Published on

    Setyembre 16 - 30, 2011

 

Nakasalalay sa 12 ridings ang resulta ng labanan ng political parties sa Oct. 4 Manitoba Provincial Elections. Batay sa pagtaya ng mga political analyst, tinukoy ng Winnipeg Free Press ang mga lugar ng Interlake, Fort Richmond, Assiniboia, Dawson Trail, Fort Garry-Riverview, St. Norbert, Kirkfield Park, Seine River, Riel, Southdale, River Heights at Transcona.


Lahat ng pinapangako ng tatlong partido ay maganda. Ang pangit lang, maraming botante ay hindi umaasang mangyayari ang sinasabi ng mga politiko. Voters’ concern is about economic security.


Sa isyu ng leadership at status quo vs change, lamang ang NDP sa PC, ayon sa latest survey. Malakas ang sigaw na change. Marami din ang kabado sa pagbabago. Para mapatalsik sa poder ang NDP, kailangan ng PC na makakuha ng 10 ridings sa Winnipeg.


Interesting daw ang karambola sa Tyndall Park elections nina Ted Marcelino ng NDP, Cris Aglugub sa PC at Roldan Sevillano Jr. ng Liberal. Oo naman, pero ang brighter side, isang Pinoy-Canadian ang tiyak na magiging kagawad ng lehislatura.


Anim nga silang lahat na kalahok. Kabilang si Flor Marcelino ng NDP, kasalukuyang Minister of Culture, Heritage and Tourism para sa bagong Logan constituency. Sina Pabling Salinas ng Liberal at Boy Tomas ng PC naman sa Maples


Dalawang senaryo naman mayroon ang federal politics. Pagpili ng bagong NDP lider sa March 24, 2012. Tatlo ang seryosong interesado. Ang Deputy Leader na si Thomas Mulcair, Ottawa MP Paul Dewar at ang pangulo ng partido, Brian Topp. Tungkol sa planong merger ng NDP at Liberal, malabo pa, puro buladas ang naririnig mula sa dalawang panig.

Sa Pilipinas

Ayaw ng US na marepaso ang Visiting Forces Agreement ng Maynila at Washington. Ang review ay pinag-uusapan na sa kongreso ng Pilipinas. Layong mabago ang mga probisyong may negatibong epekto. VFA ang sangkalan para makapanatili ang mga sundalong Kano sa Mindanao.


Pagkatapos makakain ng Peking duck sa Beijing, tuloy daw sa linggong ito (September18-21) ang ikalawang biyahe ni PNoy sa Washington. Ayon sa Malacañang, wala rawone-on-one talk between PNoy and Barack. Sana mayroon, baka sakaling magkaroon ng lakas ng loob si Noynoy na magtanong, “Nahan ang pangako mong tulong sa Pilipinas? Noong unang trip ko dito na kumain pa nga ako ng hotdog sa isang side street ng New York? Aba, kasi hanggang ngayon wala eh.”


Kung lilimitahan ang presidential trips sa ibang bansa at ang ginagastos ay idagdag na lang sa badyet ng DA, malaking benepisyo ang maibibigay sa mga tao – dagdag na produksiyon ng pagkain at makatutulong pa sa kabuhayan ng mga magsasaka.


 “Without substate, no deal with Aquino government,” ayon sa MILF. Naku, nananakot. Pahiwatig na itutuloy nila ang armed struggle? Sino kaya ang backer? Wala daw kinalaman ang US tungkol sa peace negotiations ng gobyerno at MILF, sabi ng taga-pagsalita sa Palasyo. Pero teka, sabi ni Erap,noong siya ang nasa Malacañang, mismong si ex-US President Bill Clinton ang pumipigil sa kaniya na labanan ang MILF.


Dapat lang mangamba ang mga Chinese investor na baka sapitin din nila ang katulad ng namuhunan sa North Rail project? Hindi natapos at hanggang ngayon, eh, walang balita kung kanginong bulsa napunta ang pondo? Pero teka, matindi yata ang epekto ng Peking duck sauce. Kasama pa rin ang ZTE sa panibangong biding ng NBN.


Sana mga programang pangkabuhayan ang dapat unahin ng gobyernong Aquino sa halip na mga kasong mala-gantihan. Ang patong-patong na mga asunto sa mga akusado, eh, hindi makakain at makakabusog sa mga mahihirap na tao.


Ang budget cut for education ay tila carbon copy sa gobyernong Arroyo. Gayun din ang 12 per cent VAT na hangad ng BIR para sa North and South Expressways. Pati dagdag na pamasahe sa LRT-MRT ay wala sa timing. Kung mangyayari, maaaring ikagalit ng mga “boss” ni PNoy. President Noynoy beware: Sa iyong “matuwid na landas,” mga alipores mo na ngayon ang humaharang?


Ang mga dokumento at testimonya noon ni Jun Lozada sa Senado tungkol sa ZTE-NBN deal marahil ay sapat nang magamit sa pagsasampa ng kaso. Rewind na lang ang kailangan, hindi panibagong imbestigasyon? Sana, pass muna sa grandstanding ang mga kagawad ng Kongreso. Sayang ang maaaksayang panahon at perang dapat mailaan sa food production and education.


Sa bisa ng EQ 56, si Finance Secretary Cesar Purisima ay binigyan ng kapangyarihang mahalungkat ang tax returns ng mga taxpayer. Naglalayon daw na mahabol ang mga delingkuwente at nandadaya sa pagbabayad ng buwis. Ah, para masampahan ng kaso? Naku, ano na ba ang nangyari sa mga nakasampa na? Nakabagak pa rin daw.


Pabor kina Gloria at sa mga kurap na opisyal ng Arroyo administrasyon ang napakabagal na pagikot ng wheel of justice sa bansa. Si DoJ Sec. Leila De Lima ang sinisisi sa pangyayari. “Wala sa plano ko ang resignation,” sagot niya sa mga kritiko. Hindi naman pinatulan ng Malacañang ang hinakdal. Hanggang si PNoy ay nasisiyahan sa body language ni aling Leila, walang mangyayari sa protesta.


Anim na raw ang bilang ng plunder case na kinakaharap ni Gloria. Naku, kapag nasupalpal ang isa, may kuwenta pa ba ang lima? Sa kasong double jeopardy tila wala na.


Labing-anim na retired and active PNP officers ang dinawit sa chopper deal na hinain sa ombudsman laban kay Mike Arroyo. Bakit naman kaya si Sen. Frank Drilon, sa halip purihin ang aksiyon ni CIDG Chief Samuel Pagdilao sa pagsasampa ng demanda, eh, nahihimutok? Alegasyong corruption ang kaso. Sinisikap malinis ang PNP. Hindi naman daw siya taga-pagtanggol ng mga kurap?


Nakahuli ng isang dambuhalang Buwaya sa Barangay Bunawan, Agusan del Sur. Pinakamalaki raw sa buong mundo. May mga nagsabing kailangang pakawalan, ibalik sa lugar na kinalakihan, katulad ng maraming naglipanang naka-uniporme, naka-barong at naka-amerikana.

Katas

Ang sub-state ay ikalawang hirit na ng MILF. May kaugnayan ‘yon sa “long aspirations of the Bansangmoro for freedom.” Ang una ay noong panahon ng Arroyo administration nang isulong ang MOA-AD. Ang nilalaman ng panukala, bukod sa isyung katahimikan sa Mindanao ay dapat din daw igalang ang ancestral domain. Binokya naman ng Korte Suprema dahil lumalabag sa mga probisyon ng 1987 Contitution. Tahimik pa rin ang Malacañang kung sino ang nasa likod ng nangyaring sekretong meeting ni PNoy at Al Haji Murad sa Japan.

Naalala ko tuloy ang biruan ng mga lokal na mamamahayag at kaming mga nakasama sa presidential trip, sa Kuala Lumpur Malaysia noong August 1977. Bakit daw inaangkin ng Pilipinas ang Sabah, eh, sakop daw ‘yon ng kanilang bansa?” tanong ng isang reporter na naka-inuman namin sa bar ng hotel. “Maging ang malaking bahagi daw ng Sulo Archipelago ay kanila rin,” dagdag pa niyang waring nasa espiritu na ng “agwa-de-pataranta.” Nagtinginan na lang kami at nangiti sa sinasabi. Naputol naman agad ang tema.

Mayaman ang Mindanao. Katunayan, maging si Gadhafi ay nabalitang naging interesado din sa Liguwasan Marsh ng Cotabado. Sa palagay ko, ang may interes sa Mindanao, hindi lang Amerika. Marahil, pati ang Malaysia? Sana mali ang hinala ko.

Kuwento

 “Bagay na bagay sa girlfriend mo ang nakasalamin, nakita ko siya kangina sa palengke,” sabi ng ina sa anak na binata. “Naku, Inay, mula nang magka-salamin, ayaw na akin, break na kami. Buti pa noong wala siyang salamin, hinihimas pa ang mukha ko,” sabi ng binata.


Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhaynewspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback

1