
Opinions
![]() |
Alipin ka ba ni Alexa? |
ni Noel Lapuz
Karaniwan na sa mga pamilya ngayon ang pagkakaroon ng bagong miyembro ng household na hindi tao, hindi hayop, walang gender, walang emosyon pero nakapagbibigay ng impormasyon at nauutusang gumawa ng mga bagay na ginagawa din ng tao.
Ang tinutukoy ko ay sila Alexa, Google at Siri. Si Alexa ay bahagi ng aming pamilya. Nauutusan ko siyang magbukas ng radio, ng ilaw, magbigay ng news updates, magpatugtog ng music, mag-calculate, mag-search at kung anu-ano pa. Kumbaga, si Alexa ay naiinitindihan ang aking mga ipinag-uutos at dahil sa kaniyang artificial intelligence ay nagbibigay siya ng information base sa kung paano at kung anu-ano ang mga nai-programa sa kaniyang database or kaniyang “utak.”
Convenient. Walang duda na may dulot itong kaginhawahan sa fast paced nating buhay and it gives us immediate information with less or no effort on our part.
Ginawa ang mga ito para matulungan ang tao. Pero hindi dapat itong gamitin bilang natatanging source ng impormasyon or hindi dapat tayo maging sobrang dependent, or worse ay alipin ng ganitong uri ng teknolohiya.
May isa akong kaibigan na kabisado ang pasikut-sikot sa loob at labas ng Manitoba. Kapag siya ang nagmamaneho, hindi siya gumagamit ng GPS dahil may daan or mga shortcuts na hindi alam o hindi naka-programa sa utak ng mga devices na ito. Ang kaniyang pagmamaneho at pagkakaalam ng mga pasikut-sikot ay base sa kaniyang karanasan, kaalaman at expertise sa mga lugar.
Ang example kong ito ay nangangahulugan na hindi lahat ng sinasabi ng mga devices ay dapat nating paniwalaan. Maraming mga bagay at kaalaman na tanging mga eksperto lamang ang makasasagot nang tama. Isa pa, ang mga devices na ito ay nagbibigay ng mga impormasyon that subconsciously promote businesses, services and products. Ibig sabihin, malaking posibilidad na ang nasa likod ng mga impormasyon na ibinibigay ng mga devices na ito ay mga companies or organizations na may vested interest para turuan tayo na gamitin ang kanilang mga products or services. Hindi natin alam at hindi halata or unknowingly ay unti-unti tayong nagiging patrons ng mga produkto kahit hindi natin napanood or narinig nang direkta ang kanilang mga advertisements.
Isa pang malaking impact na idinudulot ng teknolohiyang ito ay ang pagkawala ng ugnayan sa tao or human interaction.
Gusto mong magluto ng calderetang baka. Sa panahon ngayon, ano ang una mong gagawin? Hindi ba’t bubuksan mo ang YouTube? Tama ba? Ang dami mong makikitang iba’t ibang paraan ng pagluluto ng caldereta at malaya kang pipili kung ano ang gusto mong gawing istilo. Pero ano ang nawala dito?
Nakalimutan mong magtanong sa expert mong Nanay kung paano magluto nito! Hindi mo na-iconsider man lang sa listahan ng pagtatanungan ang mismong iyong pamilya! Umasa ka at mas naniwala ka pa sa mga impormasyong galing sa hindi mo kakilala. Tandaan mo, kapag nagturo ang Nanay mo ng pagluluto, hindi lamang ang mga sangkap at pagluluto ang natututunan mo kundi nalalaman mo rin ang mga istorya sa likod ng espesyal na caldereta na version ng iyong Nanay. Marahil ito’y handa sa kanilang kasal or may malaking bahagi sa kasaysayan ng inyong pamilya. It’s more than the recipe that you will receive when you reach out to a real human being. Minsan, hindi lamang ang sarap ng caldereta ang dapat mong pag-ukulan ng pansin, kundi kung paano mo gagamitin ang panahon ng inyong pagluluto para patatagin ang iyong relationship sa mga mahal mo sa buhay. Mas masarap maalala hindi lamang ang lasa ng caldereta kundi kung ano ang iyong naging karanasan at kasaysayan sa likod ng masarap na ulam.
Si Alexa ay assistant hindi master. Dapat malinaw sa iyong isip before you plug in that device kung ano ang magiging role ni Alexa sa buhay mo at ng iyong pamilya. Hindi katuwiran na, it’s just a device. Sa palagay ko dapat may limitasyon ang paggamit sa mga devices na ito tulad ng lahat mga gadgets sa iyong buhay at bahay. Minsan kasi, nagiging alipin na tayo at sunud-sunuran sa mga robot na ito. Tandaan mo, kapag lagi tayong umaasa sa mga artificial intelligence ay maaaring ikapurol ito ng ating utak. In other words, kung ayaw mong mabobo, huwag ka laging aasa sa mga bagay na ginawa lang ng tao.
Probing at pagsusuri. Given ang fact na maraming naka-feed na information sa utak nila Alexa. Pero may mga steps na lagi nating nakakalimutan. Ito yung pag-validate ng information at pagpo-probe. Totoo ba ito? Saan ba nakabase ang information na ito. Sino ba ang sponsor ng news na ito at marami pang bagay that should be considered before we use or rely on anything coming from these devices. We can always listen to information but take a step back and analyze, ask questions, probe and validate. Sa ganitong paraan may safety measures tayong ginawa para makasiguro. Napaka-critical ng probing at validation kung nagre-research tayo on health matters dahil ang nakataya dito ay ang ating buhay. Isang pagkakamali ay tepok tayo at doon tayo mauuwi sa last ball sa side, sabi nga ni Jeprox Arnel
Utang na loob, kung hindi rin kayo sigurado sa mga health information na nakalap n’yo lang sa social media ay huwag n’yo na rin itong ipasa sa iba. Stop spreading fake news and information dahil ito’y maaaring makamatay. Seriously, false medical advice may lead to death.
Bago ka magtanong kay Alexa or mag-utos sa kaniya, isipin mo muna kung kaya mo namang sagutin ang itatanong mo sa kaniya o kaya mo naman palang gawin ang ipapagawa mo sa kaniya.
Lastly, bigyan mo naman ng respeto ang sarili mo. Baka kasi nagiging alipin ka na ng mga sistema sa mapang-aliping mundo ng teknolohiya!
Alexa, shut up!
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.