Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Not cool!

ni Noel Lapuz

Sa isang church event kamakailan ay pinakiusapan ng mga organizers ang mga parishioners at mga manonood na huwag nang kumuha ng litrato sa kanilang mga anak, apo, inaaanak o pamangkin sa pagtanggap nila ng kanilang first communion dahil makaka-distract ito sa kalagitnaan ng pagsamba o misa. Mayroong itinalagang litratista at videographer ang simbahan para limitahan ang movements sa kalagitnaan ng pananambahan. Dapat nga namang igalang at magkaroon ng kaayusan ang pagdiriwang ng sakramento ng banal na misa at communion.

Sa kabila ng malinaw na pakiusap ng mga organizers ay may ilan-ilan pa ring mga kababayan natin na sumimple at palihim na kumuha ng mga videos at litrato sa kalagitnaan ng first communion. Dahil sinimulan ito ng ilan ay ginaya ito ng katabi, ng nasa likod at ng iba pang mga hindi makatiis na hindi makuhanan ng videos or picture ang kanilang mga anak o mahal sa buhay. Mahirap nga namang walang remembrance at walang ma-ipost sa Facebook. Naiintindihan ko na napaka-importante ng mga litrato at videos para sa mahalagang okasyong ito sa buhay ng ating mga anak. Pero hindi ito dahilan para suwayin natin ang mga itinakdang alituntunin. Kaya tayo napupulaan ay dahil sa mga ganitong mga pagkakataon na tayo mismo ang nagbibigay ng kahihiyan at hindi tayo nagiging magandang halimbawa sa iba.

Ganiyan din halos ang mga istilo sa mga school events. Malinaw na malinaw na sinasabi ng mga school officials at teachers na huwag ipo-post sa social media ang mga school events bilang paggalang sa privacy ng mga bata pero napakaraming mga pagkakataon na makikita mo pa sa Facebook live ang mga school activities!

Heto naman ang mga eksena sa sinehan, kainan at mga public areas na nagkakaubusan ng upuan. Tama ba naman na sakupin n’yo ng lahat ang mga upuan para i-reserve sa inyong kapamilya, kaibigan at kamag-anak? Wala nang maupuan ang iba pero ang ilang mga upuan na ini-reserve ay napuno na ng mga bags at jackets! Ang nakakahiya, hindi naman pala darating ang mga ipinag-pareserve ng upuan.

Minsan akong napadaan sa area ng Northgate Shopping Centre sa may hamburger joint ng mga Pinoy. Hindi kayo maniniwala sa nasaksihan kong kabastusan ng ilang ating mga kababayan habang nasa kalye. Alam naman nating napakakipot ng mga kalye sa lugar na ito at napakadaming tao lalo na kung weekend. Tama ba namang maghahari-harian ang ilang mga mayabang nating kababayan at bubusina nang napakalakas kung hindi sila makasingit at umusad? Feeling ko ay nasa Divisoria ako sa pagkakataong ito. Nakakahiya.

Sa social media online market ay marami ring mga nakaka-highblood na mga moments. Kung ikaw ay nagbebenta online, ang kadalasang badtrip na eksena ay yung hindi sisipot ang iyong kausap o hindi na talaga magpapakita. Mayroon ding mga pagkakataon na lolokohin ka lang at hindi pala interesado sa iyong ibinebenta. At napakarami din ang mga tao na kung maka-type ng “Interested” ay wagas pero sa actual na bentahan na ay walang katapusan ang dahilan para hindi bilhin ang iyong produkto. Bagama’t lesson learned lahat ang mga ito sa mga nagbebenta ay dapat naman sanang huwag samantalahin ito ng ilan.

On the other hand, mayroon ding mga instances na kasalanan naman ng mga sellers ang mga pangyayari. Halimbawa, kung cassava cake ang order mo ay hindi dapat itong palitan ng banana cake! Kung ano ang ipinangako sa post ay dapat namang i-guarantee ng seller sa buyer. Sa madaling salita, walang lokohan. Magsabi lang nang tapat.

Marami pang mga pagkakataon na tila hindi wasto ang mga ikinikilos ng ilan sa ating mga kababayan. Sa workplace, schools, public places, restaurants, bus at maging online ay makikit natin ang iba’t ibang behaviour ng mga tao na dapat ay ayusin regardless kung ano’ng lahi.

Ang mga tao ang parang social animals. Kung ano ang ginagawa ng karamihan, kadalasan ito ay gagawin din ng iba. Ang behaviour ng mga tao ay maaaring mag-set ng trend. Bukod dito, napakalaking epekto ng social media sa pag-uugali, pang-unawa, desisyon at lifestyle ng mga tao ngayon. Kapag nagpost ako na napakasarap ng embotido ni Aling Delia ay marami ang magtatanong, maraming mag-rereact, marami ang magco-comment ng kung anu-ano. Pero ano ang na-establish ko? Nakapag-inject ako sa utak ng mga tao na kumain ng embotido, bilhin man nila ito kay Aling Delia o hindi.

Kapag napanood natin si Alfonso at Milan ng Diverse Food Canada na kumakain ng hotdogs mula sa cart ni Willy Dogs o Smokin’ Bob ay magkakaroon tayo ng idea na kumain din ng hotdog o gumawa ng sarili nating version ng hotdog cart.

Dahil sa normal na behaviour na ito ng mga tao ay may pananagutan tayong lahat sa kung ano ang magiging katanggap-tanggap sa lipunan. Minsan ang hindi dating katanggap-tanggap ay unti-unting nagiging normal dahil sa social acceptance. Hindi ko sinasabing mali o tama ang lahat ng nagiging social norms. Ang ipipunto ko dito ay ang responsabilidad at accountability nating lahat sa pagbuo ng mga bagong kaisipan at lifestyle ng current at susunod na henerasyon.

Kung nagpapakita tayo ng kabastusan at kawalang-displina ay most-likely tayong nagpo-promote ng masamang lipunan. Not cool, sabi nga ng mga bata! Kung ang lider natin ay walang integridad ay malaki ang epekto nito sa kaniyang mga nasasakupan o constituents. Kung bastos, magnanakaw o mamamatay-tao ang nangunguna sa bayan ay isipin ninyo na lang kung anong klaseng mind setting ang ginagawa niya sa lipunan at kung anong klaseng lipunan ang ating kahihinatnan.

Kaya ang hamon sa ating lahat ay ang maging sensitibo at maingat sa ating kilos, salita, panulat, mga posts at interaskyon sa lahat ng ating ginagalawan mula sa sarili nating tahanan, sa workplace, schools, simbahan at ang mapanganib ngunit makapangyarihang social media.

Sa susunod na article ng Batang North End ay gusto kong ituloy ang ating kuwentuhan tungkol sa kulto ng social media. Kung paano ito halos i-control ang bawat segundo ng ating buhay, kung paano hinubog ng social media ang bagong mundo, kung paano tayo naging napaka-dependent dito at kung paano naging daan ito upang i-connect at i-disconnect ang ating mga relationships.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback