Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Magnanakaw ng konsepto

Sino nga ba ang karapat-dapat na gumamit ng title na Eat Bulaga?

ni Noel Lapuz

Usap-usapan hanggang ngayon ang pagbibitiw nina Tito, Vic and Joey sa Eat Bulaga, ang tinaguriang longest-running noontime TV show sa Pilipinas matapos ang 44 na taon bilang main hosts ng programang ito. Sinundan din ito ng pagbibitiw ng iba pang mga co-hosts at production crew. Sa July 1 ay ina-abangan ang pagbabalik sa ere ng TVJ at mga legit dabarkads sa kanilang bagong tahanan sa channel 5. Marami pa rin ang nagtatanong kung ano ang magiging title ng kanilang programa. Maraming beses na ipinahayag ng tatlo na ang Eat Bulaga ay inimbentong pangalan ni Joey De Leon. Dagdag pa ni Tito Sotto na gagawin nila ang legal na pamamaraan para maibigay sa kanila ang karapatan sa paggamit ng naturang title ng programa. Sa mga oras na ito ay wala pang kompirmadong magiging pangalan ang bagong programa ng TVJ.

Marami ng mga naganap na pagnanakaw ng konsepto sa Pilipinas man o sa iba pang dako ng mundo. Noong empleyado pa ako ng city hall ng Taguig ay minsan akong naging bahagi ng Tourism and Cultural Affairs Office na kung saan ay nagbuo ako ng konsepto ng isang street festival na tinawag kong “Taga-giik Festival.” Hango ang pangalang Taguig sa “taga-giik” ng palay o rice threshers. Sa konsepto kong “Taga-giik Festival” ay itatampok ko ang kasaysayan ng Taguig sa pamamagitan ng Mardi Gras at dito rin ay ipakikita ang evolution ng estado ng Taguig from agricultural to a modern city. Nakapasa ang konsepto sa pamunuan ng Taguig ngunit dahil sa maraming kadahilanan ay hindi ito nasimulan noong ako ay nandoon pa. Makalipas ang mga taon, nabalitaan ko na lang na may tila ginawang festival ang siyudad na may kaparehong-kaparehong konsepto. Natawa na lang ako.

Ang aking Ninang at kasama sa kilusan na si Josie Sta. Ana, isang aktibista at dating journalist ay naisip ang katagang Forward Taguig sa panahon ng panunungkulang ng isang mayor na may initial na FT. Sakto ang Forward Taguig sa pangalan ng Mayor. Matapos niyang ibahagi ang konsepto ng Forward Taguig sa isang malapit sa Mayor ay nagulat na lamang siya ng pormal na lamang itong ginamit ng pamununan ng Taguig nang wala man lang pasasalamat at pahintulot sa kaniyang naisip na konsepto. Nagkibit-balikat na lamang si Ninang Jo at natawa na lang sa harapang credit grabbing ng mga taong sipsip sa gobyerno.

Bukod sa mga konsepto, ay may mga artepakto (artifacts) ding literal na ninanakaw. Mayroong mga halimbawa ang kasaysayan ng mundo na kung saan naganap ang mga pag-aangkin na hindi legal o labag sa kautusan. Narito ang ilang mga halimbawa:

Mona Lisa – Ang pamosong painting ni Leonardo da Vinci na kilala bilang “Mona Lisa” ay nanakaw mula sa Louvre Museum sa Paris noong 1911. Ang mga salarin ay nagtago ng obra sa kanilang tahanan sa loob ng dalawang taon bago ito muling nahanap at naibalik sa Louvre.

Ishtar Gate – Ang Ishtar Gate ay isang makasaysayang pintuan na gawa sa mga bato at glazed tile na matatagpuan sa sinaunang lungsod ng Babylon sa kasalukuyang Iraq. Isang bahagi ng pintuan ay inangkin at dinala sa Germany noong dekada 1910 ng isang ekspedisyon na pinangungunahan ni Robert Koldewey. Ito ay kasalukuyang nasa Pergamon Museum sa Berlin.

Koh-i-Noor Diamond – Ang Koh-i-Noor Diamond ay isang malaking mantsa na bato na kasalukuyang nasa bahay ng British Crown Jewels sa London. Ito ay naging bahagi ng mga inagaw mula sa India at pumasa sa iba’t ibang mga kamay ng mga pinuno at monarko bago ito napunta sa Britanya.

Elgin Marbles– Ang Elgin Marbles ay mga bahagi ng mga marmol na friso, metop, at pediment na naalis mula sa Parthenon sa Athens, Greece. Ang mga ito ay kinuha ng British diplomat na si Lord Elgin noong mga dekada 1800 at itinago sa British Museum sa London.

Lalayo pa ba tayo sa Pilipinas? Natatandaan ba natin ang kontrobersyal na pagnanakaw ng Golden Buddha? Nasaan na kaya ito at sino ba ang orihinal na may pag-aari nito?

Mahalagang tandaan na ang mga halimbawang ito ay nagdudulot ng kontrobersya at patuloy na pinag-uusapan ang isyu ng pagbabalik ng mga naagaw na artepaktong ito sa kanilang pinagmulan. Ang pag-aangkin at pagnanakaw ng mga artepaktong kultural ay malinaw na labag sa etika at mga internasyonal na alituntunin sa kultura at patrimonyo.

Bagama’t ang Eat Bulaga ay hindi isang artifact, ito naman ay maituturing na institusyon sa larangan ng sining at entertainment. Kaya nga, anuman ang magiging kahihinatnan ng desisyon sa kung sino ang may karapatang gumamit ng pangalang Eat Bulaga ay mahalaga sa mga Pilipinong sumusubaybay dito.

Nitong nakalipas na mga araw ay idinaos ang taunang Manitoba Filipino Street Festival sa Winnipeg. Ito ay pagdiriwang ng cultural heritage ng mga Pilipino sa kalye. Napakaganda ng konsepto ng event na ito.

Saludo ang inyong lingkod sa mga naka-isip, nagsimula, nagtaguyod at patuloy na nagpapatupad ng programang ito.

Patuloy tayong magbuo ng mga orihinal na konsepto at sana ay bigyan natin ng karampatang pagkilala ang mga taong nasa likod nito. Maaaring sa simula ay maghari ang kabulaanan ngunit darating din ang panahon na mismong ang kasaysayan ang kusang magbubuklat ng katotohanan.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback