
Opinions
![]() |
Ang umutang at ang inutangan |
ni Noel Lapuz
Dahil ayaw mong makasakit ng damdamdamin ng umutang sa iyo ay iniisip mong mabuti ang gagamitin mong salita sa paniningil. Kailangan kang maging ma-respeto, magalang at tunog mabait ang paniningil. Bukod dito ay isasa-alang-alang mo ang petsa ng paniningil. Panahon ba ito ng bayaran ng upa sa bahay, tubig, hydro, etc? Anong oras ba kailangang mag-text? Baka naman natutulog pa ang umutang at nakakahiya naman sa kaniya na gisingin mo sa isang text ng paniningil. Hiyang-hiya ka sa umutang sa ’yo. Ikaw na ang nagpautang. Ikaw pa ang nahihiya. Sounds familiar ba, ika mo?
Going back months or years ago ay mabait sa iyong nag-message ang umutang sa iyo at kinumusta ka. Isang messenger notification ang nakita mo at may smiley icon pa. Masaya ang tunog ng mensahe. “Kumusta na po Kuya?” 😊. Ang pangungumustang ito ay mauuwi sa maikling kuwento na susundan ng pagbabahagi ng problema at ang ultimatum na mensahe ay “baka naman.” Kapag bumanat na ng “baka naman” ang mensahe ay alam mo na ang ibig nitong sabihin. Mangungutang lang pala kaya ka naalala.
Kapag naipadala mo na ang pera ay magpapasalamat sa iyo ang umutang na may pangakong “huwag kang mag-alala.” Ikaw naman ay tiwala dahil naawa ka at nahihiya kang hindi magpautang dahil baka sabihin naman ay masama ang ugali mo. Kung baga, parang lumalabas na may obligasyon kang magpautang.
Lumipas ang ilang linggo, buwan, at taon. Tila yata nagkasakit ng amnesia ang umutang sa ’yo. Naisip mo tuloy na sana ay okay lang siya at baka naman gipit na gipit talaga. Habang ipinagtatanggol mo sa iyong isip ang hindi niya pagbabayad o pagkalimot niya sa utang ay magugulat ka na lang sa kaniyang mga posts sa FB at IG! Wow! Bagong kotse, travel pictures, kain sa labas, bagong bags, magagarang damit! Maiisip mo tuloy na parang may hindi tama. Parang dapat muna ay mabayaran ka muna sa inutang sa ’yo bago unahin ang mga ka-lechehan, kayabangan, at karangyaan sa buhay. Walang masama sa pag-enjoy sa buhay, pero parang hindi rin parehas na tutuwaran mo na lang ang mga obligasyon mong utang!
Makikita mo ang umutang sa ’yo sa isang event. Ang ganda ng itsura. Talagang hindi mo masasabing swindler. Magalang kausap at very sosyal ang datingan sa mga gatherings. Makikita ka niya at ibebeso-beso ka na parang walang nangyari. “Kuya, nice to see you!” Parang wala lang. Siyempre, hindi naman ito ang tamang venue para maningil kaya ngingiti ka na lang at sasabihin sa sarili na “Ang kapal ng mukha ng taong ito!”
Uuwi kang natatawa na lang sa pangyayari. Talaga palang may mga taong ganito. Mga switik at hustler sa pangungutang.
Sino ba naman ang walang utang lalo na dito sa Canada? Walang masama sa pag-utang kung tayo naman ay magbabayad. Ang problema, yung iba magaling lang umutang pero hindi marunong magbayad.
Sino ang nasira? Walang ibang sinisira ang mga hindi nagbabayad ng utang kundi ang sarili nila. Hindi na sila makaka-ulit at kahit hindi mo ito isalaysay sa madla ay tiyak na kakalat ang balita ng masamang ugaling ito. At the end of the day, wala ng magtitiwala sa ganitong uri ng tao. Sayang kung ipagpapalit nila ang kanilang reputasyon dahil lamang sa kasamaan ng ugali na hindi pagbabayad ng utang. Tandaan, karma is a female dog.
Doon naman sa mga nagpapautang at ginagawang negosyo ito, huwag naman sanang pagsamantalahan ang mga lehitimong nangangailangan. Bigyan ng pagkakataong makabayad ang mga totoong nagsisikap na magbayad. Maging considerate. Isa-isip lagi na mas masarap tumulong at mas magandang makitang nakakaahon sa pinagkautangan ang iyong pinautang. Pero doon sa mga hindi talaga nagpaplanong magbayad ng utang, mahiya naman sana sila sa sarili nila. Hindi napupulot ang pera; ito ay pinagsisikapan. Sana, kahit paunti-unti ay gumawa ng paraan para makabayad dahil ang utang ay utang, ang bigay ay bigay. Sana noong una pa lang ay sinabi ng “pahingi” instead of saying “pautang”.
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.