Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Umayos ka, love you!

ni Noel Lapuz

Kamakailan ay may lumapit sa inyong lingkod at nagmungkahi ng isang paksa na akma daw bilang kasunod ng artikulo ko noong isang buwan. Kaugnay ito ng mga hindi kaaya-ayang mga gawain ng ilan sa ating mga kababayan na tinuran kong “Not Cool.”

Dahil napakaraming mga kababayan natin na nahuhumaling sa fishing, picnics, camping at marami pang outdoor activities ngayong summer ay kadalasang mapupuna natin ang mga basura na identified agad nating kalat ng Pinoy. Ilang beses na akong nakadampot ng mga basura sa mga fishing spots at picnic areas tulad ng pinagbalatan ng manga, barbecue sticks, wrappers ng Chippy o Boy Bawang, pambalot ng Jollibee, lata ng sardinas, nilalangaw na ulam at kanin na itinapon na lang sa damuhan at marami pang nakakainis na proof ng kaburaraan ng ilan nating mga kalahi. Hindi ko maintindihan kung bakit nagagawa ito ng ilang mga ireponsableng tao.

Tuwing kakain kami sa lunchroom ng aming opisina kasabay ang mga Pinoy kong co-workers ay sinisiguro naming malinis ang aming iiwang tables, chairs, lababo, microwave at lahat ng aming ginamit. Bakit? Ayaw naming mapulaan ng iba naming mga co-workers na kaming mga Pilipino ay baboy gumamit ng lunchroom.

Ang pinupunto ko dito ay ang wastong pagkilos natin sa iba’t ibang mga pagkakataon. Mahirap kasing may masabi sa atin ang ibang lahi. Alam nating lahat na kadalasan, ang kapintasan at kahihiyang ginawa ng ating ilang kababayan ay nagrereflect sa ating lahat. Napakahalaga ng reputasyon. Ang mga maliliit na pagkukulang at kawalang malasakit ng ilan sa atin ay nakapagdudulot ng masamang imahe sa atin bilang isang lahi. Ito ba ang gusto nating maging image?

Natatandaan ko pa noong araw sa Middle East ay maraming mga companies ng nagpapaskil sa kanilang mga tanggapan ng “We have Filipino workers.” Bakit? Bilib kasi ang mga companies sa hardwork at husay ng mga Pinoy. Sa kabilang banda, napabalita din sa Singapore maraming taon na ang nakalipas na nagsulat diumano ang kanilang gobyerno ng public notice in Tagalog na nagsasabing: “Bawal magtapon ng basura dito.” Nakakahiya, hindi ba?

Nakakalungkot ding malaman na maraming mga Pinoy o Pinay na OFW ang nagkakalat ng lagim habang nasa ibang bansa. Kung nanonood kayo ng Raffy Tulfo in Action sa YouTube ay matatawa, mayayamot, maiinis o magagalit kayo sa mga sitwasyong nangyayari sa ating mga kababayan. Napakaraming kaso ng pangangalunya, lokohan at gamitan. Ang nakakarimarim dito ay ang paggamit ng Internet sa maraming kababuyan na sa huli ay ginagawang pang blackmail kapag nauwi sa hiwalayan ang relasyon. Pinagpipiyestahan ng milyon-milyong online viewers ang mga bangayan sa programang ito. Imagine kung kamag-anak, kaibigan o kayo mismo ang nandoon. Maaatim n’yo bang ibulgar ang inyong mga personal na buhay sa harap ng camera at pinapanood na milyon-milyong tao?

Guilty ako sa pagiging “entertained” sa mga napapanood kong mali sa internet. Madalas, pinagtatawanan ko ang mga sitwasyong ito. Guilty ako sa pagtotolerate ng ganitong uri ng paghiya sa kapuwa sa pamamagitan ng aking panonood sa mga videos na hindi dapat na nasa Internet. Nakakalungkot dahil ang Internet at social media ay punung-puno ng kababuyan dahil sa presensya ng mga pekeng impormasyon, kabastusan at mga panghihiya sa kapuwa na nakakapag-establish ng maling imahe sa tao regardless kung anong lahi.

Babalik tayong lahat sa basic ng ating buhay. Ipapaalala sa atin ng pagkakataon ang mga basic na social values na itinuro sa atin ng ating mga magulang, ang pagiging maayos na tao. Hindi kumplikado ang mga turo na ating kinalakihan. Gawin ang tama at umiwas gawin ang mali. Kung nagkamali ay pilitin huwag nang gawin ito muli. Ngunit sa sobra sigurong talino ng tao ay naitutuwid ang baluktot, nagiging tama ang mali, nagiging legal ang hindi dapat legal. Mahusay sa argumento ang mga modernong tao. Mahusay sa mga debate pero in the end, mali pa rin at hindi pa rin epektibo.

Gaano mang kahusay ang ating pagtatanggol sa ating mga paniniwala ay babalik pa rin tayo sa napakasimpleng tanong. Naging maayos ba tayong tao dahil dito?

Para sa akin, regardless of what we believe in or what we practice in life, ang mahalaga ay ang ating pagiging tao at pagpapakatao sa lahat ng pagkakataon ng ating buhay. Ang sabi nga sa Bubble Gang sa isang segment ng mag-ina na laging pinagsasabihan ang anak: “Umayos ka, love you!”

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback