Published on

    Nobyembre 1 -15, 2011

 

Ingat. Kailangang suriing mabuti ang Halloween-candies na nakalap ng mga bata.


Hiniling ng ilang old guards ng Liberal sa Manitoba ang pagbibitiw ng kasalukuyan nilang lider. Kung hindi magiging kapit-tuko, ang liderato ni Jon Gerrard ay maaaring hanggang sa 2013 na lang.


Sabi ni Paul Dewar, MP for Ottawa Centre, nakuha daw niya ang suporta ng mga haligi ng NDP dito sa Manitoba na pinangunahan nina Greg Selinger at Kevin Chief. Siya kasi ang kauna-unahang dumalaw dito. Kung si Brian Topp na dating presidente ng partido na nabalitang siyang front runner sa mga naghahangad ng liderato ay dumating dito, pagtaguan kaya nina Selinger at Chief? Marahil hindi.


Inuusisa ng Canada’s federal health authorities ang pagbebenta dito ng Chinese herbal na gamot. Nais matiyak kung ligtas at epektibo ang natural health product. Katungkulan ng federal mag-ayos sa pagbebenta ng mga gamot dito, subalit sa health care, bahala ang mga probinsya.


Ibinalita ni US Secretary  of State, Hillary Clinton, na pasisiglahin ang pakikitungo ng Amerika sa mga bansang nasa ibayo ng Pacific Ocean. Layunin daw maglatag ng partnership on economic, military and diplomatic investments sa Japan, South Korea, Australia, the Philippines and Thailand. Sinabing kailangang magbukas ng mga bagong pamilihan sa Asia for US to recover.

Sa Pilipinas

Piste, ang pinipilit na peace talk sa MILF ng gobyerno ni PNoy. Ang pamunuan pa ng AFP ang sinisisi ng presidente kung bakit napatay ang labing-siyam na sundalo sa Basilan. Ano ba ang ibig niyang mangyari, iwan na ng mga sundalo ang lugar? Sige, para maiwasan ang maraming sundalo na sumunod sa mga naging hinakdal nina Trillanes. As Commander-in-Chief, iwasan na sana ang turo-turong “iwas pusoy.”


Nabalitang madadalas ang gagawing pagbibisita sa Pilipinas ng mga US warship. Ang sangkalan ay humanitarian and disaster relief efforts. Hindi kaya ang layon ay para magpalakas ng puwersa ang Amerika sa Asia Pacific Region?


Naku, tiyak madadagdagan ang mga beer house na magiging hangout ng mga sundalong Kano at GROs kuno. Ambag ba ‘yon sa government’s economic stimulus ni PNoy? Sana hindi maulit ang mga katulad ng Nicole drama na nangyari noon.


Sabagay, sa hirap ng buhay maraming nangyayaring hindi maiwasan. Nawawalan ng halaga ang magagandang kaugalian. Kahit sarili ay for sale. Kapit sa patalim, sabi nga.


May mga nagmumungkahing ang banggaan ng Korte Suprema at Malacañang tungkol sa PAL isyu ay tuldukan na. Recall order ang punto ng SC, not flip-flop na akusa ng Palasyo. Payo ni SP Enrile, dapat pairalin sa mga constitutional body ng gobyerno ang respect and independence ng bawat isa.


 “Independence not a free pass on criticism,” sabi ng isang spokeperson ng Palasyo. Tama, pero ang higit na may kalayaan sa pagpuna ay mga pribadong columnist at komentarista. Ang papel nila bilang empleyado, as spokemen ng isang sangay ng gobyerno ay propagandista.


Dito sa Canada, ang mga mahistrado ay kapantay ng mga halal na opisyal sa executive and legislative branch ng gobyerno. Ang spokeperson ng Prime Minister’s office ay hindi umaatake at pumupuna sa ano mang desisyon ng Korte Suprema. Hindi sila arogante.


Nangako si Ombudsman Conchita Carpio Morales na uunahin ang malalaking kaso, kabilang ang mga hinaharap ng mag-asawang Arroyo. Anim ang reklamong plunder kay Gloria, tatlo sa Ombudsman at tatlo din sa DoJ. Si Mang Mike, sabit sa NBN-ZTE at PNP chopper deal.


Walang Pinoy doctor na maaaring makagamot sa taglay na karamdaman ng kaniyang asawa, “sabi ng former FG. Pinapayagan naman sila ng Palasyo at ni Speaker Sonny Belmonte na makaalis ng bansa. Dapat lang para hindi sila masisi. Ayaw daw ni Gloria na lumabas ng bansa. Baka akalaing hindi na siya babalik.


Ang airport ni Ninoy ay planong ibenta ni Mar Roxas at ilipat sa Clark Field, Pampanga. Pero sinabing kailangan munang mabenta ang NAIA at matuloy ang North Railways.

Bakit hindi na lang unahing ipaayos? May pera naman daw. Saan nga naman napupunta ang kinikita sa terminal fee na umaabot sa 8.5 milyon pisong cash bawa’t taon?


At bakit waring welcome sa Palasyo ang punang NAIA ay isa sa pinaka-worse na himpilan ng eroplano”? Ano ’yan, mind conditioning para sa milyon-milyong dahilan? Sabagay, dalawang taon na lang eleksiyon na naman.


Pormal nang inanyayahan ni Mar Roxas si DoJ Sec Leila de Lima na kumandidato sa pagka-senador sa ilalim ng Liberal Party. Pero teka, malamang mabiyak ang kanilang partido sa 2013 senatorial and local elections. Kasi, sabi ni Mar, kakandidato siyang gobernador sa lalawigan ng Capiz. Puntiryang maging Speaker na ngayon ay hawak ni Belmonte. Si PNoy ang maiipit sa bungguan ni Mr. Palengke at ni Lolo Sonny.

Katas

Si Ferdinand Marcos ay enemy of democracy at si Corazon Aquino naman ay icon of democracy. Sige. Sino ba ang nagbigay ng go-signal para magkaroon ng Martial Law sa Pilipinas? Hindi ba ang mga nakaupong opisyal sa Washington noon? Tinangka ni Marcos na disiplinahin ang mga pasaway. Ang mga nais magbagsak ng gobyerno ay pinakukulong. Sina Marcos at Tita Cory ay parehong may human right violations noong panahon ng kanilang panunungkulan. Kapuwa naman nila tinatatuwa. Hanggang ngayon, marami pang nakakulong na sabi’y mga political prisoner. Noong panahon ng Martial law ay maraming maybahay na natutuwa. Ang mga pabayang asawa ay natutong umuwi nang maaga. Walang gaanong standby na mga kabataan sa kalaliman ng gabi.

Ang Taiwan ay naging modelo sa land reform dahil diktador ang namumuno. Bigo sa Pilipinas dahil hinarang ng mga may malalaking lupain. Mahalaga ang desiplina na nawala sa Pilipinas dahil sa palpak na demokrasya. Lahat ay malayang gumawa ng masama tulad ng graft and corruption na naging cancer ng lipunan.

Gumanda ba ang buhay ng mga Pinoy sa panahon ng Mama ni PNoy? Noon nagsimula ang brownout na tumatagal mula tatlo hanggang apat na oras. Nagsimula ang paghihikahos at madilim na kinabukasan ng maraming Pinoy. Dumami ang gahaman at matakaw sa pera. Ang mga namunong sumunod kay Tita Cory ay wala ring nagawa. Lumubha ang kalagayan at kabuhayan ng mga mamamayan. Lalong lumaki ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Patuloy na humahaba ang pilahan sa bigas. Kumalat ang mga baril. Nagpista ang mga carnaper, kidnapping for ransom at iba pang uri ng kriminalidad. Ang mga tao ay nagkaroon ng kalayaang pumatay ng kapuwa kaya maraming nagsialis at nanirahan sa ibang bansa. Marami ding nagtawid-dagat para humanap ng ikabubuhay. May nabiyak na mga pamilya ng OFWs. Mga pulis ay nasasangkot sa panloloob at panghaharang. Lalong lumubha ang graft and corruption sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Naku, marami pang mga hindi kanais-nais na nangyayari. Kulang ang pitak na ito para mapaalala ang iba pang mga pangyayari noon at ngayon. In short: hindi tunay na demokrasya ang umiiral sa Pilipinas. Disgrasya!

Kuwento

Pauwi na ang mag-asawang nanggaling sa dinidinig nilang kaso sa korte. Biglang nag-warning ang kanilang kotse, “check oil level. Sabi ni Misis, “naku ang kotse mo, parang mga tao doon sa korte. Bilanggo ka pag-nagkulang sa langis?”


Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhaynewspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback

1