Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Ang rebulto ni Reyna Victoria

ni Noel Lapuz

July 1, 2021, sa harap ng Legislative Building ng Manitoba ay binuwag ang statue ni Queen Victoria. Hindi maitatanggi na ang dahilan nito ay ang malalim na galit ng mga katutubo sa mga natuklasang unmarked graves sa mga residential schools sa Kamloops, BC at sa Grayson, SK. Iba’t iba ang naging reaksyon ng community tungkol sa pagbuwag ng statue.

Mayroong mga naintidihan kung bakit nila ginawa iyon at mayroon din namang kinondena ito. Ang sabi ni Tasha Spillet Sumner, isang community activist sa kaniyang tweet: “We are in mourning but I have no energy to grieve for fallen statues. There is nothing more sacred or worthy of protection than living beings, those that have been stolen from our circles and those of us still here, in this together.”

Sa kabilang banda ay matapang namang isinulat sa Facebook post ni Cathy Cox, MLA for Kildonan-River East ito: “The actions by individuals to vandalize public property at the Manitoba Legislative Building on July 1 are unacceptable. They are a major setback for those who are working toward real reconciliation and do nothing to advance this important goal.”

Finally, noong isang linggo ay ipinahayag ni Premier Brian Pallister na itatayong muli ang statue ni Queen Victoria. As expected, nag-ani ito ng maraming reactions lalung-lalo na sa opposisyon at sa Aboriginal community.

Alam ng marami sa atin na ang pananakop at kolonyalismo ay bahagi ng mga naging kasaysayan ng maraming bansa. Tulad natin sa Pilipinas, dumanas ang ating mga ninuno ng pang-aalipin ng mga Kastila, Amerikano at mga Hapon. Ito ang mga maitim na kasaysayan ng mundo na hindi na natin maitatama, ngunit puwede nating gawing batayan para sa pagtutuwid ng kasalukuyang panahon at gabay para sa kinabukasan.

Si Queen Victoria at ang British Empire ay nag-hari (nag-reyna) sa panahon ng kolonyalismo. Dahil sa koloniyalismo ay napakaraming mga katutubo ang naghirap at nalinlang. Kabilang dito ang land grabbing, hindi pantay na treaty negotiations, pagtatayo ng mga residential schools at marami pang ibang sistema na nagresulta sa pang-aapi sa mga katutubo.

Kung alam mo ang kasaysayan at sa tuwing makikita mo ang rebulto ng tao na nagpahirap sa iyong lahi ay ano kaya ang mararamdaman mo? Here’s an analogy. Ang iyong asawa ay walang-awang pinatay ng isang pulis dahil sa maling paratang. Hindi nagbigyan ng hustisya ang pagkamatay ng iyong asawa. Napawalang-sala ang pulis. Lumipas ang panahon, natabunan ang isyu, nabigyan pa ng mga parangal ang pulis na ito hanggang sa naging matagumpay at tanyag na alagad ng batas. Sa kaniyang pagpanaw ay ginunita siya ng kapulisan bilang magaling na pulis at bilang pagpaparangal ay nagtayo ng rebulto para sa kaniya. Dahil sa alam mo ang kasaysayan ng pulis na ito at naging biktima ang iyong pamilya ng kaniyang kasamaan ay hindi mo masisikmura na makita ang kaniyang rebulto bilang sagisag ng pagiging magaling na pulis. Hindi ito katanggap-tanggap sa iyo, dahil ALAM mo ang kasaysayan.

Tayong lahat ay may karapatan na mag-comment sa mga isyung nagyayari sa ating komunidad. Ang karapatang iyan ay madalas nagagamit nang walang pakundangan at walang basehan. Kulang sa fact-checks, ika nga.

Totoo na ang pagbuwag ng rebulto ay hindi maganda sa paningin ng tao. Ngunit kung ALAM mo ang kasaysayan ay iba ang iyong magiging damdamin para dito. Ang totoo, habang pinapanood ko ang pagbuwag ng rebulto ay may naramdaman akong kaunting kislap ng katarungan para sa mga katutubo.

Ang tanong, dapat bang ibalik ang statue? Kung ako ang tatanungin ay oo, pero hindi sa dati nitong luklukan. Ang maitim na kasaysayan ng Canada ay kailangan pa rin nating balikan at ang mga rebultong katulad ng kay Queen Victoria ay dapat na nasa loob ng museo at may komprehensibong paliwanag sa kung ano ang naiambag niya sa Canada maging ito man ay maganda at hindi-magandang kontribusyon. Ito ang kasaysayan na dapat nating malaman at hindi dapat pagtakpan.

Para sa kamulatan tungkol sa Indigenous studies, mayroong mga online courses na maaari kayong ma-avail. Sa kasalukuyan, ay naka-enrol ang inyong lingkod sa University of Alberta ng kursong Indigenous Canada. Magandang magpalalim ng ating kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Canada. Sa pamamagitan ng pagpuno natin ng impormasyon sa ating mga sarili ay mas lalo nating naiintindihan kung bakit ganito ang kasalukuyang panahon at kung paano natin huhubugin ang darating na bagong anyo ng Canada.

Meegwetch!

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback