
Opinions
![]() |
Hiwalay kung hiwalay? |
It’s game over para sa mag-asawang Kris Aquino at James Yap! Bago pa lamang naluklok bilang pangulo si P-Noy ay umalingawngaw na sa palengke, sa barberya, sa parlor, sa umpukan, sa eskuwelahan at kung saan-saang sulok ng Pinoy communities ang isyung hiwalayan ng dalawa. At makalipas nga ang ilang araw na tsismisan sa kanto ay opisyal nang ipinahayag ni Tetay na hiwalay na nga sila.
May halong showbiz ang tampok kong artikulo sa isyung ito. Pero ang showbiz ay salamin din ng realidad ng buhay ng maraming Pilipino. Hindi gaanong ka-kontrobersyal ang buhay ng isa’t isa sa atin ngunit may kahalintulad ito sa pag-ikot ng mundo sa pinilakang-tabing.
Noong ako’y isang OFW sa Middle East ay naging saksi ako sa maraming kaso ng hiwalayan. May isa akong kaibigan sa Qatar na halos sampung taon nang hindi umuuwi ng Pilipinas dahil nakatagpo na siya ng bagong asawa. Minsan ay umuwi siya sa ’Pinas kasama ang bagong kalaguyo pero ni hindi nagpakita sa tunay niyang pamilya. Isa namang barkadang badíng ang kainuman ko sa Dubai na ang buong akala ko’y walang pamilya. Nagtapat ang badíng sa aming tropa at sinabing bakla siya pag nasa abroad at lalake pag nasa ’Pinas. Di kalaunan ay nalaman ng kaniyang asawa ang milagrong ginagawa niya sa Dubai. Dahil dito, hiniwalayan ng babae ang bakla niyang asawa.
Hindi ko malilimutan ang mga banat sa homily ni Father Zaki, isang Pilipinong Pari sa Dubai tungkol sa talamak na kaliwaang nagaganap sa Middle East. Banat niya sa halos tuwing misa, “Mahiya naman kayo, wag na kayong magpapanggap na tunay na mag-asawa kapag nagsisimba kayo!” Tulad ng maraming OFW, alam ni Father Zaki kung gaanong karaming kaso ng hiwalayan ang nagaganap kapag nasa ibang bansa ang isang Tatay o Nanay.
Ang matindi pa rito ay garapalan ang bentahan ng mga pekeng marriage certificates mula sa di-umano’y tauhan mismo ng ating embahada at konsulado sa Middle East. Isang ka-opisina ko ang nakakuha nito sa halagang QR 500. Kapag kasi nalaman ng mga Arabo na mag-kabit kayo ay tiyak ang deportation ninyong dalawa kaya ang tanging paraan para maging “legal” ang inyong pagsasama sa isang flat ay ang pagkakaroon ng pekeng marriage certificate.
Hindi ko rin malilimutan ang nakakakilabot na white slavery na nagaganap sa Dubai. Minsan akong naglilibot sa kung tawagin ay Gold Souq (bilihan ng ginto) sa Dubai nang may lumapit sa aking isang bugaw na Bado (taga-Bangladesh) at inalok ako kung gusto ko raw ng Pinay sa napakamurang halaga na Dhs. 30.00! Hindi ko malilimutan ang sabi niya sa akin: “Pare, pare, you want Pilipini? New come (bagong dating) only 30.00 Dirhams!” Anak ng pu__! Muntik ko ng maupakan ang Bado sa kaniyang kababuyan! Matapos nito ay nagtanung-tanong ako kung gaano katotoo ang white slavery sa Dubai at napag-alaman ko mismo sa isang Pinay na naloko ng kumare niya sa pagpunta dito dala ang tourist at hindi working visa. Ang katwiran ng Pinay na nakausap ko ay hindi raw siya uuwi na bayong lang ang dala, kaya’t kahit sex trade ay pinasok na niya! Hiwalay na nga raw sila ng asawa niya pero okey lang basta’t maitawid niya lang sa hirap ang tatlo nilang anak, kahit pa mag-puta siya.
Sa mga galing ng Middle East na nandito ngayon sa Winnipeg, nasasariwa n’yo pa ba sa inyong mga alala ang sitwasyon ng ating mga kababayan doon, na kadalasang nauuwi sa hiwalayan at pagkasira ng pamilya?
Ano ngayon ang mas kontrobersyal, ang hiwalayan ni Kris at James o ang hiwalayan ng maraming mag-asawang Pilipino dahil sa pag-tatrabaho sa ibang bansa?
Family reunification. Ito ang handog ng Canada sa atin, lalung-lalo na sa mga Provincial Nominees. Ang laki ng pagkakaiba na kasama mo ang pamilya mo habang nasa ibang bansa ka kumpara sa nag-iisa ka lang at malayo sa iyong pamilya. Magandang programa. Pero bakit marami ring kaso ng hiwalayan dito sa Canada. Sa nature ng trabaho ko ay marami na akong nakausap na Pilipino na kung tawagin ang kabiyak nila ay ex-wife o ex-husband. May mga usap-usapan din na maraming nagkaka-developan sa workplace at nauuwi sa hiwalayan. Mayroon ding mga kaso na magkasama nga sa iisang bubong pero hindi na magkatabing matulog. Nag-uusap pero hindi na nagmamahalan.
Pambihira naman, binigyan na nga tayo ng pagkakataon para makaalis kasama ang buong pamilya at makahanap ng magandang kinabukasan dito sa Canada pero marami pa rin ang nagkakahiwalay.
Hindi ako marriage counsellor. Hindi ko rin sinasabing hindi kami nagkakaroon ng tampuhan at away ng mahal kong asawa, pero sa awa ng Diyos ay hindi pumapasok sa isip ko na dito pa kami magkakahiwalay kahit na may divorce dito.
Isang magandang pagkakataon ang ibinigay sa atin ng bansang ito para sa magandang kinabukasan. Ito sana ang isaksak natin sa ating mga utak bago tayo gumawa ng hakbang sa paghihiwalay. Isa pa, masarap tumanda nang maayos ang pamilya. Masarap ding mamatay kapiling ang tunay mong asawa.
Kaso por kaso ang hiwalayan. Nasa sa inyo kung hindi n’yo na talaga kayang pakisamahan ang isa’t isa. Pero hangga’t maaari ay pag-ingatan natin ang matrimonyo ng kasal dahil ito’y banal.
Sa pagtatapos, alam n’yo ba kung bakit naghiwalay na sina Kris at James? Ayon sa aking bubwit, mahilig daw kasing kumain ng “keso” si Kris kamakailan. Hindi n’yo ma-gets? E-mail n’yo ’ko.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.