
Opinions
ni Paquito Rey Pacheco
Ang mga Filipino centenarians na mga nasa foreign countries, umano ay maaaring makatanggap ng 100,000 pesos mula sa pamahalaan ng Pilipinas. Dapat magharap sila ng kahilingan. Ang mga pamamaraan ay dapat alamin sa tanggapan ng Philippine Consulate.
Nabalita noong ika-12 ng Abril na ang Manitoba government ay may nakalaang pera na mga three million dollars para sa may 17 organization na makakatulong sa mga bagong immigrants ng Manitoba. Ang nabanggit na salapi ay mula daw sa Provincial Nominee Program ng probinsiya.
Sa malapit na hinaharap ay malamang mabasawan ang bilang ng Liberal MLA members of the province. Tiyak ‘yon kung matutuloy ang planong pagkandidato sa pagka-MP ni Ms Judy Klassen sa nakatakdang fall elections.
Samantala, Nabalita noong ika-10 ng Abril, na sa US ay may 24 ang kinasuhan tungkol sa dishonest dealing na mahigit one billion dollars sa health care program. Pinakamalaking anomalya umano sa kasaysayan ng USA. Sa November 2020 nakatakda ang presidential election doon.
Ang naganap na magkasunod na lindol na dalawang araw noong ika-22 at 23 ng April na ang magnitude ay 6.1 at 6.5 sa mga gawing Kanluran ng Luzon at Silangan bahagi ng Samar ay isipin na lang natin na isang pagsubok sa buhay. Naganap ang trahedya makaraan ang isang linggong Mahal na Araw na minsan pang ginunita ng mga Filipinong isinilang sa sariling bayan at kahit na sa ngayon ay wala sila sa bansang kanilang sinilanagan. Ang mahalagang mensahe ay piliin ang mabuti, ang masama ay iwaksi.
Sa aking haka-haka. Sinugo sa lupa ng Diyos ang Kaniyang anak na nagkatawang-tao. Layunin ay maging huwaran siya ng mga tao. Mabuhay na mapayapa. Sinikap na matupad ang hangarin ng kaniyang Ama. Pinagdiwang ng mga tao nang dumating sa Herusalem. Nang lumaon ang mga taong sumalubong, sila-sila ang nagpako kay Hesus sa nakadipang kahoy.
About 12 days na lang at magaganap na ang 2019 Midterm Elections. Malalaman na ng taumbayan kung ano ang naging bunga ng mga pinakulong political campaign issues ng dilawang partido para sa Otso Diretso against the candidates of the administration and other political parties.
Ang independent foreign policy ni President Duterte ay pilit hinaharang ng kaniyang mga kalaban. Pangunahin ang kasalukuyang relasyon ng Maynila at Beijing. Hindi kaya nila alam na kahit ang US, noong panahon ni former President Barack Obama ay nagsasagawa din ng pakikipagrelasyon sa China? Bakit ngayong maganda ang relasyon ng Pilipinas at China ay kanilang pinagiinitan?
Ang isa sa mga pakulo ng dilawang partido, binabaon daw sa utang ng pangulong Duterte ang Pilipinas sa China. Baka nga, pero sabi naman ng maka-DU30, nais ni Digong na ang Mindanao ay mapaunlad. Hindi na manatiling lupang pangako. Alalahanin daw na parang nagtatayo ng negosyo. Kung walang malaking puhunan, gumagawa ng paraan para madagdagan ang kakayahan sa hanap-buhay.
Isa pang political campaign issue ay tungkol kay former president Ferdinand E. Marcos, Sr. noong panahon nang kaniyang liderato. Subalit naalala tuloy ngayon ng mga nabubuhay pa. Higit na maganda ang kabuhayan ng taumbayan noon, kumpara sa nakaraang dalawang gobyernong Aquino.
Ano bang magandang legacy ang kanilang pinamana sa mga mamamayan noong kanilang kapanahunan? Yon bang napanumbalik daw ang demokrasya, pero sa maraming Filipino ang sinasabi ay disgrasya. Samantala, ang napagdugtong na Samar at Leyte sa pamamagitan ng tulay ay masama bang legacy ni former President Ferdinand E. Marcos. Sr?
Kaya nga ang resulta tuloy ng mga pakulo ng dilawang partido para sa kanilang Otso Deretso ay parang nasa kumunoy. Habang kumikilos ay nababaon. Walang iniwan sa diwa ng isang lumang awitin. “Matayog ang lipad ng Saranggola ni Pepe,” Subalit bumagsak dahil sa malakas na hangin.
Ang tungkol sa West Philippine Sea issue ay kasamang ginigiit pa rin ng mga kaalyado ng opposition party subalit waring bumalik sa kanila ang resulta. Noong kapanahunan ng Former Foreign Affairs Secretary at Ombudsman ay hindi nila ginawa ang gusto nilang ipagawa ngayon sa kasalukuyang gobyerno. Sabagay, history na lamang ‘yon. May bagong Foreign Affairs Secretary na ang gobyernong Duterte.
Ang bagong Foreign Affairs Secretary ngayon ay si Mr. Teodoro Locsin na dating kinatawan ng Pilipinas sa United Nations. Alam niya na ang Pilipinas ay may karapatan sa lugar ng Scarborough Shoal batay sa the Hague UN resolution. Ang China ay may kinatawan din sa UN at kasama pa security council. Alam ni Secretary Locsin ang kaniyang katungkulan.
Sa totoo lang, ang China ay member ng UN. The Hague UN decision na Pilipinas ang may karapatan sa nabanggit na bahagi ng karagatan ay matibay na batayan. Nangyari ‘yon noong panahon ni Former Foreign Affairs Secretary Alberto Del Rosario. Ang duming iniwan nila noon ay si DFA Secretary Locsin ang nais nilang maglinis.
Sa madaling salita ang Scarborough Shoal mess ay nangyari noong panahon ng Noynoy Aquino government. Ang China ay gumagawa na ng man-made islands na malapit sa Zambales na katapat ng Luzon. May hakbang bang ginawa ang nakaraang gobyerno na mapigilan ang China? Ngayon ang gobyernong Duterte ang pinipilit ng mga alipores ng LP political party na kaagad-agad kondenahin ang China? Friendship, not war ang nais ni PDU30.
Sa nakaraang two days na pagbisita ni President Duterte ay muli niyang nakadaupang-palad ang Chinese President XI Jinping. Sinariwa niya ang tungkol sa issue ng pagpasok ng China sa South China Sea.Wala namang nabalitang naging mainit ang paguusap ng dalawang pangulo.
Samantala, tungkol naman sa Hanjin ng South Korea’s Heavy Industries Construction Ltd. sa Subic Bay mula pa noong 1992 na kung saan naroon ang US Navy Base ay may malaking utang sa Pilipinas. Kung gustong bilhin daw ng China ay ok sa Pilipinas. Tinatayang may mga 20,000 ang bilang ng mga dating trabahador doon.
Noong ika-13 ng Abril, nabalita na mismong si Kris Aquino ay nagpasaring kay Mar Roxas na huwag isisi sa kaniyang kapatid na Noynoy ang pagbagsak ng kanilang partidong LP. Ang kuya ni Kris ay kaniyang pinagtanggol kahit inaming, siya at ang kaniyang kapatid umano ay not in good term. Silang magkapatid ay pinagkasundo daw ni Sen. Francis Pangilinan.
Pinagiisipan daw ng pangulong DU30 ang pagtatalaga ng five persons para makipagusap sa mga rebelde. Kasi nga, kung ilang ulit nang hinangad at ginawa ‘yon ng pangulo subalit hindi siya pinansin. Sabi nga ng mga kritiko, malabong mangyari sapagkat ang rebeldeng CPP-NPA ay may sariling adyenda. Gayunman, muling inanyayahan ng pangulo si Joma na umuwi at bigyan ng konsiderasyon ang katahimikan ng bansa.
Sa loob ng susunod na dalawang linggo, puspusan na ang kampanya ng mga kandidato. Kahit nga noong nakaraang Semana Santa ay kanilang sinamantala. Ang mga senatorial candidates ay may 10 days pa para sa kanilang mapping operations, kasama ang lugar na kanilang supporters na kanilang puhunan sa tagumpay. Ang dapat iboto ngayon sa local and national elections ay ang mga may tanging kakayahan, magandang ugali at makakatulong sa mahihirap.
Bagaman sinabi ni President Duterte sa mga lider ng political opposition na, “If you give me hard time, I will declare a revolutionary war until the end of my term.” Alalahaning kahit ang mga langgam na natapakan, nangangagat. Ang nabanggit na pahayag ay pinalobo ng kaniyang mga kalaban, kaso ang lobo ay kusang pumutok.
Kayamanang galing sa masamang paraan, hatid sa sarili ay kapahamakan.
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Pilantik ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.