
Opinions
![]() |
Homeless but not heartless |
ni Noel Lapuz
Noong July 15th ay ipinagdiwang ng aking asawa ang kaniyang 50th birthday. Imbis na maghanda o bumili ng anumang kagamitan ay nag-celebrate kaming pamilya sa isang espesyal na paraan kasama ang mga homeless sa downtown Winnipeg.
Idea ng Misis ko na magbahagi ng maliit na biyaya sa mga taong nasa lansangan. Naghanda kami ng 50 pirasong sets ng pagkain na may hotdog, tinapay at tubig. Sa maliit na paraang ito ay ipinagpasalamat namin ang buhay na ipinagkaloob ng Maykapal sa aking asawa. Kasama ang aming mga anak at pamilya ay tinungo namin ang mga tagong lugar sa downtown Winnipeg na kung saan nandoon ang mga taong pinagkaitan ng tahanan, walang mauwian, walang masilungan at marahil ay gutom ang pisikal at espiritwal na pangangatawan. Ang event na ito ay sinadyang hindi i-post sa social media. Tinuring namin ito bilang sagradong pakikipag-ugnayan namin sa mga taong lansangan.
Pamilyar ako sa “taguan” ng mga homeless sa Winnipeg. Ginalugad namin ang Main street at pumasok sa mga kalye ng Princess, King, Logan, Gunnell, Henry at umikot-ikot sa area na malapit sa Siloam Mission.
Sa bawat pag-abot namin ng simpleng bag ng pagkain ay ramdam namin ang pasalamat at kasiyahan ng mga taong ito. Nandoon ang ngiti sa kanilang mga labi hindi dahil sa may ibinigay kami kundi ang mas higit pang dahilan ay ang koneskyon na ipinaabot namin sa kanila na may mensaheng hindi sila nag-iisa.
Isang pagmumulat ang birthday celebration na ito sa aming lahat lalung-lalo na sa aking mga anak sa kahalagahan ng pagmamalasakit sa kapuwa. Ang pagbibigay namin ng pagkain sa kaarawan ng aking asawa ay sumisimbolo sa pagkalinga ng aming pamilya sa komunidad na kung saan kami at tayong lahat ay bahagi anuman ang estado ng ating buhay.
Mapalad ang karamihan sa atin dahil mayroon tayong nasisilungan. Mapalad tayo dahil mayroon tayong pagkain sa ating hapag. Mapalad tayo dahil mayroon tayong pamilya at mga kaibigan na handang tumulong at magmalasakit sa atin. Sa kabila ng ating pagiging mapalad ay huwag sana nating malimutan na mayroon din tayong kasama sa komunidad na walang tahanan, walang pagkain at walang pamilya.
Habang ginagalugad namin ang downtown at sinasaksihan ang kanilang sitwasyon ay naisip ko na may iba’t ibang dahilan kung bakit sila nasa lansangan. Kung anuman ang dahilan kung bakit sila dumating sa ganitong sitwasyon ay wala tayong karapatan na husgahan sila. Ang mas mahalaga sa palagay ko ay ang ituring natin silang bahagi pa rin ng ating komunidad.
Nadurog at literal akong napaiyak sa aking mga susunod na nasaksihan.
Habang nag-aabot kami ng pagkain sa mga taong nasa lansangan, isang lalake ang nagpasalamat sa amin sa wikang Filipino. Hindi ko siya napansin na Pilipino hanggang sa sinabi niyang: “Salamat po, Kuya”. Oo, kababayan natin at may kasama pa siya. “Kumusta na ba kayo?” ang tanong ko sa kanila. “Heto po Kuya, nag-aabang ng suwerte,” tugon ng lalake. “Mag-iingat kayo,” ang wika ko sa kanila.
Tumulo ang aking luha habang patuloy kaming nagbabahagi ng maliit na pasalubong sa kanila. Pag-ikot namin sa isang kalye ay tumambad sa amin ang isang matandang lalake na nakaupo sa gutter ng kalye. Akala ko’y ibang lahi ngunit laking gulat ko na Pilipino rin pala. Bago niya abutin ang supot ng pagkain ay kumaway pa siya sa isang kasamahang Pilipino rin para ipaalam na kami’y may ibinabahaging kaunting biyaya.
Mga Pilipinong walang tahanan? Hindi ko alam kung bakit sila nasa kalye kasama ang mga iba pang mga taong pagala-gala sa lansangan.
Hindi ko inakala na may matatagpuan kaming mga Pilipino sa lugar na ito. Mali pala ang aking akala.
Ano ang mensahe ng ganitong sitwasyon na aming nasaksihan? Lalong umigting ang aking patuloy na pagmumulat sa aking mga anak ng diwa ng pananagutan at pagmamahal sa kapuwa anuman ang kanilang estado sa buhay.
Ang buhay ay hindi dapat umikot sa kung ano lamang ang pabor sa iyo, sa sarili mo at sa pamilya mo. Tayo ay bahagi ng komunidad at may mahalaga tayong responsabilidad sa pagsulong ng isang maayos na pamumuhay. Hindi natin kailangang maging nasa posisyon sa gobyerno, politiko o sikat na personalidad upang tumulong. Hindi kailangang malaki ang ating itulong. Wala sa halaga ang value ng pagtulong kundi nasa sinseridad ng ating puso.
Hindi lamang siguro sa sikmura umabot ang hotdog, tinapay at tubig na aming ibinihagi kundi ito’y nagpatibay ng aming koneksyon sa lipunang nangangailangan ng malasakit at kalinga.
Sa bawat ngiti na isinukli nila sa amin ay nagpatunay ito na maaaring homeless nga sila ngunit hindi naman sila heartless.
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.