Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Iwas virus! Wala munang beso-beso

ni Noel Lapuz

Habang isinusulat ang artikulong ito ay nag-aantabay ako sa mga latest updates tungkol sa kumakalat na corona virus lalo na dito sa Manitoba na mayroon nang tatlong indibidwal na tinuran ng chief provincial public health officer ng Manitoba na presumptive na positibo sa COVID-19.

Pinay ang unang kaso ng maaaring positibo sa virus na ito na galing ng biyahe sa Pilipinas. Kaya nga, ang mga sumusunod na impormasyon ay ipinapalaganap ng mga kinauukulan:

Public health investigations are continuing for case one, which was announced on March 13 by the chief provincial public health officer of Manitoba. Preliminary information indicates individuals who were on the flights listed below on March 7 and March 8 may have been exposed to COVID-19:

  • Philippines Airlines flight PR 466 from Manila to Incheon, Korea – rows 48 to 54;
  • Air Canada flight AC 0064 from Incheon, Korea to Vancouver International Airport – rows 30 to 36;
  • Air Canada flight AC 8624 from Vancouver International Airport to Winnipeg – rows 24 to 29.

Kung may kakilala kayo na naging pasahero sa mga flights na ito ay agad ninyong ipaalam sa kanila ang mga dapat gawin lalung-lalo na ang pagse-self isolate nang dalawang linggo. Tumawag agad sa Health Links sa 204-788-8200 sa Winnipeg o 1-888-315-9257 toll-free kung kayo ay nakakaramdam ng simptomas ng lagnat, paninikip ng dibdib, ubo, nagluluha, at iba pang mga palatandaan ng corona virus. Laging maging handa, alerto at maingat, lalo na sa pakikisalamuha sa mga tao.

Mga nakagawian at seremonyas

Tayong mga Pilipino ay likas ang pagiging hospitable at palakaibigan. May mga gestures tayo na kadalasan ay may kaakibat na pisikal na kontak tulad ng pagyakap, paghalik, pagkamay at maging pagmamano. Ang lahat ng ito ay naglalayong ipamalas ang pagmamahal, kapatiran at paggalang.

Maging sa simbahan ng Roman Catholics ay naging kagawian na ang paghahawak ng kamay kapag sinasambit o inaawit ang Ama Namin. Sa komunyon naman isinusubo ng pari at ng mga communion servers ang ostiya at minsan ay isang kapa (cup) lamang ang inuuman ng lahat para pagsaluhan ang alak. Hindi naman siguro mamasamain ng mga Kaparian kung wala munang hawak kamay sa pagdarasal. Maiintindihan siguro ito ni Lord. Peace be with you.

Usong-uso dito sa Winnipeg ang boodle fight o kamayan sa hapag kainan. Hindi lamang ito attractions sa mga restaurants kundi may mga events din ang iba’t ibang mga samahan o mga angkan at pami-pamilya na salu-salo sa pagkain sa iisang mahabang dahon ng saging habang naka-kamay. Napakagandang tingnan nito at sumisimbolo ito ng ating pagkakaisa at pagpapasalamat sa mga biyaya sa hapag. However, medyo tigil muna tayo sa ganitong masarap at kagana-ganang kainan. Pansamantala lamang naman. Gumamit muna ng kubyertos at maghugas ng kamay.

Tagayan at iba pa

Hindi na masyadong uso ang tagayan sa mga manginginom na isang baso lamang ang ginagamit at ipinaiikot ito sa mga kasama sa inuman. Maging ang tinidor o kutsara ng ginagamit sa pulutan ay ginagamit o isinusubo ng lahat. Well, alam n’yo na ang dapat gawin. Huwag tumagay. Mag-solo flight na lang muna o huwag na lang uminon. Tubig na lang muna para hydrated tayo. Tubig? Alam n’yo na kung anong tubig ang the best! LOL

Ang mga chismosa ay hindi papahuli. Kapag nagkukwentuhan ang mga chismosa ay halos magkapalit na ang kanilang mga pagmumukha dahil sa pag-anas o mahina nilang kuwentuhan ng mga chismis. Tigilan ang chismis para hindi ma-virus.

Sa mga workplace ay nasanay na rin ang iba sa satin na basain ng laway ang hinlalaki para kumapit ang pahina ng libro, notebooks, document at iba pang mga binabasa. Maging conscious sa sanitation sa workplace.

