Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Beautiful lies.

Nasanay ka na ba sa kasinungalingan?

ni Noel Lapuz

Bibisita daw ang Pangulo sa maliit na barrio ng Mababang Kawayan sa darating na Sabado. Dahil dito, nagbigay ng homework ang guro sa kaniyang mga estudyante na sumulat ng kani-kanilang mga mapupulot na mensahe mula sa talumpati ng Pangulo. Sa kasamaang palad ay hindi makakadalo si Carlito dahil tuwing Sabado ay nagsusuga siya ng kalabaw sa bukid at tiyak na hindi siya papayagan ng kaniyang mahigpit na Ama na lumiban para lamang dumalo sa pagtitipon na ito.

Dumating na ang araw ng Sabado. Halos lahat ng estudyante ay nagtungo sa plaza upang abangan ang pagdating ng Pangulo. Si Carlito ay nasa bukid kasama ang kaniyang mga kalabaw. Hindi siya makakadalo.

Ngunit sa isip ni Carlito ay nakikita niya ang pagdating ng Pangulo kasama ang kanilang Mayor. Sinalubong sila ng Banda Uno Musikero na tanyag sa kanilang lugar. Itinugtog ang awit na Sampaguita ng aming lahi habang pumapanhik sa entablado ang Pangulo patungo sa podium para ito magsalita. Maraming mga guwardiya sa paligid. May mga kapulisan din ang nakahanay sa paligid ng plaza para sa seguridad ng Pangulo. Buo na sa isip ni Carlito ang magaganap kahit wala siya sa plaza.

Habang nasa malawak na kabukiran ay iniisip ni Carlito kung ano ang magiging talumpati ng Pangulo. Tinitiyak niya na ipapangako ng Pangulo ang pagkakaroon ng maayos na kalye sa kanilang barrio, ang patubig sa mga magsasaka, ang pinansiyal na tulong sa mga sakada, ang pagpapatayo ng health centres ang pagtatalaga ng mga doktor at komadrona. Sasabihin din ng Pangulo na sa susunod na anim na taon ay malaking pagbabago ang magaganap sa Mababang Kawayan. Bubuhos ang tulong mula sa palasyo at palalakasin ang sektor ng pagsasaka para sa patuloy na pag-unlad ng kanilang lugar.

Matapos ang talumpati ay nagtayuan ang lahat at pinalakpakan ang Pangulo. Muling tumugtog ng magagandang awitin ang Banda Uno Musikero. Masaya ang lahat. Nagkamayan ang mga nasa entablado. Nagkaroon ng kuhanan ng litrato at sinundan ang Pangulo ng ilang mga kawani ng media para kapanayamin. Sa kabuuan ay isang matagumpay na pagtitipon ang naganap.

Pag-uwi ng bahay ay isinulat ni Carlito ang kaniyang mga naisip at pagdating ng Lunes ay ipinasa niya ito sa kaniyang guro bilang bahagi ng kanilang homework.

“Magandang araw mga bata,” ang sabi ng guro. “Ibabahagi ko ngayon sa inyo ang isinulat ni Carlito tungkol sa kaniyang mga napulot na mensahe mula sa talumpati ng Pangulo noong Sabado.”

Nakinig ang lahat sa kanilang guro habang binabasa ang isinulat ni Carlito. Halos lahat ay humanga sa mahusay na pagsasalarawan ni Carlito sa pagdating ng Pangulo at ng kaniyang talumpati. Pati ang kaniyang guro ay humanga sa mga napulot niyang mga mensahe at ang istilo ng pagsusulat ni Carlito.

Natapos ang pagbabasa at pinalakpakan si Carlito ng buong klase dahil sa kaniyang husay sa pagsusulat. Tumunog na ang bell. Naglabasan na ang mga estudayante mula sa silid. Ngunit tinawag ng guro si Carlito upang manatili sa loob ng klase.

“Umattend ka ba sa event ng Pangulo noong Sabado, Carlito?” tanong ng guro. “Hindi po,” sagot ni Carlito.

“Kaya pala lalo mong napaganda ang iyong pagsusulat. Congratulations, Carlito. Makakauwi ka na,” sabi ng guro.

That’s all they need; lies. Beautiful lies.

Ang social media ay punong-puno ng mga impormasyon at kasinungalingan. Kapag nagbukas tayo ng Facebook o YouTube at ng ilan pang mga social media applications ay naghahanap tayo ng gusto nating mabasa, mapanood at mapakinggan. Bukod dito ay automatic na nagfe-feed ang social media ng mga bagay base sa ating huling binasa, pinanood o pinakinggan. Dahil dito ay nalalaman ng social media kung ano ang gusto nating marinig at ito’y nagpapatuloy ng nagpapatuloy hanggang sa hindi na tayo nag-iisip at hindi na nating kinu-kwestiyon ang mga bagay na ating pinapakinggan at pinapanood. Nagiging tagasunod na tayo. We accept the lies, dahil yun ang gusto nating marinig; those beautiful lies.

Nabubuhay tayo sa kasinungalingan. Ito ang masakit na reyalidad. Patuloy na ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang social media para kontrolin ang isip ng tao, para baluktutin ang tuwid, para ibahin ang kasaysayan, gawing bayani ang mga gumahasa sa bayan, gawing normal ang abnormal at tanggapin ang hindi totoo – ang kasinungalingan.

Ang bersyon natin ng kasaysayan na babalikan ng mga susunod na henerasyon ay nakasalalay sa kung gaano tayo magiging mulat sa kasalukuyan. Hindi dahil sa katanggap-tanggap ito sa karamihan ay ito na ang katotohanan. Mas marangal ang taong nagtatanggol sa katuwiran at katotohanan kaysa sa mga taong nilulunok ang kasinungalingan kapalit ng kapangyarihan at pakinabang.

At ang masakit, nagkakamali din ang tao ng tatlumpu’t isang milyong beses.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback