Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Nasa bahay lang ako

ni Noel Lapuz

Habang isinusulat ko ito ay nanonood ako ng live interview ni Mayor Brian Bowman at Mike Ruta, Acting Chief Administrative Officer ng city na may kalungkutan nilang inanunsyo ang pagsibak sa 674 na empleyado ng city hall dahil sa kakulangan ng pera.

Kahapon naman ay nagpahaging na si Premier Brian Pallister na maaaring ipatupad ang reduced working hours para sa mga empleyado ng province.

Sa aking meeting kaninang umaga ay naiulat na ang real estate ay bagsak diumano. Ibig sabihin, bagsak ang bentahan ng mga properties. Walang bumibili, walang may kakayahang bumili at walang nagpapahiram ng pera para bumili.

Ang sabi ng mga economists, magkakaroon ng napakalaking deficit ang gobyerno sa mga susunod na mga taon. Isa lang ang ibig sabihin nito, magiging challenging ang mga susunod na taon in terms of our finances.

Lahat siguro tayo ay napapraning na sa kung ano ang mangyayari sa mundo bukas o sa mga susunod na araw o buwan. Hindi natin alam kung kalian tayo babalik sa normal o kung ito na ba ang bagong normal.

Habang nasa gitna tayo ng pangamba ay gusto ring ibahagi ang mga positibong bagay na nangyari sa akin simula nang ako ay mag-work from home (WFH) halos mag-iisang buwan na.

Oras sa kama

Sa mga nakakakilala nang personal sa akin ay alam nila ang aking work schedule. May full-time job ako from 8:00 a.m. to 4:00 p.m., pagtapos ng aking full time ay mayroon akong part time from 5:30 p.m. until 10:30 p.m. plus mayroon ding pasok in some weekends. Bukod diyan ay mayroon din akong business na tubig at iba pang legal at licensed na negosyo on the side. On top of these, ay mayroon din akong public service program on social media at food vlogs. Ako rin ay isang distance runner. Buwan-buwan din ay kahuntahan ko kayo sa aking pitak na Batang North End dito sa ipinagmamalaki kong pahayagan, ang Pilipino Express. At higit sa lahat, ako din ay may tatlong anak at isang asawa. Pamilyadong tao din, ika nga. Nandito rin sa Winnipeg ang aking Nanay, Tatay, kapatid at mayroon din naman akong social life. “How the h…… do you do that, Noel?” Iyan ang laging tanong sa akin ng aking mga kakilala. Well, isa lang lagi ang aking sagot kundi: “Always enjoy what you’re doing”.

Simula nang mag-WFH ako ay mas mahaba ang aking oras sa kama. Nakabawi ako ng tulog dahil ang aking home office ay katabi lang ng aking kama. Ang kasarapan ng WFH ay yung tinatawag na “inin” sa pagtulog. Yun bang tipong 7:00 a.m. na ay puwede ka pang humirit na ilang minutong tulog dahil hindi ka naman bibiyahe.

Family time

Ang lagi kong excuse noong hindi pa ako WFH ay binibigyan ko naman ng quality time ang aking pamilya kahit kaunti dahil sa dami ng aking ginagawa. Ngayon ay mas marami akong oras sa aking asawa at mga anak dahil andito mismo ako sa bahay. Nagagawa kong mag-spend ng oras sa kanila during my break, lunch at pagkatapos ng aking trabaho. Kahapon nga ay bigla na lang akong niyaya ng aking bunso ng movie time and alas. Sa wakas ay na-appreciate ko rin ang istorya ng Godzilla.

Shout out sa mga homemakers

Ang Misis ko ay full-time Mom may COVID-19 man o wala. Ngayon ay mas marami siyang “trabaho” dahil siya ngayon ay tumatayo ding full time teacher ng mga bata. Disiplinado sa oras ang aming mga estudyante dahil may “pagka-terror” si teacher. Yung oras nila sa school pati recess ay sinusunod (strictly being complied with) sa bahay. Naatasan ding gym, music and arts teacher ang aming panganay na anak sa kaniyang mga maliliit na kapatid. Bukod sa pagiging teacher, si Misis ay in-charge din sa overall home management. Paminsan-minsan ay ume-extra din naman ako sa paghuhugas ng plato at pagluluto. Pero minsan ay napupuna din ang aking gawa dahil may standards siyang sinusunod. Thanks sa aking Misis at sa lahat ng mga Misis ng tahanan. Mabuhay kayong lahat!

Home church

Dinalaw ko ng saglit si Monsignor Samson sa St. Peter’s Church while keeping our physical distance. Nasabi ko sa kaniya na napakaganda ng kaniyang homily last week tungkol sa pagkakaroon ng home church. Doon ko na-realize na talaga namang kailangang maging “simbahan” ang ating mga tahanan. As what other churches are doing, online na rin ang maraming simbahan. Ang kagandahan nito ay sama-sama kayong pamilya sa pagdarasal at pagsamba sa loob mismo ng inyong tahanan. Regardless of our faith, ang time to meditate and pray ay nagagawa na natin nang mas madalas dahil nasa loob tayo ng bahay.

Reflection and inspiration

Kaugnay ng meditation and prayers ay nandiyan din ang reflection natin sa mga nangyayari sa mundo. Marami kang naiisip at nagiging creative ka sa pag-iisip ng mga bagay kung paano makatutulong sa komunidad upang makabangon muli. Hindi lingid sa inyong kaalaman na ako’y host ng isang public service program sa Facebook. Lalo akong na-inspire na ituloy ang pag-inform, educate at pag-engage sa mga tao sa mga bagay at issues na dapat nilang bigyan ng pansin.

Healing of the earth

Totoo man o hindi, ang pagkakaquarantine natin ay nagbigay ng pagkakataon sa mundo to heal itself. Simpleng mga halimbawa na lamang ay ang pagkabawas ng usok sa lansangan bunga ng mga buga ng gasolina; ang pagbibigay ng break sa mga rivers and lakes at ang pagkakaroon ng katahimikan at kapayapaan sa wildlife. Minsan nga ay totoo siguro ang sinasabing hindi COVID-19 ang virus kundi tao mismo ang virus sa kalikasan.

Learning new things

Saksi ako sa mga bagong discovery ng mga skills ng karamihan. Shout out sa aking kaibigan na si Katherine Pacheco sa kaniyang skills sa paggawa ng sarili niyang masks. Nandiyan din ang mga aspiring “chefs” tulad ni Dave Cabrera at Bong Reyes na itinatampok ang kanilang mga lutuin on social media. Ang hindi ko lang ma-enjoy ay ang mga overacting na videos sa tiktok. Mayroon namang nakakatuwa pero kadalasan ay nakakasawa. Pasintabi sa mga tiktokero at tiktokera diyan. Peace be with you.

Anyway, sa kabila ng mga lay-offs, reduced working hours, financial constraints at iba pang mga challenges na kinakaharap natin ngayon ay manatili sana tayong positibo. Always treasure and enjoy each moment na nasa bahay lang kayo.

Remember, we shall overcome this battle of the unknown.

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback