Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Racist at mangmang

ni Noel Lapuz

“Bakit ang taba mo yata ngayon!”
“O, bakit naman hanggan ngayon e, wala ka pang asawa?”
“Mag-asawa ka na, sayang ka, maganda ka pa naman!”
“Ano ba yang suot mo, ang baduy naman!”
“Napakaitim naman n’yang boyfriend mo!”
“Hoy, pango!”

Ito ang mga offending na salita na nakasanayan na natin sa Pilipinas o minsan nadala pa natin dito sa Canada. Bunga ito ng ating kasaysayan, karanasan at kolonyal na impluwensya na naghubog sa kaisipan ng karamihan na kapag puti ay maganda, kapag magaling mag-English ay matalino, na ang babae ay dapat sa bahay lamang, na kapag Kapampangan o Batangueño ay may kahanginan, na kapag Boholano o Ilocano ay kuripot. Lahat ng ito ay mali! Lahat ng ito ay isiniksik sa utak ng mga Pilipino para manatili silang mababang uring lahi at para sila magkahati-hati. Divide and conquer ang atake. Ang ganitong istratehiya ng panlalason ng utak ng tao ay epektibo pa rin. Kapansin-pansin ang patuloy na polarisasyon o pagkakahati-hati ng mga Pilipino sa larangan ng paniniwalang politikal na ginagamit ng mga pulitiko para sa sarili nilang kapakinabangan. Sa dulo, talo pa rin ang taumbayan.

Nagbabago ang lipunan. Ang mga dating parang okay lang na sambitin o iparatang sa tao ay hindi na appropriate ngayon at may mga pagkakataong may katumbas itong kaparusahan. Ang pagkakapantay-pantay ng tao sa kabila ng pagkakaiba ng kasarian, kulay, pananampalataya at paniniwala ay itinataguyod sa buong mundo. Ngunit sa kabila nito, ramdam pa rin natin ang diskriminasyon dahil ito ay nasa sistema na ng lipunan sa Pilipinas man, Middle East o dito sa North America. Bagama’t ang buong mundo ay nagsusulong ng equity, mayroon ding mga leaders ng mga bansa ang walang kaduda-dudang imahe ng pagiging racist, pasista at diktador. Ang nakakalungkot, maraming mga tao sa mundo ay utu-uto at mangmang.

Kadalasan, hindi natin napapansin na tayo ay racist din. Bakit kailangan nating itanong ang lahi ng isang tao? Halimbawa, may bagong pasok sa opisina o bagong estudyanteng ka-klase ang anak ninyo. Napansin ba natin na lagi tayong partikular sa lahi or race? Bakit? Does it make any difference kung katutubo ang naging manugang mo, na bumbay ang best friend ng anak mo o taga-Africa ang doctor mo? Bakit okay lang kung puti?

Tayo mismo ang nagsisimula ng racism sa buhay at pamilya natin. At kapag kinalakihan ng mga miyembro ng pamilya ang ganitong paniniwala, ito’y magiging normal na lang sa kanila hanggang sa dalhin nila ito sa kanilang pakikisalamuha sa ibang tao at pagbubuo ng pamilya.

Alam kong may mahalagang role ang mga leaders ng lipunan, celebrities at mga social media influencers sa kung paano mabago ang behaviour ng mga tao. Napapansin n’yo ba na kapag lagi nyong pinapanood ang paborito ninyong YouTube blogger ay bukambibig n’yo na ito at minsan pa ay naiimpluwensyahan na nila ang inyong mga paniniwala? Kaya nga, dumarami nang dumarami ang mga trolls o yung mga bayad na mga bloggers at profiles upang lasunin ang kaisipan ng mga tao. Karamihan dito ay mga propaganda na ipinadadaan sa modern at epektibong plataporma tulad ng Facebook, YouTube at iba pang social media. Halimbawa: Nagkaroon ng posisyon ang ACT-CIS bilang partylist sa kongreso ng Pilipinas. Ibig sabihin, epektibo at napapaniwala ang tao sa kung ano ang i-endorso ni Raffy Tulfo. Idol nga tawag sa kaniya, hindi ba? At kapag tumaliwas ka sa mga followers ni Tulfo at ng iba pang mga sikat na influencers ay puputaktihin ka ng bash, pagmumura at pag-aalipusta ng mga panatiko.

Kung ating pag-aaralan, nawawalan ng sariling paninidigan ang mga tao. Sunod na lang sila nang sunod sa kung ano ang sabihin ng kanilang idol o leader. Kapag sinabing okay lang ang martial law ay susunod din sila dahil sa inindorso ito ng kanilang leader. Kapag sinabing sumama sa people’s initiative para sa ABS-CBN ay sasama ang marami dahil pakiusap ito ng kanilang idolong artista at hindi para sa anumang isyu. Ang masakit dito, kadalasan ay hindi alam ng nakararami ang ibig sabihin ng mga pangyayari sa lipunan. Hindi nila alam ang kanilang sinusuportahan at wala silang kaalam-alam sa tunay na dahilan ng mga pagbabago at isinusulong sa lipunan.

Sounds familiar? Parang Winnipeg lang din hindi, ba? Kapag may bagong FB group, sasama dito kahit hindi alam kung para saan ito. At nagkalat din ang walang kakuwenta-kuwentang mga programs sa social media na dapat sana ay ginagamit para mag-educate at mag-inform, pero puro lang batian nang batian dahil habol lang ay kumita ng ads. Huwag na kayong magpaipokrito. Batu-bato sa langit tamaan ay guilty.

Hindi ko alam kung saan mauuwi ang article ko ngayon.

Nalulungkot lang kasi ako sa nangyayaring polarisasyon sa mundo at ang pagdami ng mga taong hindi nag-iisip. Nagagalit ako sa mga leaders ng bansa na sila mismo ang nagsusulong ng pagkakahati-hati ng tao.

Ang naiisip ko lang na magandang solusyon sa mga pangyayaring ito ay ang pagtataguyod natin ng pagmamahalan at respeto sa loob mismo ng ating tahanan. Bumuo tayo ng maayos na lipunan sa pamamagitan ng paghubog ng maayos na tao sa ating mga tahanan. At huwag nating ipakita sa ating mga anak na tayo ay alipin at panatiko sa mga leaders o celebrities. Mag-isip kapag may time.

Huwag puro thumbs up sa posts ng inyong paboritong blogger. Maging sensitibo, huwag maging racist at mangmang.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback