
Opinions
![]() |
Masipag pero medyo bastos |
Hanga ako sa mga Pilipinong kumakayod kung gabi lalo na doon sa mga production workers at mga cleaners o kilala sa tawag na sanitation crews. Ang totoo, bago magsara ang 2010 ay naranasan ko ang maging tagapaglinis o miyembro ng sanitation sa isang factory sa Inkster Industrial Park. Hindi basta linis ang ginawa namin kundi matinding paghuhugas ng lahat ng mga dambuhalang kagamitan, makina at mismong workplace. Akala ko noon ay simpleng paglilinis lang ang napasukan ko, pero mabigat pala ang ganitong uri ng trabaho at abnormal pa ang oras dahil magsisimula ang trabaho ng alas 10:30 ng gabi at matatapos nang alas 7:00 ng umaga. Nakakapagod.
Kapansin-pansin na halos Pilipino ang tumatanggap ng ganitong uri ng trabaho. Nagpapatunay lamang ito na ang Pilipino ay matiyaga, masipag at handang tanggapin ang ganitong uri ng trabaho para maitaguyod ang pamilya. Sa kompanyang napasukan ko ay may ilan na ring mga Pilipino ang lampas na sa sampung taon ang pagseserbisyo bilang mga sanitation crew.
Bilang manunulat ay napakahalaga sa akin ang naging karanasan ko bilang isang tagapaglinis. Bagamat lampa ako ay nagawa kong umakyat sa nagtataasang tanke ng harina para linisin ang mga ito. Sa bawa’t pagbuga ng water power spray ay sinabi ko sa aking sarili na kailangang pagtiyagaan ko ito sa ngalan ng karanasan at kasalatan. Bukod sa uri ng ganitong trabaho ay napansin ko rin ang common na kaugalian ng mga Pinoy sa mga workplaces na tulad nito. Masaya. Magulo. Minsan nakaka-ilang.
Humigit kumulang sa labing-lima ang miyembro ng sanitation team na kinabilangan ko. May dalawang East Indian, isang African, isang Portuguese na lead hand at ang aming boss ay isang Pakistani. Siyempre, nakakalamang ang bilang ng mga Pinoy. Kaya asahan mo na ang salita na maririnig sa lunchroom ay maingay na Tagalog. Feeling ko tuloy na parang nasa Pinas lang ako. Isa pa, madalas ay amoy adobo ang lunchroom.
Hindi mawawala ang biruan ng kapwa mga Pinoy kapag break. Sa kabila ng pagod ay nakukuha pa rin nila na tumawa at magbiruan. Madalas na mapagdiskitahan ang mga ibang lahi sa usapan. Minsan nga ay kaharap mismo namin ang boss na Pakistani ng bumanat ang isang Pinoy ng offensive na biro sa wikang Tagalog. Walang kamalay-malay ang pobreng Pakistani na siya na pala ang pinag-uusapan at pinagtatawanan ng mga Pinoy. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa pagkakataong iyon dahil alam kong mali ang ganitong uri ng pagbibiro na gamit ang salitang hindi naiintindihan ng taong iyong pinagdidiskitahan.
Bukod dito, may bansag ang mga Pinoy sa kanilang boss. Si Kuba at si Bakulaw. Noong unang araw na pinag-report ako sa kompanyang ito ay nakausap ko ang ilang Pinoy habang naghihintay sa boss. Nag-comment agad ang isang Pinoy na tila beterano na sa kompanya. Mag-iingat daw ako kay Kuba. Mabait lang daw ito sa una. Ang advise niya ay hindi sinabi sa maayos na paraan. Binitiwan ito na parang pagbabanta. Feeling ko tuloy na parang kapapasok ko lang sa selda at nakausap ko ang mayor. Pagkabanggit nito ay sumegunda naman ang isa pang Pinoy na nagsabing, “huwag mo namang takutin, magsisimula pa lang, eh, baka tumakbo na ’yan.”Para bang mga kontrabida sa pelikulang Pilipino ang mga una kong nakasagupa sa mismong unang araw ko sa trabahong ito.
Nakalulungkot isipin na imbis na suporta mula sa kapuwa manggagawa ang manaig sa mga workplace katulad nito ay tila pananakot pa ang kinakaharap ng mga baguhan. Hindi lahat ng mga manggagawang Pinoy ay ganito ang ugali, pero siyempre ang mga kontrabida ay laging lumulutang sa eksena kaya’t nagiging masama ang impresyon sa mga Pilipino.
Inabot ko ang halos pagpapalit ng taon na sa kompanyang iyon. Bago kami magbakasyon ay tinipon kami ng aming boss para bumati ng Happy New Year. Binati niya kami at pinuri ang mga Pinoy dahil sa angking kasipagan at bilis sa patatrabaho. Habang nagsasalita ang kawawang Pakistani ay may bumubulong sa likod at nagmumura. “Pu… i.a mo Kuba!” Ganito ang eksaktong kataga na aking narinig. Maya-maya pa ay tinawag na ang Portuguese na lead hand para bumati rin. Lalong nagmura ang Pilipino at inusal na mas malakas ang… “f… you, …hole. pu…i.a… mo.”Alam kong ramdan ng Portuguese na minumura siya pero marahil ay hindi na lang niya ito pinansin dahil kukuyugin siya ng mga Pilipino kung sakaling magkarambulan.
Hindi na tinapos ng aming boss ang buong shift dahil kinabukasan ay bakasyon na. May isang look-out para siguraduhin kung nakalabas na talaga ang boss at ititimbre ito sa lahat. Isang Pinoy ang nagtanong; “Umalis na ba si Kuba?” Sagot naman ang isa ng; “Oo pinalayas ko na. Put… i.a mo Kuba lumayas ka na sabi ko! Ayun lumayas na.”
Lagi kong ipinagmamalaki ang Pinoy saan man ako naroroon. Likas kasi ang pagiging masipag natin at pagiging matalino. Kaya lang, kung minsan ay nababahiran ang ating lahi ng hindi magandang impresyon dahil sa ating pagtrato, lalo na sa hindi natin kalahi.
Hanga ang ibang lahi sa sipag at diskarte ng mga Pinoy. Panatilihin sana natin ito at makita rin sa atin ang maayos na pakikisalamuha sa kapuwa natin Pilipino at sa ibang lahi, lalo sa ating mga workplace. Huwag nating hintayin na sabihin ng ibang lahi na masipag, matalino at magaling nga ang Pinoy pero sayang, kasi bastos naman sila.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).