Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

2022 is not 2020 too

ni Noel Lapuz

Halos anim na oras daw ang waiting period para sa COVID-19 tests sa mga drive-through sa Winnipeg. Underestimated di umano ang bilang ng mga COVID-19 cases at ayon sa mga datos, hindi maitatanggi na bumalik na naman tayo sa dating sitwasyon. Dalawang taon na tayong ganito. Ang sabi nga ng iba ang 2022 raw ay 2020 too. Huwag naman sana.

Hindi ko na halos naramdaman ang paglipas ng 2021 dahil ito ay parang repetition din ng 2020. Mabigat ang 2020 personal para sa akin dahil sa taong ito ay binawian ng buhay ang aking Ama. Dito rin ako nahintong tumakbo at malaki ang naging epekto nito sa aking pisikal at mental na kalugusan. Hindi ko na iisa-isahin ang negatibong dulot ng pandemya sa ating buhay dahil lahat tayo ay may halos magkakaparehong kuwento.

Ganumpaman, ang buhay ay nagpapatuloy at magpapatuloy. Hindi natin alam ang idudulot ng 2022 para sa ating lahat. Matatapos na kaya ang pandemya? May bagong virus na naman ba?

Isa sa mga natutunan ko sa pandemyang ito ang pagiging laging handa sa anumang dumating na sitwasyon. Noong pumutok ang pandemya ay wala naman tayong karanasan dito. Hindi ito katulad ng lindol o sunog na mayroon tayong ginagawang mga drills at simulation.

Mas makamandag ang COVID-19 dahil hindi ito nakikita ngunit mabilis itong lumalaganap at patuloy na pumapatay ng buhay ng mga tao.

Sabi ko sa aking bunsong anak na si Francis, kapag matanda ka na ay may maiku-kwento ka sa mga bata at sa iyong mga anak at apo tungkol sa karanasan mo sa 2020 pandemic. Hindi boring ang naging buhay mo sa mundo dahil naging bahagi ka ng pakikipaglaban dito.

Ano nga ba ang naging blessings natin noong nakaraang dalawang taon? Para sa akin, madaling sagutin ito.

The fact, na nagbabasa ka pa ng article na ito at humihinga ka pa ay isa ng napakalaking blessing. Yung pag-gising mo sa umaga na may pang-amoy ka pa at panglasa ay dapat mong ipagpasalamat. Ang mga simpleng bagay na normal mong ginagawa at nagagawa mo pa rin ay dapat lang na maging bahagi ng iyong pagpapasalamat.

Ngayong 2022 ay umasa tayo ng panibagong buhay. Narito ang ilan sa aking mga hiling na mangyari sa 2022:

  1. Matapos na sana ang pandemya.
  2. Sa Winnipeg, mahalal sana ang Mayor, mga Konsehal at School Trustee na talagang may passion para maglingkod sa taumbayan.
  3. Sa Pilipinas, sana hindi magpatuloy ang katangahan ng mga Pilipino sa pagpili ng iboboto sa eleksyon.
  4. Sana ay makatakbo na akong muli sa mga marathons.
  5. Sana yung mga may utang sa akin na feeling blessed lagi kung magpost sa FB ay magbayad na (at..hindi ito joke). Shout out kay _ _ _ _ _! Beep! Beep!
  6. Sana mas lalo pa akong makapaglaan ng oras sa aking pamilya.
  7. Sana ma-ipublish ko ang Batang North End book ngayong taong ito.
  8. Sana makapag-compose ulit ako ng mga kanta.
  9. Sana maging maayos ang kalusugan ng aking mga mahal sa buhay at nating lahat.
  10. Sana patuloy pa akong makapag-sulat sa pitak na ito sa Pilipino Express.

Epektibo sa akin na isinusulat ang mga dapat kong gawin. Ang checklist ng aking buhay ay napakahalaga.

Sa taong 2022, hindi dapat nating i-deny na nandiyan pa ang threat ng COVID-19 pero dapat din tayong mag move forward para sa pagbabago ng ating buhay.

Gusto kong ibahagi sa i n’yo ang isinulat ni Mehmet Murat ildan, isang playwright at novelist na nagsabing:

“The New Year is a painting not yet painted; a path not yet stepped on; a wing not yet taken off! Things haven’t happened as yet! Before the clock strikes twelve, remember that you are blessed with the ability to reshape your life!”

Isang mapagpalang Bagong Taon ang sumaating lahat!

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback