Published on

Noel Lapuz     Usapang condom

Kamakalian ay napabalita sa Pilipinas ang balak na pagbili ng condom na nagkakahalaga ng tumataginting na 8 million US dollars o humigit kumulang sa 368 million pesos. Habang maraming Pilipino ang nangangailangan ng maayos na serbisyong medikal lalung-lalo na sa mga probinsya ay heto’t nagkakandarapa ang Department of Health (DOH) sa pagbili ng condom. Ang layunin daw nito ay para mapaglabanan ang problema sa tumataas na bilang ng kaso ng HIV sa bansa at i-promote ang family planning.

Ituring nating isang pamilya ang Pilipinas na kapos sa pera. Maiisip mo pa bang bumili ng gagamitin niyong mag-asawa sa pagse-sex o uunahin mo ang makakain ninyo? Simple lang naman ang art of buying. Bibili ka kung kinakailangan at ipa-prayoridad mo ang dapat na bibilhin.

Maraming mga Doctors to the Barrios ang walang sapat na gamit medikal at mga gamot. Ang panganganak sa pampublikong hospital sa Pilipinas ay hindi biro. Kailangan ay matibay ang sikmura ng buntis para sagupain ang nakakaawang kondisyon ng mga ospital. May isang public hospital sa Pasig na kung tawagin ay “katayan” dahil kapag dito ka raw dinala ay mas malamang na mamatay ka dahil sa dumi ng ospital. Marami pang pangangailangang pang-kalusugan ang dapat pagtuunan ng pansin ang gobyerno. Sa palagay ko, katarantaduhan ang pagbili ng condom sa ganitong halaga sa kabila ng kondisyon ng mga public hospitals at facilities sa Pilipinas.