Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Igalang ang Remembrance Day

(Itago muna ang mga Parol)

ni Noel Lapuz

Kailan ba talaga ang appropriate na timing sa paglalagay ng Christmas decorations at pagpapatugtog ng mga mga pamaskong awitin kung tayo ay nasa Canada?

Alam kong hindi ito question noong nasa Pilipinas pa tayo dahil kapag sumpapit na ang “ber” months ay nagsisimula na tayong magpatugtog ng mga Christmas carols, naglalagay ng mga parol, nagtatayo ng Christmas tree at nagpapailaw ng mga Christmas lights. Napakahaba nga daw ng celebration ng Pasko sa Pilipinas.

Although tinatanggap at nirerespeto ng bansang Canada ang diversity at niyayakap nito ang iba’t ibang kultura, sa palagay ko ay dapat din tayong mag-adjust ng ating mga kinagawian kapag tayo ay nandirito na. Hindi ulit nakagisnan na natin ang ilang mga tradisyon ay ipagpapatuloy natin ang mga ito sa Canada kahit na nakaka-offend tayo sa ibang mga Canadians.

Bakit napaka-sagrado ng Remembrance Day sa Canada?

Ang Remembrance Day ay araw ng paggunita sa kabayanihan ng mga sundalo na lumaban sa giyera noong First World War partikular ang mga bansang kasama sa Commonwealth tulad ng Canada. Bakit November 11th? Noong 1918, ay nagtapos ang giyera sa 11th hour of the 11th day of the 11th month.

Maraming mga sundalo mula sa mga Commonwealth na bansa ang nagbuwis ng buhay para makamit ang kalayaan, sovereignty at demokrasya na atin ngayong tinatamasa bilang mga immigrants.

Tulad ng mga bayani natin sa Pilipinas, napakahalaga ng mga iniambag ng mga sundalo noong First World War upang magkaroon ng matibay na pundasyon ang Canada.

Ang Remembrance Day ay gumugunita rin sa lahat ng mga veterans ng sandatahang lakas ng Canada. Marami tayong mga peacekeepers sa Middle East ang nagbuwis ng buhay para tumulong sa kapayapaan ng mundo.

Ang Remembrance Day ay sagradong paggunita ng kamatayan ng mga sundalong nagtanggol sa bansang ito na atin ngayong bagong tahanan.

Tanong: Marapat ba na magdiwang tayo ng sobrang aga ng Pasko habang ang majority ng mga Canadians ay mataimtim na nagdadasal at naggugunita ng kamatayan ng mga bayani?

Igalang ang Canadian tradition

Tulad ng paggalang sa atin ng bansang ito sa ating sariling kultura, sana ay ibalik din natin ang respeto sa mga nakaugaliang tradisyon o practices ng Canada. Bagamat walang nasusulat na batas na nagbabawal sa maagang pagdiriwang ng pasko ay dapat siguro nating bigyan ng konsiderasyon ang mga kaugaliang kinalakihan na ng mga Canadians bago pa man tayo dumating dito.

Huwag nating bastusin ang sagradong tradisyon na nakaugat na sa kasaysayan ng Canada.

Kung akala ninyo ay masyadong “oa” or overacting naman ang aking pananaw tungkol sa Remembrance Day at pagdiriwang ng Pasko ay medyo nagkakamali po kayo. Noong una ay hindi ko mapagtanto o ma-realize kung bakit ganoon na lamang ang kaugalian ng mga Canadians tungkol sa maagang pagdiriwang ng Pasko hanggang sa later on ay naramdaman ko at napatunayan base sa aking mga karanasan ang kahalagahan ng Remembrance Day para sa mga Canadian families.

Sa 11th hour

Habang isinusulat ko ito ay inabot ako ng alas onse ng tangahali ngayong November 11th. Itinigil ko ang aking pagsusulat at nakipagkwentuhan sa aking mga anak tungkol sa Remembrance Day. Tinanong ko sila ng significance ng Remembrance Day sa kanilang buhay at naglaan kami ng ilang saglit ng katahimikan bilang paggunita sa mga bayaning sundalo. Sabi ni Franco at Francis, “It’s the sacred hour to honour our Canadian soldiers who fought for the freedom of this country”,

How did you observe your 11th hour on the 11th day of the 11th month?

I encourage all Filipino-Canadian families to make it a habit to observe the sacredness of Remembrance Day. Hindi pa huli ang lahat, maybe next year we can dedicate at least a moment of silence to remember our Canadian soldiers. Lest we forget.

Itago muna ang mga parol

Ang respeto ay two-way. Kung gusto mong i-respeto ka ng kapuwa mo ay i-respeto mo rin sila. Big deal ba ang pagdedecorate ng sobrang aga? Well, kayo na mismo ang sumagot nito depende sa inyong nararamdaman at sa palagay ninyong appropriate. Tulad din yan ng tanong na: “Kakain ka ba ng lechon sa harap ng co-worker mong Muslim?” Respeto lang.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback