Published on

    Oktubre 16 - 31, 2011

 

Majority government pa rin ang NDP na ang dating 36 seats ay nadagdagan pa ng isa sa nakaraang Manitoba Provincial Election. Over confident, relying on polls caused the Tories to have the same 19 seats. Sa ridings na dapat silang manalo ay nagkulang ng asikaso. Marami daw supporter ng PC na tinamad bumoto.


Maligayang-bati kina Flor Marcelino na nanalo sa bagong Logan riding at Ted Marcelino sa Tyndal Park. Better luck next time naman kina Roldan Sevillano, Cris Aglugob, Jose Dakila Tomas at Pabling Sarinas.


Mali ang aking prediksiyon na bagama’t mananalo ang NDP ay mga limang seats lang ang magiging higit sa PC. Lalong namang mali ang surveys a day before election. Neck and neck daw. Resulta: labing- walong ridings ang nakuha ng NDP.


Magdadagdag daw ng kanilang suweldo at allowances ang mga kagawad ng Winnipeg City Council. Kalahating milyong dolyar bawat taon ang maaaring pigain mula sa bulsa ng taxpayers. Naku naman, hindi ba puwedeng recess muna? Kawawa naman ang karaniwang minimum wage earners.


Sa susunod pang taon maaaring makapili ng kani-kanilang lider ang federal NDP at Liberal. Pakanti-kanti lang sila ngayon sa mga isyung pinalulutang ng Conservative sa Ottawa.


Hindi gaanong nakakalikha ng trabaho ang mga negosyante sa Canada. Sana nakahanda ang Harper government sa epekto ng bantang resesyon.


Maaaring makamit ang hinahangad na re-election ni Pres. Obama kung sa akala ng mga Kano ay maaayos niya ang US economy sa loob ng susunod na taon and beyond.

Sa Pilipinas

Nabahag ang buntot ng Palasyo. Nag-urong-sulong si PNoy na magkaroon ng FoI, na kaniyang pangako noong panahon ng kampanya. Binaligtad din ng Supreme Court ang naunang desisyon nito tungkol sa kaso ng mga tauhan ng PAL. Ano ba ‘yan?


Biglang about face din si Mar Roxas sa isyu ng VAT na noon ay kontrang-kontra siyang ipatupad. Kawawa daw ang mga gumagamit ng mga highway. Ngayon hindi na ba?


Lalambatin daw ng BIR ang big and small tax evaders. Ewan lang kung kabilang ang malalaking untouchables.


Iimbestigahan naman daw ngayon ang mga perang nagastos sa foreign travel ni Gloria. Sige, pagkaraan ng 2016, hindi malayong ang paglalakbay din ni PNoy ang maimbestigahan.


Nagbigay si PNoy sa Japan ng halagang one-million dollar. May pera naman daw ang gobyerno, sabi ng taga-pagsalita ng Malacañang. At may kapalit daw namang $1.4 billion investment sa Pilipinas. Aba, pangako pa lang ‘yon. May pera pala ang gobyerno bakit waring hindi naririnig ng mga nasa Palasyo ang pakiusap ng mga karaniwang naghahanap-buhay na isuspinde muna ang dagdag na singil sa LRT-MRT?


Tumaas daw ang halaga ng piso dahil sa planong 72-bilyong pisong economic stimulus na pinahayag ng gobyernong Aquino. Kaya tumaas nang kaunti ang halaga ng RP peso ay dahil tumaas din nang kaunti ang halaga ng US-dollar sa foreign market. “Yon ang totoo.


Good news kung ang Malacañang at Korte Suprema ay mananatiling magka-kontra. Bad, kung magkasangga dahil mawawala ang kalayaan ng bawat isa tulad ng nangyari noong panahon ng administrasyon ni Gloria.


Nagkaroon ng savings ang Korte Suprema dahil hindi nagtalaga ng mga karagdagang hukom na pinaglalaanan ng nabanggit na pondo. Kahit labag sa batas ay nais naman ng Malacañang ma-hijack ang pondo. Sa palagay ng Palasyo, baka uubusin lang ng SC sa dagdag na pasuweldo at bonus ng mga hukom at empleyado?


Ano naman ang motibo ng Malacañang na makamkam ang nabanggit na pondo. Sana linawin kung saan ilalaan ang pondo. Palpak kung para sa mga foreign travel ni PNoy tulad nina FVR at Gloria.


Wala daw doktor sa Pilipinas na makagagamot sa sakit ni Gloria, sabi ni Ex-FG, Mike Arroyo, kaya pupunta sa Germany. Ay, mga bobo ang Pinoy doctors?


Pinangunahan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagkundena ng mga senador kay US Ambassador Harry Thomas na nagsabing “40-percent of Philippine foreign male tourism is for sex”. Sinabing ang pahayag ay nakakasakit, walang pakisama at diplomasya. Humingi naman daw ng paumanhin si Mr. Thomas. Nabahag ang buntot, kasi baka mapilitang mag-alsa-balutan.


Hindi pinansin ni SP Enrile ang panibagong ugong ng kudeta sa Senado. “Ano mang oras, nakahanda ako sa papalit, salig sa pasiya ng majority senadors,” sagot ni JPE sa tanong ng mga reporter.


Sisimulan na daw ang “bawi-yaman” kay Gloria at kaniyang pamilya ng gobyernong Aquino. Naku, may maabutan pa ba? Hindi kaya naitakas na?


“PNoy has no word of honour,” sabi ni Bongbong Marcos. Ginawang Zarsuela lang daw ang pakikipag-usap sa kanilang pamilya tungkol sa paglilibing ng kaniyang ama. Sinayang ang pagkakataon sa pagkakaisa ng mga mamamayan, dagdag pa ng senador.


Ok ang hinahangad ng PNP na taasan ang parusa sa mga taong nahulihang may baril na hindi lisensyado. Dapat daw makulong nang walang piyansa. Oo naman. Eh kumusta ang kaso ni Presidential legal adviser Llamas? Kaya daw siya may limang baril, eh, may mga nagbabanta sa kaniyang buhay. Aba, kung natatakot ang mga bata ni PNoy, huwag nang maging kapit-tuko sa puwesto.


Binuhay ng magkabilang panig ng kongreso ang Cha-cha na hindi daw priority ni PNoy. Amyenda lang daw sa economic provisions ng 1987 Constitution na kailangan ng kasalukuyang panahon. Hindi sa pamamagitan ng con-ass. Kaparis lang sa pamamaraan ng karaniwang mga panukalang batas na pinagtitibay? Aba, dapat ding magbantay ang bayan, baka masingitan.


Ang mga spokeperson ng Malacañang ay hindi maingat sa kanilang mga sinasabi. Halimbawa ang sinabing kontra sa protesta ng mga estudyante sa isyu ng tipid na budget ng gobyerno sa SUC. “Asikasuhin na lang daw ang pag-aaral kaysa magsagawa ng kilos protesta.” Mali, waring binabale-wala ang student power. Alalahaning protesta ng mga estudyante ang naging mitsa noong 1986 EDSA revolution.

Katas

Tumaas ang popolaridad ni PNoy, ayon sa latest survey ng SWS. Indikasyon daw ng magandang pamamahala. Sa pangkalahatan, marami ang naniniwala na siya ay malinis, matapat, hindi kurap. Subali’t makuha din kaya ng pangulo ang mataas na antas kung ang mga tanong ay:

  • Bumuti ba ang kabuhayan ninyo ngayon kumpara sa nakaraang dalawang taon?
  • Nakakakain na ba kayo nang tatlong beses bawat araw?
  • Nakakapag-aral bang lahat ang inyong mga anak?
  • Napapanahon ba ang dagdag na singil sa MRT-LRT, at
  • Kailangan ba ngayon ang 12-percent VAT sa mga highway?

Sa limang tanong lang na ‘yan, malalaman kung tama ang lumabas na survey.

Kuwento

Hating-gabi ay tinawagan ng pasyente ang kanilang family doctor. Madalas at mahigpit daw ang kaniyang pag-ubo. Pinayuhan naman ng doktor na magpunta sa kaniyang klinika sa umaga. Nagkita nga sila. Sabi ng doktor, “ubo ka nang nang ubo pero tila maluwag naman.” Sagot ng pasyente, “kasi po nag-praktis ako hanggang umaga.”


Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhaynewspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback

1