
Opinions
![]() |
Dear 2020: |
ni Noel Lapuz
Pilitin ko mang pasalamatan ka dahil sa isang taon na idinagdag mo sa buhay ko ay nangingibabaw pa rin sa aking puso ang lungkot dahil sa mga sitwasyong kinaharap ng buhay ko sa taon mo – 2020.
Unang-una, binawian ng buhay ang aking Ama sa taong ito. Biglang-bigla. Walang pasabi. Sa isang iglap, nawala ang Ama ko. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin ang bangkay na katawan ng aking Ama habang hinihimas ko ang kaniyang noo at kinakausap. Araw-araw kong nakikita ito sa aking isipan. Hindi nawawala ang sakit at lungkot ng pangungulila. Hindi ko na siya makikitang muli. Hindi ko na siya makakakuwentuhan muli at wala na muling awitang magaganap kasama ang buháy na tinig niya. Wala na ang aking Ama.
Ganumpaman, ang alaala at turo niya ay mananatili sa puso at isipan ko. May mga pagkakataong nagsisisi ako sa mga panahong labis akong abala at dahil dito ay nakaligtaan ko nang maglaan ng oras para sa kaniya at sa aking Ina. Ngunit alam kong naunawan niya ito.
Siya ay kakambal ng aking isip. Marami kaming mga batuhan ng linya na laging nakabubuo ng impromptu na istorya na tiyak na ikatatawa ng pamilya. Kasama ko siya at ng aking anak sa musika. Isa siyang makata at dakilang mang-aawit. Ang mga istoryang ito ay mananatili na lamang na alaala ng lumipas dahil sa taon mo, 2020 ay pinangyari mo ang hindi ko inaasahan na darating sa aking buhay – ang kamatayan. Ipinamukha mo sa akin na tulad mo, natatapos ang taon, ganoon din naman natatapos ang buhay ng tao.
Kung hihimayin ko ang bawat taludtod ng karanasan ng aking Ama ay maaari akong makabuo ng isang mahabang kasaysayan ng buhay. Mula sa pagiging ulila sa Ina, sa paglaban sa kahirapan, ang pagiging alagad ng simbahan, mang-aawit, manggagawa at respetadong nilalang na may matibay na panininidigan sa kaniyang paniniwala.
Ang wika ko sa kaniya noong siya’y nakahimlay na, “Tatay, sa wakas magkikita na kayo ng iyong Nanay.” Hindi kalian man nakita ng aking Ama ang kaniyang Ina dahil maaga itong namatay nang siya ay sanggol pa. Ulila sa Ina. Nagpalipat-lipat ng bahay, nakitira, nakisama sa mga kamag-anak at hindi kaanu-ano, nagsimulang magbanat ng buto simula pagkabata. Natutong mamuhay mag-isa na walang sinumang inaasahan. Bitbit niya ang katapangan at pagiging independent hanggang sa huling hininga ng kaniyang buhay. Lumisan siya on his own terms. Wala siyang pinahirapan kung hindi ang sarili niyang mortal na katawan.
Hindi strikto ang Ama ko. Ang istilo niya ay ang pagbibigay na pagkakataon na ako ay mag-isip at unawain ang mga sitwasyon. Tinuruan niya ako kung paano magdesisyon nang hindi batay sa impluwensya ng iba kundi galing mismo sa sarili kong pang-unawa at paniniwala. May mga pagkakaiba kami ng paniniwala ngunit nirerespeto namin ang isa’t isa.
2020, natapos ka na ngunit ang kasaysayan ng Ama ko ay hindi pa.
Sa taong ding ito ay ipinadala mo ang alagad mong si COVID-19 dahil sa kababuyan ng tao. Marami itong pinatay at pinahirapan. Hanggang ngayon ay nagpapatuloy ito. 2021 na ngunit nandito pa siya. Kailan ba matatapos? Sinong makakaalam? Huwad ka man o totoo, marami kang pinatay na tao. Sino nga ba ang nagsasabi ng totoo, ang datos ng kamatayan o ang mga paniniwalang salungat sa karamihan? Hindi ko alam. Sinong may alam? Ito ba ay bahagi ng isang napakalaking panlilinlang? Dahil dito ay nagdulot ang alagad mong si COVID-19 ng pagkakahati-hati ng tao. May natutuwa ba dahil sa polarisasyon ng mundo? Mayroon siguro. Sila itong ang hangad ay kontrolin ang mundo. Totoo nga siguro ang virus na ito. Ngunit isa ring katotohanan ang patuloy na pagmamanipula ng mga naghaharing uri ng mundo sa pag-kondisyon kung ano dapat ang gawin at paniwalaan ng tao.
Tapos ka na ba 2020? O may kasunod ka pa?
Kung sabagay, ang ipinaranas mo sa akin ay lalong nagpatibay sa aking kalooban na patuloy na lumaban sa hamon ng buhay at sa modernong digmaan na tiyak na may pagsasamantala at patayan. Tulad ng Tatay, haharapin ko ang susunod na digmaan ng buhay hanggang sa ito’y ating mapagtagumpayan.
Umaasa na may pag-asa,
Batang North End
Taon, 2021
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.