Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Shout out kay Mayor: Wer na u?

ni Noel Lapuz

Sa backlane ng isang gusali sa downtown ay natagpuan ang maraming piraso ng used syringes, upos ng sigarilyo at mga basyo ng alak. Sa kabilang gusali naman ay basag ang mga salamin ng isang convenient store na napabalitang nilooban ng mga kawatan. Sa isang abandonadong hotel ay natagpuan ng mga otoridad ang ilang mga kalalakihan at kababaihan na pinasok ang hotel at ginamit ito sa iba’t ibang uri na ilegal na gawain. Ang ilang bahagi ng salamin ng walkway na kumukonekta sa maraming mga gusali sa downtown ay natagpuang mga basag din.

May isang babaeng nakiusap sa aming opisina na makakuha ng video footage dahil siya ay naging biktima ng pagnanakaw. Kitang-kita sa video kung paano basagin ang salamin ng isang sasakyan at kuhanin ang mga gamit sa loob nito. Nagtakbuhan ang mga salarin sa backlane at ipinasa ang mga ninakaw sa dalawang lalakeng naka-bisikleta.

Itong araw na ito habang nagmamaneho ako sa parte ng North End partikular sa Pritchard Avenue malapit sa McGregor ay saski ako sa abutan ng “kung ano” ng isang lalake mula sa lumang bahay at sa isang babae na lulan ng isang van. Ang transaksyon ay kitang-kita ng ilan pang mga dumadaan.

Noong isang linggo ay kamuntik ng nakawin ang package na inorder online ng aking anak. Sakto ang pagdating ng aking anak at nahuli niya sa akto ang isang babae na akmang kukuhanin ang kaniyang package. Nang sitahin niya ito ay biglang nagpalusot ang babae at sinabing may hinahanap daw silang tao na dito nakatira. Kasama ng babae ang isang lalake na lulan ng van. Kumaripas palayo ang mga ito nang masita. Mabuti na lamang at hindi nauwi sa away ang insidente. Tumawag ang aking anak sa non-emergency phone line ng Winnipeg police upang i-report ang pangyayari subali’t sobrang tagal siyang naka-hold. Nag-desisyon siyang i-report ito online. Hindi ko alam kung naaksyunan at kung may acknowledgement reply man lamang ang kapulisan.

Bukod sa mga pangyayaring ito ay kabi-kabila rin ang mga nakawan at nakalulungkot mang isipin, maging ang mga patayan.

Hindi ako nagtataka kung bakit doble ingat ang maraming mga kababayan natin. Nabuo rin ang ilang mga grupo na nag-momonitor ng mga kahina-hinalang gawain sa iba’t ibang mga lugar. Napabalita rin ang napakalakas na bentahan diumano ng mga padlocks. Sa isang bahay na napuntahan ko kamakailan ay may mahabang tubo na nakatutok sa kanilang pinto bukod pa sa mga idinagdag na mga kandado. Hindi ko sila masisi. Praning na kung praning pero kung kaligtasan ng buhay ng pamilya ang nakasalalay ay mag-iingat talaga tayo nang doble.

Ang ipinagtataka ko lang ay wala man lamang akong nabalitaan na ni isang elected official ng Winnipeg mapa-Mayor o konsehal ang nagbigay ng matibay na statement kaugnay ng lumalalang krimen sa siyudad. Dahil ba sa tapos na ang eleksiyon at nanalo na sila?

Noong mga nakaraang buwan ay ginanap ang ilang mga forum na tinalakay ang iba’t ibang mga bagay at impormasyon tungkol sa krimen at batas. Ito ay dinaluhan ng ilang kagawad ng kapulisan, community leaders, volunteers at siyempre mga uhaw na pulitiko.

Nakatulong ang mga forum, walang question dito. Pero nakalulungkot isipin na ginamit din itong plataporma ng ilang mga pulitiko para sa kanilang sariling interes. Pogi or ganda points kung baga. Again, nag-antay ako ng matibay na statement mula sa pamunuan ni Mayor Bowman, pero wala akong nabalitaan. Sumusubaybay naman ako sa mga balita pero wala talaga akong maalalang tugon si Mr. Bowman kaugnay ng krimen sa Peg. As of this writing, ang latest tweet ni Mr. Bowman ay ang pagbati niya sa wedding. Napangiti na lang ako. Ngiting may galit sa loob dahil kagabi lamang ay dinampot ng kapulisan ang 16 years old na suspect sa pagpatay kay Mang Lito Fernandez. Yes, menor de edad ang suspek sa pagpatay sa pobreng padre de pamilya! Meanwhile, si Mr. Bowman ay masaya sa pag-tweet na kung anu-ano at wala man lamang opisyal na pahayag sa kung ano na ba talaga ang nangyayari sa Winnipeg.

Hindi nagbabago ang tilamsik ng gigil ng inyong lingkod sa mga politikong madaling nakakalimot o nagkakaroon ng amnesia kapag tapos na ang eleksiyon. Mayroon nga akong kakilala, about five years ago ay lintik kung makatawag sa akin para tulungan ang kaniyang re-election. Tinulungan ko naman. Nag-leave pa nga ako sa trabaho para tulungan siya. Abo’t tenga ang kaniyang ngiti nang muli siyang manalo at hanep sa mga pangako sa akin. Ako namang si tanga ay naniwala. After a few years, noong hindi na niya ako kailangan ay dedmahan na. Natatawa na lang ako sa mga politikong ganito. Tipikal na tipikal. Nagpapasalamat pa rin ako dahil at least ay nakilala ko ang tunay niyang pagkatao. Peke!

Balik tayo kay Mayor at sa mga pogi at magagandang miyembro ng konseho. Sa palagay ko ay dapat bigyan ng tuon ng City of Winnipeg ang lumalalang crime situation ngayon. Siguro, dapat i-review ng council ang programa ng siyudad para sa peace and order. Kung may kaugnayan ito sa drug addiction ay ano na ba ang ginagawa ng ating gobyerno para masugpo at malutas ang problemang ito?

Makukuntento na lamang ba tayo na ang pagtaas ng crime rates sa Winnipeg ay magiging normal na lamang na trend? Ano ba ang ugat ng krimen sa Peg? Dapat siguro ay pag-aralan ito ng mga hinalal natin (ninyong) mga pulitiko. Hindi ba’t ito ang trabaho ninyo?

Napaka-unfair sa ating lahat na parehas ang pagta-trabaho at pagnenegosyo kung hindi natutugunan ng gobyerno ang kanilang responsabilidad para sa upkeep ng peace and order. Napakasipag ng mga immigrants. Maraming may double jobs and side businesses para lamang maitaguyod nang maayos ang kanilang pamilya. Nakakapikon naman na magiging biktima pa tayo ng krimen sa kabila ng ating pagsusumikap at tamang pagbabayad ng mga buwis para sa gobyerno at para sa mga nakikinabang sa gobyerno.

Nag-iinit ang ulo ko kapag naiisip ko na sa bawat oras natin sa trabaho at sa bawat buwis na binabayaran natin ay kaparte doon ang ating ambag sa suweldo ng mga pulitiko na tila inaatake ng amnesia at nagiging bulag sa mga masamang nangyayari sa ating siyudad!

Tulog ba kayo sa pansitan at walang ginawa kundi mapagpogi at magpa-ganda sa social media? Tatandaan namin yan!

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback