
Opinions
ni Junie Josue
Sa isang artikulong may pamagat na The Wonders of the Natural World: God’s Design, pinakita ng isang university professor na si Gerald Bergman kung gaanong kahigit ang nilikha ng Diyos kaysa sa mga imbensyon ng tao. Bago pa nadiskubre ang kuryente, ang mga electril eel ay gumagawa na ng kanilang sariling kuryente na umaabot na hanggang pitong daang boltahe. Bago pa na-imbento ng tao ang bombilya, ang mga fireflies ay may sariling ilaw na nagsisilbing signal nila sa isa’t isa. May ilang isda sa karagatan ang gumagawa ng sarili nilang ilaw upang gabayan sila sa kanilang paglakbay sa tubig.
Matagal na panahon pa bago nakapaglakbay ang tao sa pitong karagatan, pero ang mga ibon ay noon pa naglalakbay mula hilaga patungong timog at lumalanding sa parehong pugad taon-taon. Bago pa naimbento ang aircondition, ang mga bubuyog ay gumagamit ng kanilang mga pakpak bilang aircondition para sa kanilang tirahan. Bago pa natin nadisensiyo at naitayo ang mga tulay, ang nilikhang gagamba ng Diyos ay nagpapakita ng pambihirang kakayahan sa engineering sa paggawa ng mga sapot na nagsisilbing tulay nila. Ang mga wasps ay gumagawa ng isang uri ng papel bago pa natin naimbento ng tao ang papel. Ang mga beaver ay gumagawa ng malalaking dam na gawa sa puno at putik.
Hindi ba sapat na dahilan ang mga iyan upang tanggapin natin na may mas nakakahigit sa atin at may Diyos na higit ang karunungan at katalinuhan kaysa sa atin? Sa biblia, bago naging hari si David, siya ay inatasang magpastol ng mga alagang tupa ng kaniyang pamilya. Sa gabi, siya ang nagbabantay sa mga tupa para hindi ito atakihin ng mga mababangis na hayop. Tuwing siya’y nahihiga sa labas ng bahay, kitang kitang niya ang langit. Hindi nakatakas sa kaniyang paningin ang libo libong bituin at hindi niya mapigilang mamangha sa kadakilaan ng Diyos.
Alam n’yo bang sa pamamagitan ng modern na telescope, nadiskubreng may ilang daang bilyong bituin sa ating galaxy lamang? Bukod pa riyan ang hindi nasasakupan ng ating universe na mayroon ding bilyon bilyong mga bituin. Napagtanto ni David ang kadakilaan at pambihirang karunungan ng Diyos nang pagmasdan niya ang kalikasan
Nakita rin niya kung paano napakaliit niya at kung ikukumpara ang kaniyang sukat sa daigdig na ginagalawan niya, para lamang siya isang tuldok. Pero naunawaan din niya na sa kabila ng kaniyang sukat at sa kabila ng kaniyang kahinaan siya ay nilikha ng Diyos, natatanging nilikha na itinalaga ng Diyos para sa Kaniya. Dahil sa katotohanang ito, buong pagpapakumbabang nagpasalamat at dinakila ni David ang Diyos. Gumawa siya ng awit patungkol dito na ating mababasa sa biblia sa Mga Awit 8:
“O Panginoon, aming Panginoon… Kapag pinagmamasdan ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos; Ano nga ang tao upang iyong alalahanin? At ano nga siya upang iyong kalingahin? Nilikha mo siya na halos kapantay ng iyong luningning at kadakilaan! Pinamahala mo sa buong daigdig, sa lahat ng bagay malaki’t maliit; Mga baka’t tupa, hayop na mabangis at lahat ng ibong nasa himpapawid. at ang mga isda sa dagat, anumang nagdaraan sa mga kalaliman mga dagat. Oh Panginoon, aming Panginoon, napakadakila ng iyong pangalan sa buong lupa!”
Natagpuan ni David ang kaniyang pagkakilanlan nang napagtanto niya ang kadakilaan ng Diyos na siyang lumikha sa tao. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos at ang layunin ng ating buhay ay matatagpuan din natin sa ating Manlilikha. Sa kabila ng kamangmanghang kataasan, kadakilaan at karangyaan ng Diyos, pinag-ukulan niya tayo ng pansin at pag-ibig
Kaibigan, kung akala mong wala kang halaga sa Diyos dahil sa iyong nakaraan o dahil sa iyong kalagayan ngayon o dahil sa mga pagkakamaling nagawa mo, alalahaning mong itinangi ka ng Diyos sa lahat ng mga nilikha niya. Maaaring puno ka ng problema at iniisip mong hindi ka mahal ng Diyos. Pagmasdan mo ang mga maya. Ang sabi sa aklat ng Mateo 10:29-31 kung ang maya na ipinagbibili ng dalawa isang pera ay hindi nahuhulog sa lupa kundi sa kalooban ng Diyos, ano pa kayo tayong mga tao na higit na mahalaga kaysa sa libu-libong maya?
Kaibigan, bakit hindi mo hayaang mangusap ang kalikasan sa iyo ukol sa kadakilaan at pag-ibig ng Diyos?
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.