
Opinions
![]() |
My wife doesn’t work |
ni Noel Lapuz
Kauna-unahang gumigising para maghanda ng almusal, baon, damit, bus pass, bag at lahat ng kailangan sa eskwela at sa trabaho. Nagsisilbing buháy na alarm clock na mas laging advance kung magsabi ng oras.
“Freedom, alas sais na bumangon ka na jan.” Ang totoo ay 5:30 pa lang ng umaga. Alam niya ang diskarte kung paano gisingin ang mantikang matulog.
Wala na kaming ibang gagawin kundi kumain, maligo at hablutin ang aming gamit bago umalis. Ang dalawang bulinggit ay papakainin, papaliguan, bibihisan at ihahatid sa eskwela. Ang kauna-unahang gumising ay kahuli-hulihang kumakain. My wife doesn’t work, that’s why she does all of these. Yes, she does not work.
Kapag nasa eskwelahan na ang mga bata at nasa trabaho na ako ay nag-iisa na lang siya sa bahay. Ang morning rush na nag-iwan ng hugasing plato, gulo ng mga kuwarto, ng banyo at ng buong kabahayan ang kaniya namang aasikasuhin. Not to mention ang pagpapakain sa at pag-aasikaso sa aso. Halos tanghali na pero hindi pa rin siya tumitigil ng pagtatrabaho. Naka-coffee break na ako sa office, nag-recess na ang mga bata pero non-stop pa rin siya. My wife doesn’t work, that’s why she does all of these things. Yes, she does not work.
Magluluto na naman siya ng ulam. Kailangan ay maluto niya ito bago ang oras ng kaniyang pagsundo sa mga bata. At kapag luto na ay tatakbo na siya sa eskwelahan. Ang kusinera na naging cleaner na naging dishwasher ay babalik sa pagiging school bus driver. Kapag nasa bahay na ang mga bata ay papakainin ulit sila. Bibihisan at aayusan ang mga dugyot na itsura ng mga batang walang kasing kulit. Madalas din siyang nagiging referee sa nag-aasarang mga bata. Magiging pari o madre din sa pagsesermon. Madalas ding subject ang GMRC (Good morals and right conduct). Minsan Religion 101. My wife doesn’t work. Yes, she does not work.
Hindi pa tapos ang obligasyon niya. Bubuksan niya ang mga gamit sa eskwela ng mga bata para alamin kung may mga kailangang gawing homework o letters para sa mga magulang. Titingnan ang mga journals ng mga estudyante at kapag may gagawing homework ay mag-iibang anyo at magiging titser. Aabutin na ng gabi ang pag-aaral. Pagod na ang mga bata ngunit parang di pa siya pagod. Babalik siya sa kusina para maghanda ng hapunan. Mag-iisip ng iluluto. Magluluto ulit. Aayusin din ang mga kailangan ng mga bata para bukas. Mag-aayos ulit ng bahay. Dumidilim na, wala pa rin siyang pahinga. Yes, she does not work.
Darating na ako ng bahay. Gutom. Siguradong may kakainin ako. Ang totoo, paminsan minsan ay tine-text ko siya para tanungin kung ano ang ulam. Nasa bus pa lang ako ay nakakondisyon na ang isip ko sa magiging hapunan ko. At ganoon na nga. Naka-ready na ang hapunan. Magpapalit na lang ako ng pambahay na damit, maghuhugas ng kamay, uupo sa kabisera ng lamesa at kakain ng hapunan. Nasa tabi ko siya. Nagkukuwentuhan kami ng kung anu-ano. Siya ngayon ay isa ng reporter na nag-uulat sa akin ng mga pangyayari sa buong araw. Manonood kami ng TV kung may time pa. At kadalasan, mauuna pa akong matulog. Ang unang gumising ay huling matutulog at huling matutulog ay unang gigising. Babalik ang cycle ng buhay. Ang alarm clock ay uuwak at maaamoy ko na ang masarap na breakfast. And yes indeed, she doesn’t work.
Napakataas ng respeto ko sa mga Ina ng tahanan na nagtataguyod ng kanilang pamilya sa iba’t ibang paraan regardless kung working moms o stay-at-home moms. Hindi ko kayang gawin ang ginagawa ng asawa ko. Mas gugustuhin ko pang magtrabaho ng dalawa kaysa maging in-charge sa home management at child care. Hindi kaya ng powers ko ang powers ng mga nanay.
Kaya kapag sinasabing stay-at-home Mom “lang” ay tinatama ko ito nang stay-at-home mom – period at walang “lang.” She doesn’t work regular hours because she works all the time, 24/7. Walang bakasyon. Walang phone in sick. Walang paid leave. Walang retirement benefits. Walang union.
Pero at the end of the day, siya pa rin yung liwanag. Siya pa rin yung ilaw. Hindi nagde-deteriorate ang kaniyang lakas. Hindi nalo-low-bat.
Teka, may text pala sa akin. Nasaan na daw ako. “Parating na,” ang text back ko. Parang Inahing manok lang, hindi makukuntento kung ang pamilya’y di kumpleto.
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.