Ang pagsinga, pagbahing at pagdura

May ibang mga tao na kung makabahing ay halos itataboy ka ng isang kilometro! Ang masama nito ay hindi pa nagtatakip ng bibig kapag bumabahing. Mayroong ding mga tao na sisinga sa harap mo nang walang kaabug-abog or dadahak kasunod ay dudura sa publiko. Wow! Nakakawalang gana at nakakatakot hindi ba?

Hindi ka nag-iinarte

Kapag sinabi ng iyong mga kaibigan na sobrang arte ka dahil nagbibigay ka na ng distansya sa pakikipag-usap sa kanila o hindi ka na nakikipag-kamay or nakikipag-beso-beso ay huwag mo silang intindihin. Ang iyong kaligtasan ay mas importante kaysa sa mga iniisip nila.

Sa mga wagas kung makayakap kahit na kadalasan ay puro kaplastikan lang, ceasefire muna ang batian sa mga amiga! Mag-“hello” ang “hi” muna kayo sa isa’t isa.

Sa ating mga mahal na Lolo at Lola. Pasensya po muna kung hindi makakapagmano ang inyong mga apo sa inyo hangga’t hindi pa natutuklasan ang lunas na novel corona virus. Huwag ninyo po sanang masamain o isiping wala silang respeto kung hindi sila magmano sa mga panahong ito. Sa mga apo naman, mag-good morning or good evening kayo sa mga Lolo at Lola para hindi sila magtampo, okay?

Ang mga community events at activities

Ako din ay nag-woworry kung kailan ko bang mag-leave of absence sa pag-attend ng ating mga ginagawa sa labas ng bahay bukod sa pagtatrabaho. Kailangan ko bang sa bahay na lang mag-exercise at huwag nang pumunta ng gym?

Sa mga nagzuzumba, (pasintabi sa ating mga kaibigan, lalo na kay Ate Lucille), hindi ko sinasabing tumigil kayo sa pag-attend ng inyong mga classes pero dapat ay doble ang inyong pag-iingat. Puwede bang wala munang groupies or group pictures tuwing matatapos ang session? Hindi naman kasi kailangan na laging nasa social media ang inyong mga sessions. Alam kong bahagi ito ng inyong marketing pero dapat din natin isa-alang-alang ang safety at kaligtasan ng ating mga ka-zumba.

Hindi lamang zumba classes ang gusto nating bigyan ng attention kundi lahat ng mga community events na may posibilidad tayong mahawa o maapektuhan ng virus na ito. Hindi natin alam kung sino ang carrier at hindi nila kasalanan kung sila ay isang nang carrier.

As of this writing ay nasa balita na, na mismong ang asawa ng ating Prime Minister Justin Trudeau na si Aling Sophie ay positibo sa virus na ito. Walang pinipili ang COVID-19. Hindi natin alam kung saan at kung kailan ito dadapo. Ang tangi nating magagwa ay ang doble-doble pag-iingat, hugas ng kamay at pag-distansya muna sa ating mga kakilala o kaibigan.

Pagkakataon ng mga nagtatago sa utang at mga tamad

On the lighter side, ito rin ay magandang pagkakataon sa mga manunuba at mga hindi marunong magbayad ng utang na magtago sa kanilang inutangan! Puwede nilang idahilan na dumudistansya sila dahil sa COVID-19 pero ang totoo ay umiiwas lang sila sa pagbabayad ng utang. Puwes, hindi pa rin kayo ligtas sa text messages. Huwag gawing dahilan ang corona virus sa pag-iwas sa pagbabayad ng utang.

Sa t-shirt design ni Don Fernandez ang sabi: “Sick Day – Minsan totoo, Madalas Planado.” Hindi lang ito joke kundi kadalasan ay totoo at inaamin ko na guilty din ako dito paminsan-minsan. LOL. Sana ay huwag naman nating abusuhin ang ating mga benefits and privileges at gawing excuse ang virus na ito.

Hugas at mag-chill lang sa bahay

Finally, ang pinaka-importante ay ang paghuhugas ng kamay. Huwag kalilimutang maghugas ng kamay para sa ating kaligtasan. Also, ang kagandahang ng chilling at home ay may time tayo sa ating pamilya. Magkuwentuhan kayo ni Misis o ni Mister na madalas ay hindi n’yo na nagagawa. Manood kayo ng Netflix or Disney movies together. Makibonding sa mga anak. Makipaglaro sa ating mga pets.

Okay, mga kababayan. Tandaan, no beso-beso muna!

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback