Published on

Noel Lapuz     Tagay mo!

“Ano pare, tagay ba natin o baso-baso?”

Bakit nga kaya mas masarap ang inuman kung tagayan ang style? Iba talaga ang bonding ng mga Noypi pagdating sa inuman. Naging tradisyon na sa tipikal na inuman ng mga Pinoy ang paikutin ang baso para sa isang masaya, maingay at nakakalasing na pagtitipon. Ika nga e, hindi titigil ang tagay hangga’t hindi napupuno ang bahay-alak mo.

Siyempre, kailangan mahusay ang tanggero. Alam niya dapat kung play right or play left. At hindi siya dapat ang unang nalalasing dahil magkakabuhol-buhol ang tagay at magkaka-dayaan. Kadalasan din, mayroong diskarte ang tanggero na tipong nang-gugulang para hindi agad malasing. Bahagi ito ng isang masayang tagayan.

Hindi naman kumpleto ang inuman kung walang pulutan. Mahirap yatang puro kuwento na lang at inom. Kailangan syempre mayroong na-kukutkot man lang para hindi agad tamaan. Kaya lang, mayroon din namang mga manginginom na sobra kung tumira ng pulutan. Kaya bibiruin siya na: “Pare, baka gusto mo ng kanin?”

Hindi rin mawawala ang bangka sa inuman. Hindi siya tanggero pero piloto naman siya pagdating sa kuwentuhan. One to sawa ang kuwento kahit na anong issue under the sun! Tapos, titira ng punchline na katatawanan sabay maghahagalpakan ang lahat pati mga miron (usually mga misis).

Andiyan din ang videoke portion. Sa inuman lumalabas ang mga itinatagong talento ng mga Pinoy. Sa una ay medyo nagkakahiyaan pa sa pagkanta. Pero kapag lumakas na ang tama ay mag-aagawan na sa mikropono. Sigurado may kakanta ng My Love Will See You Through.

Habang ginagawa ko ang article na ito ay nakangiti kong ginugunita ang masasayang tagpo sa inuman at ang mga positibong bagay na nakukuha natin sa pagtitipong katulad nito.

Ang inuman ay isang kultura ng Pilipino na sumasagisag sa pagkakaisa at pagkakapatiran. Mag-iinuman tayo para magdiwang, magsaya at palalimin ang relasyon ng bawat isa. Minsan nga e, sa inuman nagkakaroon ng pagkakataon para mag-reconcile ang dating magka-galit. Ito rin ang venue para magsiwalat ng problema. At ito rin kadalasan ang pagkakataon kung saan makikita mong umiiyak ang isang maton, lalo na kung sagad na ang kaniyang tama. Biruin mo, si Boy Dragon iiyak sa inuman! Marami na kong nakitang ganitong eksena sa dami ng inuman na aking nadaluhan.

Medyo matagal na rin akong nabakante sa inuman simula nang dumating kami dito sa Winnipeg. Sabi ko sa sarili ko, tapos na yata ang career ko sa inuman? Hindi yata uso dito ang inuman tulad sa Pilipinas at Middle East na halos every weekend doon ay may drinking session ang tropa.

Kung iinom ka namang mag-isa ay para kang tanga hindi ba? Walang dating. Walang thrill. Walang kuwenta ang solo flight. Tiyak dalawang bote ka palang lasing ka na. Hindi tulad kung may kainuman ka, hindi mo namamalayan na nakakarami ka na pala.

Biglang nagdiwang uli ang mga aking bahay-alak nang maimbitahan ako ni Kuya Jess Cruz sa kaniyang birthday kamakailan. Kapitbahay ko si Kuya Jess sa North End at marami siyang kasamahan sa trabaho na mga Pinoy. Pagpasok ko pa lang ng bahay nila ay parang nagbalik muli sa aking diwa ang mga eksena ng inuman sa Pilipinas. Isang pagkakataon na muling nagpasaya sa akin dahil ramdam ko ang salubong ng kapuwa ko mga manginginom. Masaya, maingay, buháy!

Masarap kainuman ang tropa ni Kuya Jess. Walang boring moments. Hindi ka maiilang, puro cowboy ika nga, lalong-lalo na ang katabi ko sa upuan na nagbibigay sigla sa lahat dahil sa kaniyang mga nakakatuwang kuwento.

Habang nag-iinuman kami ay naipangako ko sa aking sarili na bibigyan ko ng recognition ang mga Pilipinong magpasa-hanggang ngayon ay dala pa rin ang kultura ng pagkakaisa sa pamamagitan ng inuman. Isang magandang kakaniyahan ito na aking ipinagmamalaki sapagkat ang inuman ay katumbas ng pagkakapantay-pantay. Ang bawat tagay ay isang pagpupugay sa lahing Pinoy!

Hindi ko hinihimok ang ating mga tagasubaybay para maglasing dahil ang tunay na manginginom ay marunong mag-control. “Pass” ka na kung hindi na kaya. At kailangan magtitira ka ng “pang-uwi,” lalo’t kung magmamaneho pa.

Isang masayang inuman sa inyong lahat! Tagay mo!

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

Have a comment on this article? Send us your feedback