Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosuePagbabagong buhay

ni Junie Josue

Ngayong bagong taon, marami ang naghahangad na makapagbagong buhay pero hindi nila alam kung paano. Alam n’yo bang maraming aral ang biblia patungkol dito? Mahagalang itigil na natin ang paggawa ng mga dahilan. Itigil na natin ang paninisi sa ibang tao. Importante ring itigil na natin ang pagtingin sa ating sarili bilang biktima ng mga pangyayari sa ating buhay. Maaaring totoong nasaktan tayo ng ibang tao. Pero alam n’yo bang maaari pa rin tayo makapamili kung ano ang ating gagawin sa ating buhay? May kilala akong mga babaeng iniwan ng kanilang asawa. Sa halip na mabuhay sa sama ng loob, matapang nilang hinarap ang matinding dagok sa kanilang buhay. Nag-iisa silang kumakayod para mapakain at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Kung nais natin ng sariwang simulain, mahalagang magkaroon tayo ng imbentaryo patungkol sa ating buhay. Maglaan tayo ng panahon para gawin natin ito. Itanong natin sa ating sarili kung anong mga bagay ang binibigyan natin ng pinakamaraming panahon at atensyon? Ang mga ito ba ay magbibigay sa atin ng pakinabang hindi lamang pansamantala kundi maging sa mahabang panahon? Kung hindi, panahon na para palitan natin ang mga prioridad natin sa buhay. May patutunguhan ba ang ating buhay o nagpapadala lamang tayo sa agos ng kabisihan ng buhay? Tandaan natin na hindi tayo nilalang ng Diyos para lang maghanap-buhay. Tayo ay kaniyang mga obra maestra at may dakilang layunin siya para sa bawat isa sa atin. At hanggang hindi natin natutupad ang layunin ito, patuloy tayong nangangapa sa buhay. Mailap ang kaligayahan at kapayapaan sa atin.

Mahalagang magkaroon tayo ng malapit na ugnayan sa Diyos para malaman at matupad natin ang layunin niya para sa atin. Ang sabi sa biblia sa Juan 10:10, naparito sa lupa ang Panginoong Hesus upang bigyan tayo ng masaganang buhay. Siya ang pinagmumulan ng masagang buhay pero nakakalungkot na katotohanang marami pa ring nag-aakala na matatagpuan nila ito sa pera, sa katanyagan, o sa ibang tao.

Mahalagang mapalitan din ang ating lumang kaisipan na maaaring puno ng mga negatibong bagay tulad ng takot o kalungkutan. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos na siyang magbibigay sa atin ng karunungan gawin ang mga bagay-bagay. Naglalaman ang biblia na mg pangako ng Diyos na maaari nating panghawakan. Kaya’t sa halip na mabuhay tayo sa takot dahil sa mga bagyo ng buhay, maaari pa rin tayong mapuno ng pag-asa dahil nakapokus ang ating isip sa mga pangako ng Diyos na hindi napapapako. At ang pinakahuli at pinakamahalaga sa lahat, manalig tayo sa Diyos na siyang gagawa ng paraan para makapagbagong buhay tayo. Ayon sa biblia, ang sinuman na kay Kristo ay bago ng nilalang. Binigay niya ang kaniyang bugtong na anak na si Hesus para iligtas tayo. Gayon na lamang ang pag-ibig sa atin ng Diyos Ama na inalay niya ang buhay ng kaniyang anak para sa ating kaligtasan, para sa ating pagbabagong-buhay.

Kahit tayo ay nadumihan na ng kasalanan, kahit tayo ay itinuturing ng ibang tao na wala ng pakinabang at pag-asa, hindi ang Diyos. Punung-puno siya ng pag-asa para sa atin. May nilalaan pa rin siyang magandang kinabukasan sa atin. Sa biblia, mababasa natin sa aklat ng Panaghoy 3:22-23 ang pambihirang pagtatangi sa atin ng Diyos. Ang sabi dito, “Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nagmamaliw. At ang kaniyang awa ay walang kupas. Hindi ito nagbabago tulad ng bukang liwayway. Dakila ang kaniyang katapatan.”

Sa Bagong taong ito, pakatandaan natin na anuman ang naging nakaraan natin, anuman ang katayuan natin ngayon, kaya tayong baguhin ng Diyos. Kaya niya tayong bigyan ng magandang kinabukasan. Kaligayahan niyang pagkalooban tayo ng bagong destinasyon sa buhay. Hindi na tayo kailangan pang mamuhay na bihag na kasalanan kagaya ng caterpillar na naghihirap sa paggapang. May kalayaan na tayong tuparin ang layunin natin sa Diyos kagaya ng paru-parong malayang lumilipad.

Sa aking pagtatapos, ang panalangin ko ay pangunahan kayo ng Diyos tungo sa ganap at maligayang buhay simula ngayong bagong taon.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.