Published on

Noel Lapuz     Mga kuracho at kuracha

Kagagaling ko lang sa pangalawa kong trabaho nang maisipan kong gawin ang artikulong ito tungkol sa uri ng pagtatrabaho ng marami sa atin. Bukod kasi sa trabaho kong walong oras kada araw mula Lunes hanggang Biyernes ay humahataw din ako tuwing gabi at maging weekends sa call centre. Hindi lang ako ang may ganitong uri ng sistema sa pagtatrabaho. Nais kong banggitin ang mga pangalan ng mga kakilala kong hataw din kung magtrabaho tulad nina Bobby, Allen, Kuya Inggo, Ate Jane, Bro. Rod, Virgilio, Jojo at Jomay. Ilan lamang kami sa marami pang Pilipino na todo-todo ang pagsusumikap sa pagkayod para sa iba’t ibang layunin sa buhay.

May matibay na dahilan kung bakit ginagawa ng isang tao ang labis na pagsusumikap. At hindi gagawin ng karaniwang tao ang tumanggap ng dalawa o tatlong trabaho kung walang nararamdamang kakapusan. Ibig sabihin, may pangangailangan ang tao na hindi matugunan ng iisang trabaho.

Kung tutuusin, hindi nakakapagod ang magkaroon ng dalawang trabaho lalo na’t nakikita mo ang bunga ng iyong mga pagsisikap. Bukod dito, isang kasiyahanan na sa isang nagtatrabaho ang makita ang kaniyang pamilya na nasa maayos na buhay. ’Ika nga ay, bawing bawi ang hirap.

Mga Kuracho at Kuracha! Sila ang mga buhay na bayani ng ating mga tahanan. Sila ang kayod kabayo para sa kapakanan ng pamilya.

Isang kahera sa isang Filipino supermarket ang tinanong ko kung may kakambal siya. “May kakambal ka ba Nene?” tanong ko sa kaniya. Sagot naman ang kahera ng: “Wala po kuya, bakit po?” Pabiro ko namang sinagot na: “Kanina lang kasi ay nakita kita sa Walmart, ngayon nandito ka na.” Pambihira ang energy ng dalagang ito. Ipagpatuloy mo lang ang iyong kasipagan at tiyak ang iyong tagumpay.

Wala pa halos isang buwan mula nang dumating itong si Bobby dito sa Winnipeg ay nakasungkit na ng dalawang trabaho. Consistent itong kaibigan kong ito sa pagtatrabaho nang eight days a week. Sa kabila nito ay hindi mo makikita sa pagmumuka niya ang pagod. Laging naka-ngiti, laging masaya. Katunayan ay may panahon pa siya sa Facebook. Ehemplo si Bobby ng pagiging eksperto sa time management. Bagama’t hataw sa trabaho ay may oras din siyang nakalaan para sa ibang bagay lalo na sa pamilya (at sa inuman). Proud ako kay Bobby, ang lider ng tropang Kuracho!

Isang matagumpay na kawani ng St. Boniface Hospital si Jojo. Sinikap niyang magkaroon ng tamang edukasyon para makapasok dito. Ngunit bago siya maging isang kawani ng hospital ay nagkamada rin siya ng mga paninda sa mga supermarkets. Kumapal ang kalyo, nagka-muscle at pisikal na napagod. Pero hindi sumuko si Jojo at hindi nakuntento sa una niyang trabaho. Nagsikap siya at nag-aral. Hindi nagtagal, pinag-aagawan na siya ng mga ospital. Saludo ako kay Jojo. May direksyon at may tamang pagpaplano. Isang dakilang Kuracho.

Sa mga hindi nakaka-alam. Ang Kuracha ay pamagat ng pelikula ni Rosanna Roces noong 1998. Ito ay may subtitle na: Ang Babaeng Walang Pahinga. Mula noon, naging bukambibig na ang Kuracha o Kuracho na itinatawag sa mga taong walang pahinga sa kanilang mga ginagawa, lalo na sa trabaho.

Kung makaka-kuwentuhan mo ang mga unang Pilipino dito sa Winnipeg ay ma-iinspire ka sa kanilang mga pinagdaanan. Lahat sila ay dumaan sa mga pagsubok, pagsisikap, pagtitiyaga at paghihintay ng tamang oras upang abutin ang rurok ng tagumpay. Ang kanilang estado ngayon sa ating lipunan ay bunga ng kanilang pinagsikapan maraming taon na ang nakalilipas.

Mabilis lang ang panahon. Hindi natin mamamalayan na malapit na pala tayo sa finish line ng ating mission. At kapag abot tanaw na ito ay unti-unti natin itong yakapin, damahin at ibahagi sa ating mga mahal sa buhay. Ngunit lumingon din tayo sa likod, masdan ang ating pinagdaanan at magpasalamat sa Dakilang Source ng ating enerhiya sa pagbibigay Niya sa atin ng ibayong lakas para itaguyod ang ating mga pamilya.

Sa mga katulad naming Kuracho at Kuracho, huwag kayong mapapagod sa pagsisikap. Isipin n’yo lagi ang dahilan kung bakit kayo kumakayod nang husto. Darating din ang panahon na magbubunga ang lahat ng ating kasipagan.

Sulong mga Kuracho at Kuracha!

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

Have a comment on this article? Send us your feedback