ang pagsalubong sa kartero, ang pagbubukas ng sobre, ang amoy ng papel, ang karakter kung paano isinulat ang liham at ang napakaraming istoryang nilalaman nito.

Ang ugnayan mo sa taong iyong susulatan ay magsisimula sa kung ano ang iyong iku-kuwento. Ano ang dahilan ng iyong pagsusulat? Sa maliit na paraan ng pagsusulat ay nagmimistulang istoryador ang isang sumusulat dahil sa kaniyang paglalahad ng mga kuwentong gusto niyang ibahagi. Dito rin nahahasa sa kung gaano ka-malikhain ang isang tao na makikita sa kung paano niya isasalarawan sa pamamagitan ng sulat ang mga kuwentong gusto niyang ipahayag. Isa siguro sa dahilan kung bakit ako naging manunulat (kuno) ay ang aking karanasan sa pagsusulat sa aking Tatay.

Kapag natapos na ang sulat ay babasahin mo ito ng makailang beses upang tiyakin na malinaw ang iyong gustong ikuwento at maayos ang iyong pagkakalimbag. Hindi uso ang spell-check noong mga panahong iyon. Ikaw mismo ang magwawasto sa bawat titik at letrang iyong isinulat.

Kukuha ka ng sobre at titiklupin nang maayos ang liham. Ang pagtitiklop ng sulat ay may istilo. May hugis patatsulok sa isang dulo nito at ang pagkakatiklop ay kailangang naayon sa kung paano ito bubuksan ng makakatanggap. Isisilid mo ang liham sa sobre at titiyaking walang hangin sa loob na maaaring makadaragdag sa bigat nito. Mas mabigat ay mas mahal ang iyong babayaran sa koreo. Kung ang sobre ay hindi self-adhesive ay maaari kang gumamit ng kanin upang ipang-selyo sa sulat. Isusulat mo nang maayos at malinaw ang pangalan ng makatatanggap ng liham at ang kaniyang mailing address. Oo, natatandaan ko pa ang PO box number ng aking Tatay sa Dubai. “PO Box 1418, Deira Dubai, United Arab Emirates.” Ang isa naming naging aso may pangalang “Fourteen” na hango sa PO box number ng aming Tatay. Ganito ka-importante ang address ng iyong mahal sa buhay. Kahit napakaraming taon na ay hindi mo ito malilimutan. Ito ay isang kayamanang dulot ng pagsusulat.

Pupunta ka sa post office at ihuhulog ang sulat. Halos kilala mo na ang mga tao dito at kilala ka rin nila. Alam mo na rin ang halaga ng iyong babayaran. At kapag medyo napabigat ang iyong sulat ay may nakaabang kang pera. Isang malaking check mark sa isip mo kapag naihulog mo na ang sulat. May saya at halong kaba ang iyong nararamdaman dahil hindi mawawala sa isip mo na baka ito hindi makarating agad o mawala. Tulad ng ating ibang mga ginagawa, may risk din na kaakibat ang pagpapadala ng sulat. Pero ang sabi nga, kapag gusto mo, you will take the risk.

Bibilang ka ng ilang linggo at sasabihin mo sa sarili mo na malamang ay natanggap na ang iyong liham. Maiisip mo rin na maaaring gumagawa na ng tugon sa sulat mo ang iyong sinulatan. Lilipas pa ang ilang linggo at aasa kang may parating ng sulat para sa iyo. Unti-unti nang mabubuo ang excitement mo sa pag-aantay ng sulat. Aabangan mo na ang sigaw ng kartero. Ang sigaw na magbibigay sa iyo ng saya at kukumpleto sa araw mo.

At darating na nga ang araw ng pinaka-iintay mo. May sulat ka! Minsan ay gusto mong bigyan ng suspense ang pagbubukas at pagbabasa ng sulat. Imbis na bubuksan mo ito agad ay itatago mo muna ito at maglalaan ka ng oras sa gabi o sa iyong sagradong oras upang buksan at basahin ito. May sorpresang dulot ang bawat sulat kaya’t gusto mo itong namnamin. Hindi lamang ito sulat dahil ito ay may kaluluwang kumakatawan sa taong nagpadala nito. Ito ang bersyon ng live streaming sa pamamagitan ng liham na kung saan nararamdaman mong andiyan lang sa tabi mo o harap mo ang taong sumulat sa iyo. Damang-dama mo ang bawat katagang nakasulat sa liham na tila ito ay may buhay.

Masasabi kong mapalad ako dahil naranasan ko ang kagandahan ng mundo na hindi pa moderno ang lahat katulad na lamang ng aking pagiging saksi sa buhay ng isang liham (the life of a letter). Mas nabibigyan ko ng halaga ang bawat detalye ng buhay dahil ito ay hindi nakakamit nang mabilisan. May kaakibat na pag-aantay ang paggawa at pagpapadala ng sulat na kung saan masusukat ang ating pasensya. May elemento ng sopresa, kasiyahan at pag-asa ang liham na siyang nagpapatibay sa ating mga ugnayan sa mga mahal natin sa buhay.

Sa pagwawakas, ang liham na natanggap mo ay para lang sa iyo at hindi para basahin ng publiko. Hindi ito naka-post sa social media, kundi nakatago ito sa sagradong baul ng buhay mo na ikaw lamang ang nakakaalam kung nasaan.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback