Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Agape Table in remembrance of Him

Mainit na pagtanggap ang isinalubong sa amin ni Pastor Ruel Camia at ng kaniyang kabiyak na si Ate Dang ng bisitahin (sugurin) namin siya sa kanilang maaliwalas na tahanan. Ang init ng kanilang hospitality ay nakapagpapawi ng nginig namin dulot ng lamig ng weather sa kasagsagan ng winter sa buwan ng Pebrero. Nag-confirm si Pastor sa aming request na kung puwede ay makipagkita sa kaniya. Ang nakakatuwa at nakaka-bilib ay ni hindi man lamang tinanong ni Pastor kung ano ang pakay namin sa aming pagdalaw. Nangyari ang confirmation sa pamamagitan ng Facebook messenger. Madali siyang kausap. Confirmed agad. Walang tanung-tanong.

Ang pakay namin ay tubig. Ngunit higit pa sa tubig nauwi ang aming masaya at nakaka-inspire na kuwentuhan. Sabi ko nga sa aming kuwentuhan, parang may Divine intervention na nangyari sa aming pagkikita.

Sa dami ng ating mga ginagawa sa buhay ay madalas nating makalimutan ang ating spiritual na pangangailangan. Guilty ako dito. Sapol ako sa mga ibinahagi sa amin ni Pastor lalung-lalo na nang ipinaliwanag niya sa amin ang definition ng panalangin at ang isinisimbulo ng piging, pagsasalu-salo sa pagkain at ng communion.

Hindi ako theologian kaya’t pasensya na kayo kung hindi maayos ang aking pagkaka-kuwento sa mga ibinihagi sa amin ni Pastor.

Ang paggunita natin sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos ay nangyayari sa tuwing tayo ay nagsasalu-salo. Ganoon kasagrado ang bawa’t breakfast, lunch or dinner na ating ginagawa. Kaya nga itinuring itong communion dahil ito ang kaisahan natin sa Kaniya. Dito ko lalong napagtibay ang omnipresence ng Diyos. Kaya nga, sa tuwing tayo’y nagsasalu-salo ay isipin sana natin ang kaisahan ng ating diwa at puso sa pagpupuri sa Diyos. We partake each meal in remembrance of Him!

Sorry kung masyado akong naging spiritual sa article ko ngayon at salamat sa kalayaan nating lahat na magpahayag ng ating pananampalataya.

Kinabukasan ay naka-schedule kaming i-feature ang Agape Table sa aming food blog. Sinorpresa na naman ako ng pagkakataon!

Habang approaching ako sa building ng Agape Table sa West End area ng Winnipeg ay nakita ko ang mga taong nagkukumpulan sa harap ng entrance. Ang buong akala ko ay pumipila sila upang kumuha ng pagkain ngunit higit pa pala dito ang kanilang dakilang ginagawa.

Ako at ang dalawa kong kasama sa food blog na sina Ana at Aldous ay pumasok sa loob ng basement ng building kung saan nandoon ang Agape Table. Laking gulat ko na punung-puno pala ng tao ang kanilang hapag. Mga taong gutom sa pagkain, gutom sa pagibig, gutom sa pagkalinga, gutom ang spiritual na katawan. Tinungo muna namin ang opisina ng Agape Table upang kapanayamin sila tungkol sa kanilang mission sa community ng Winnipeg. Habang ipinapaliwanag ni Jen, isang volunteer ng Agape Table ang kanilang ginagawa ay bumalik sa isip ko ang ibinahagi sa amin ni Pastor Ruel tungkol sa simbolo ng piging at ng simple nating pagsasalu-salo sa pagkain. We do this in Remembrance of Him.

Hindi ko napigilang umiyak habang ibinabahagi ko sa mga volunteers ng Agape Table ang mensahe ng Diyos tungkol pagasasalu-salo. Nakakamangha ang unconditional love na ibinabahagi ng Agape Table sa napakaraming gutom na tao. Ramdam na ramdam ko ang presensya ng Diyos na nakikiisa sa simpleng piging ng mga taong ito na kitang-kita ang kasalatan at kahirapan ng buhay.

Totoo po ang poverty at homelessness sa Winnipeg. Ang nasaksihan kong pagpapakain ng Agape Table sa napakaraming taong nagugutom ay sumasalamin sa malaking porsyento ng mga tao sa Canada at sa buong mundo na salat sa pagkain.

Agape means unconditional love. Ganito ang pagmamahal sa atin ng Diyos. Gaano man tayo kasama, kinalimutan man natin Siya at madalas ipagwalang bahala ay hindi nagbabago ang pagmamahal Niya sa atin.

Natural sa mga tao ang maghintay ng kapalit sa maraming kanilang mga ginagawa sa kanilang kapuwa. Laging mayroong hinihintay na kapalit. Laging nag-aantay ng return of investment at tubo. Laging may inaantay na pabor. Nakakalungkot dahil ang mundo ay punung-puno na ng pekeng pag-ibig. Lagi na lamang may karampatang reward o incentive o bayad ang ating mga ginagawa. Halos lahat tayo siguro ay guilty sa ganitong pag-uugali.

Again, ayokong mag ala Pari or Pastor sa artikulong ito. Ang gusto ko lang ibahagi sa inyo ay sana naman ay bigyan natin ng pagkakataon na dumaloy sa atin ang unconditional love sa anumang ating ginagawa.

Ang sarap sabihing ginagawa natin ang isang bagay dahil “we love doing it” at wala tayong hinihintay na recognition o bayad.

Ang Agape Table ay simbolo ng unconditional love sa atin ng Diyos. At sa bawa’t pagsasalu-salo natin ng pagkain, simple man ito o engrandeng piging ay nagpapa-alala ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos.

Let us spread His unconditional love and let us always remember Him.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback