Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Brian Bowman vs. Wab Kinew?

ni Noel Lapuz

Agosto 10, 2021, Martes ng hapon habang nakikinig ako sa afternoon radio program ni Hal Anderson sa CJOB ay sumahimpapawid ang breaking news at live broadcast mula sa Brandon, Manitoba. Habang naka-break ang PC sa kanilang caucus ay lumabas si Premier Brian Pallister at nag-anunsyo ng kaniyang pagbibitiw bilang pinuno ng Progressive Conservative Party of Manitoba at Premier ng Probinsya.

Ang emphasis ng kaniyang resignation announcement ay ang mga naiambag niya sa public service nang mahabang panahon at ang kaniyang paninidigan sa mga polisiya at programang kaniyang ipinatupad. Ipinagmalaki rin niya na aalis siya bilang Premier ng Manitoba nang walang anumang iskandalo na parang pinatamaan ang dating administrasyon ni Greg Selinger, partikular ang isyu na may kaugnayan si Stan Struthers. Remember the “Tickle me Stan” scandal?

Si Mang Brian Pallister, sa tingin ko, ay isang maangas na tao. Maangas ang termino sa mga taong may ugaling pinaghalo ang katigasan ng ulo, malakas ang loob at pagiging prangka. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng tao, basta masabi at matupad niya ang kaniyang gusto. Siya na mismo ang nagsabi na wala siyang pakialam kung unpopular ang mga desisyon na gusto niyang gawin.

Ayon sa kakilala kong insider sa PC party (hindi si Jon Reyes), ang pagbaba sa puwesto ni Brian Pallister ay bunga din ng puwersa ng mismo niyang mga kasama sa partido. Ayon sa aking source, marami siyang mga kapartido ang hindi ayon sa istilo ng kaniyang panunugkulan. Tulad ng ibang mga partido, may faction sa PC party. On a side note, isa ring insider sa NDP ang aking naka-chat na nagsabing hindi niya sinusuportahan si Wab as their leader although, NDP pa rin siya.

Anyway, si Mang Brian, di umano, ay pinilit pababain upang hindi macompromise ang pagbagsak ng buong PC party. Early this year, sa isang survey na ginawa ng Probe Research, lumalabas na nearly two-thirds ng mga Manitobans ay hindi sang ayon kay Brian at 46 per cent dito ang sumagot nang “strongly disapproved.”

Ano ang gagawin sa lumulubog na barko? Fix the ship. Ayusin ang partido. Hence, the resignation of Pallister.

Magpapatawag ng leadership convention ang PC. Again, ayon sa ating mga impormante, ang mga posibleng tumakbo ay sina: Scott Fielding, Cameron Friesen, Rochelle Squires at Kelvin Goertzen.

But wait, may mga bulung-bulungan din na kung gusto ng PC na manatili sa puwesto ay dapat silang pumili ng leader coming from the outside o hindi yung mga incumbent MLAs at ministers. Dito pumutok ang usap-usapan sa posibleng pagtakbo ni Winnipeg Mayor Brian Bowman bilang leader ng Tories! Matatandaan na nag-announce na si Mayor Bowman ng hindi niya pagtakbo bilang Mayor ng Winnipeg sa susunod ng civic elections next year.

Alam n’yo ba? Noong 2011, bago pa man tumakbong Mayor si Brian Bowman ay hinimok na siya ng PC Party of Manitoba bilang maging leader ng partido matapos ang resignation ni Hugh McFadyen as PC leader.

Idagdag pa natin ang strong connection ni Brian Bowman sa mga PC party members tulad nina former Premier Gary Filmon at marami pang mga Tories na tumulong sa kaniyang mayoralty campaigns.

Ang isang pang plus factor kung bakit daw dapat si Bowman ang pumalit as PC leader ay ang pagiging Metis nito. Alam nating lahat na he is considered as the first Indigenous Mayor of Winnipeg, claiming Red River Metis heritage.

Kung saka-sakali, maganda ang salpukan nila ni Wab Kinew sa darating na provincial elections! Mahahati ang boto ng mga katutubo, which will hurt the campaign of Wab Kinew.

Ang isa pang tanong ay: “Coronation night na ba sa NDP ang pagbaba sa puwesto ni Pallister?” Hindi pa. Hindi dahil mawawala na sa eksena si Pallister ay lilipat na agad ang suporta ng tao sa NDP.

Tiyak na hahanap ang PC ng matinding lider na pang saklolo sa lumulubog nilang barko at pantapat sa popularidad ni Kuya Wab Kinew.

Ito nga ba ay si Brian Bowman? Abangan!

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback