Published on

Noel Lapuz     Ano na, kapag nanalo ka?

Minsan nang tinanong si Comedy King Dolphy kung gusto niyang tumakbong mayor ng Maynila, ang sabi ni Dolphy, “Madaling manalo. Ang problema, pag-nanalo na ako”. Tama nga naman si Pidol sa tanong niya sa sarili kung may kakayahan ba siya talaga para maging mayor ng Maynila. Kaya nga, magpa-hanggang ngayon ay hindi tumatakbo si Pidol sa kahit anumang puwesto sa gobyerno.

Bakit ba tumatakbo sa public office ang isang tao? Dahil ba sa titulo, impluwensya, kapangyarihan o pera? Bakit nga ba sila sumusuong sa masalimuot na mundo ng pulitika? Bakit kailangang magpakahirap sa pangangampanya? Bakit nga ba?

Ang pagpasok sa pulitika ng isang taong may malinis na puso ay hindi iniisip ang benepisyong kaniyang makukuha kapag nasa puwesto na siya. Bagkus, iniisip niya ang kapakanan ng lahat at ang pinakahuli ay ang kaniyang sarili. May pangarap din siya para sa ikagaganda ng kaniyang nasasakupan. At bukod sa pangarap ay alam din niya kung paano ito maisasakatuparan. Ibig sabihin, kung nangangarap siya ng isang maayos na lipunan ay alam niya rin dapat ang dynamics kung paano ito mapangyayari. Ang importante kasi sa pangarap ay kung paano ito maging totoo. How to make things happen, ’ika nga.

Napaka-amateur ng mga kandidato na nagsasabing pauunlarin nila ang lungsod at pagiginhawahin ang buhay. Kahit sinong tao ay puwedeng sabihin ito. Ang tanong ay kung paano. Ano ang mga kongkretong hakbang para maging makatotohanan ang napakalabnaw na mga pangakong katulad nito?

Kung minsan, maraming mga botante ang hindi pinag-aaralan ang mga sinasabi, background at paninindigan ng mga kandidato. Dahil lamang sa nairekomenda ng kamag-anak ng pinsan ng kapit-bahay ng lolo ng manugang ng bayaw niya ay naiboboto ang mga walang kuwentang pulitiko. At minsan din, dahil sa nakipag-kodakan ang kandidatong ito sa kaniya at nailagay sa facebook ay iboboto niya na ito. Kadalasan, ang mga bagay tulad ng naasikaso ang mga papeles ay nagiging matibay na batayan para maiboto ang isang kandidato. Sa mga Pilipino, malaking bagay ang utang na loob na kadalasan ay inaabuso ng mga oportunistang pulitiko.

Ang pagboto ay isang sagradong karapatan ng mga mamamayan na kung saan nakasalalay dito ang kahihinatnan ng isang pamayanan. Hindi kailan man dapat ipagwalang bahala ang pag-uusisa sa mga plataporma ng isang kandidato bago sila iboto. Kailangan na pag-aralang mabuti kung dapat ba silang maluklok sa puwestong kanilang hinahangad. Hindi rin sabong ang eleksyon. Hindi ito labanan ng lyamado at dehado, kundi ito ay tunggalian ng iba’t ibang paniniwala, prinsipyo at paninindigan.

Naglipana ang mga polyetos at signs ng mga kandidato sa Winnipeg para sa nalalapit na civic election sa October 27. Lahat ay nangangakong may magagawa para sa siyudad at komunidad. May kani-kaniyang plataporma, pangako at pangarap para sa isang maayos na lungsod. Bukod sa civic election, atat na atat din ang mga kandidato para sa pinaka-aabangang election upang punan ang bakanteng puwesto sa federal seat para kumatawan sa Winnipeg North.

Kahit na medyo lumalamig na ang panahon ay mainit na mainit pa rin ang mga isyung pulitika sa ating lungsod. Sino kaya ang magiging Mayor ng Winnipeg, si Judy o si Sam? Sino kaya sa dalawang Kevin ang mananalo para maging kinatawan ng Winnipeg North? Manalo kaya si Amity Sagness, ang president ng Tyndall Park Community Centre, sa NDP nomination para maging opisyal na kandidatong MLA? Manalo kaya si Lito Taruc bilang Konsehal ng Daniel McIntyre? Sa Point Douglas Ward, masungkit kaya ni incumbent Councillor Mike Pagtakhan ang kaniyang ikatlong termino bilang Konsehal? Si Anthony Ramos at Darlyne Bautista, pumasok kaya sila bilang mga school trustees?

Pagsusuri ang kailangan para sa pagboto. Maging matalino tayo.

Oo nga pala, kaugnay ng civic election, maraming kandidato ang mali ang itinuturo sa tamang pagboto. Hindi po kailangang i-check o i-cross ang balota. Ang kailangan po ay i-shade ang bilog na hugis itlog sa tabi ng pangalan ng inyong iboboto. Parang tataya lang kayo sa lotto.

At sa mga kandidatong mananalo, sana ay handa na rin kayong gawin ang mga pangako ninyo. Minsan kasi. madaling manalo; ang problema kapag nanalo na. Ano ang una ninyong gagawin kapag nasa puwesto na kayo? Sana po para sa kapakanan ng tao ang unahin ninyo.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

Have a comment on this article? Send us your feedback