
Opinions
![]() |
Babala: Mag-ingat sa magnanakaw |
ni Noel Lapuz
Sa aking recent podcast episode ay tinalakay ko ang tungkol sa iba’t ibang uri ng magnanakaw. Para sa kaalaman ng lahat, maaari n’yo na pong mapakinggan ang Batang North End podcast sa Spotify, Anchor, Radio Public at sa marami pang podcast platforms.
Anu-ano ba ang iba’t ibang uri ng magnanakaw?
Una ay ang tipikal na magnanakaw. Marami dito n’yan sa Winnipeg. Kaya nga nabuo ang mga neighbourhood watch groups ay upang matulungan ang lumalalang problema sa nakawan. Maaaring ang maraming insidente ng mga nakawan ay bunga ng drug addiction or meth crisis. Hanggang ngayon ay hindi ko nakikitaan ng malinaw at matibay na program ang pamunuan ni Mayor Brian Bowman kaugnay ng meth crisis. Sana naman ay hindi sila tulog sa pansitan.
Mayroon ding mga magnanakaw ng ideas. Yun bang tipong naibahagi mo ang isang ideya at pagkatapos ay matutuklasan mo na lamang na ninakaw ang iyong idea ng ibang tao. Marami na akong mga narinig na nakawan ng ideas dito sa Winnipeg. Ito ay ang mga taong epal, pulpol na pulitiko o tipikal na sobrang mahal ang sarili at dahil sa pagiging sakim sa recognition ay wala silang pakialam kung puro nakaw ang kanilang mga ibinabandera sa komunidad. Pogi or ganda points nga naman, hindi ba? Bukod sa credit grabbing ay nangyayari din ang pagnanakaw ng ideas pagiging ganid sa pera. Ang ideas ay kadalasang nagagamit sa negosyo o pagkakakitaan tulad ng mga grants sa gobyerno. Biruin mo, ang ideas mo na ninakaw ng iba ay nagsisilbing gatasan ng mga taong walang ibang hinangad kundi ang kumita ng pera! Sa mga nasapol, pasensya na, masakit talagang marinig ang katotohanan.
Pangatlo. Mayroon ding tinatawag na magnanakaw ng asawa o mahal sa buhay. Hindi na bago sa atin ang mga insidente ng hiwalayan blues dito sa Canada dahil sa third party. Okay lang naman kung maayos ang pagkaka-hiwalay ng mag-partner, ngunit ibang usapan kung nagkaroon ng pagtataksil o cheating. Mga taksil! Kung hindi na kayo talaga magkasundo ng partner ninyo ay mabuti pang maghiwalay ang isa’t isa kaysa palihim na nagtataksil kayong dalawa.
Pang-apat. Magnanakaw ng oras. Ano sa palagay ninyo ang matinding magnakaw ng ating oras? Tama kayo ng iniisip – ang social media. Sa Facebook, you are connected but actually disconnected. Konektado tayo sa ating mga “kaibigan” sa Facebook pero disconnected tayo nang personal sa ating pamilya. Biruin mo, imbis na magkuwentuhan kayo ng asawa mo bago matulog ay mas abala kayo sa kaka-Facebook. Sa hapag kainan ay maraming mga pamilya ang hindi na nag-eenjoy sa piging dahil ang karamihan sa kanila ay nakatali sa telepono. Nakakalungkot isipin dahil nawawalan na ng saysay ang pagiging sagrado ng pagsasalu-salo sa hapag kainan. Ang sarap durugin ng mga cellphones kapag nakikita ko itong nagiging sentro ng atensyon ng pamilya imbis na ang biyaya ng buhay. Huwag magpaalipin sa social media. Gamitin ang oras para sa dapat pagtuunan nito.
Panglima. Magnanakaw ng kalusugan. Ang pagdapo sa atin ng sakit ay senyales ng paniningil ng ating katawan dahil sa pang-aabuso nating ginawa sa kaniya. Halimbawa, noong bata ka pa ay hindi ka maawat manigarilyo at uminom ng alak. Huwag kang magtataka kung ngayong matanda ka na ay makakaranas ka ng iba’t ibang uri ng sakit na maaaring maging dahilan din ng iyong maagang kamatayan. Nakakalungkot na noong bago pa lamang ang vaping ay maraming nagtatanggol sa paggamit nito kumpara sa sigarilyo. Mali pala ang paniniwalang ito dahil napatunayan ng mga medical experts na ang vaping ay maaaring maging sanhi ng sakit sa baga or even lung cancer. Tayo rin ay masyado nang exposed sa kung anu-anong mga bagay na nagnanakaw ng ating kalusugan. Halimbawa, maghapon tayo sa computer at smartphones, TV at marami pang mga electronic devices. Exposed din tayo sa mga processed foods at napakaraming junk food. Ang ating lifestyle ay nagbago na nang husto. Ang mga kinakain natin at iniinom ay puro hindi totoong pagkain o inumin. Puro peke at artipisyal.
Maraming mga bagay ang nananakaw sa kabuuan ng ating buhay. Totoong halos lahat ng mga magnanakaw ay nagtatago, nakamaskara, naka-disguise at unti-unting pumapatay sa ating buhay. Ang kapaligiran din natin ay punong-puno ng mga magnanakaw. Sila itong mga magnanakaw na nakangiti sa atin subalit pagtalikod natin ay sasaksakin tayo nang walang kalaban-laban at tuluyang nanakawin ang buo nating katauhan.
Totoo nga na ang buwitre at buwaya ay madalas matagpuan sa gobyerno pero kahit saan ay marami nito. Ang mundo ay pagulo na nang pagulo sa kabila ng pagnanais nating mamuhay nang maayos, ligtas at payapa nang hindi pa rin natin maiiwasan ang mga pagkakataon, mga bagay at mga tao na pagsasamantalahan tayo at dudurog sa ating pagkatao. Isang lang iiwan ko sa inyo: mag-ingat sa magnanakaw.
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.