Published on

    Disyembre 1 - 15, 2011

 

Ramdam na ang simoy ng Pasko at Holiday season. Ingat sa pagkain. Kung aabusuhin, nakakamatay din.


Hinikayat ang mga may-ari ng mga sasakyan na sumakay sa Winnipeg Transit para daw makatipid sa gas. Planong itaas naman ang pamasahe sa transit na madalas delayed ang dating lalo na kung winter. Nangangatal na ang baba at nag-iinit na ang taynga mo sa hintayan, wala pa.


Ang Liberal Party ng local at national level ay nakaratay pa sa political bed. Malalaman sa June 2013 convention kung may palatandaang makabangon.


Ang recession sa Europe ay maaaring makadagdag sa problemang pangkabuhayan ng Amerika. Nagkakagulo pa rin sa Ehipto. Sa siyudad ng Cairo ang sentro.

Feedback

Heto ang ilan sa mga huling aking natanggap:

  • Kaka, tama hinihigpitan na ang pagtanggap ng mga immigrant dito. Ginagawa pang paraan para kumita ang gobyerno, huwag na pong banggitin ang ngalan ko.

  • Habang lumalaon patuloy akong nahu-hook sa iyong mga komento. Okey ka. – Ness.

  • Huwag kang mag-sorry kung ang pagkakamali ay honest mistake. Tao ka rin. – Saudi-boy

  • Nabalitaan ko ang inyong surgery dahil sa Pilantik.Magpagaling po kayo. Hihintayin namin ang susunod mong (Pilantik) Kaka, Mabuhay ka.” – Rico.

  • Kaka, noon si GMA at kaniyang mga kakampi ang pinipilantik mo.Ngayon si Noynoy naman. Kangino ka ba talaga?

Naku, wala akong kinakampihan, Sariling damdamin lang. Ang totoo, mula nang marinig ko ang Hello Garci Tape at I am sorry ni Gloria, nag-alinlangan na akong tawagin siyang former president. Mas angkop ang former Malacañang resident.

Sa Pilipinas

Libang na libang ang maraming Filipino sa political drama na ang mga pangunahing karakter ay sina Gloria, Leila, PNoy at Rene. Natabingan ang mga pagkukulang ng gobyerno na masolusyonan ang problema ng mga taong nagugutom at walang mapasukang trabaho.


Dahil sa planong travel ni Gloria, nabuhay ang dating personalan nina Pres. Aquino at SC Chief Justice Renato Corona. Ang executive at judiciary ay parehong nabukulan. Naiwasan sana kung hindi naging pabaya si PNoy. Napilitan tuloy magmadali sa huli. Si Rene ay naging pabigla-bigla naman. Hindi muna tinawag ang SC sa en banc session.


Nasabit din ang COMELEC. Katulad din noong panahon ni Ben Abalos. Sunod-sunuran daw sa kumpas ng Malacañang? Ang mga tuta ni PNoy sa lower house ng Kongreso ay nakaabang. Naghihintay ng senyas kung nais impeach ang SC Chief Justice.


Si Gloria ay inuusig ng batas na gawa ng tao. Parusahan kung nagkasala. Dapat ba siyang makaranas ng malupit na pagtrato mula sa kamay ng mga nagpapanggap na kristiyano?


Nabalitang ang spokesperson ng DND, Zosimo Paredes ay nag-resign. “Nasabon” daw ni AFP Sec. Voltaire Guzman dahil sa sinabing, “revolutionary government is among Pres. Aquino government options to restore order in the country?” Ay naku, isa pang biktima sa pagsasabi ng katotohanan? Posible dahil si Tita Cory ay nagdeklara din noon ng revolutionary government?


Sabi ni Rep. Iggy Arroyo, mas takot daw siya kay PNoy kaysa kay Marcos. Ang Aquino government daw ay mas grabe kumpara sa pinatupad na martial law noon?


Kupas nang drawing ang pinag-usapan ni Hillary at PNoy na mutual defence at economic ties ng Washington at Maynila. Mula pa sa Laurel-Langley Agreement hanggang RP-US Mutual Defense Treaty, laging dehado ang Pilipinas.


Ang ika-19th APEC meeting na ginanap sa Hawaii “will help solve Philippine problems,” sabi ni PNoy. Naku, daan-daang pangako ng US officials ang narinig na noon. Kailangan pa bang asahan sila ngayon? Sayang ang panahon at perang naaksaya sa pagdalo ni Noynoy doon.


Nakatabi lang ni PNoy si Barack sa isang salu-salo sa Hawaii, ang mga pakakak ng Palasyo eh kinilig na. Nagkaroon tuloy ng bibig ang mga kritiko. Amboy daw si PNoy.


At nagmalaki doon. Ang Pilipinas daw ay may sapat nang bigas ngayon? Hindi na kailangang mag-import? Aba, wala pang isang linggo, binalita ni DA Sec. Proceso Alcala na ang Pilipinas ay kailangang umangkat ng mga lima hanggang walong-daang-libong metriko tonelada ng palay (un-milled rice) para sa 2012. Hindi kaya tumaas ang blood pressure ni PNoy?


Sabi pa, ang Pilipinas daw ay magiging isa sa pangunahing natural gas producer dahil sa pagkakatuklas ng Malampaya gas field sa Spratly Islands? Bakit, wala na bang conflict sa lugar na inaangkin din ng China? Sabagay, ok lang ang mangarap, lalo na kung sa Bahay-Pangarap ng Malacañang nakatira.


Tutuparin daw ng Malacañang ang utos ng Korte Suprema na isauli sa mga magsasaka ang kanilang mga lupa na bahagi ng Hacienda Luisita ng mga Cojuangco-Aquino. Oo naman. Kaya lang baka “magatasan” din ang DAR.


Karaniwang sinasabi ng mga abogado at justices ang due process. Ano bang hayop ‘yon?

Ang Maguindanao massacre ay may dalawang taon na eh. Muling malungkot ang Pasko ng mga naulila.

Katas

Maaaring mahaba o maikli ang panahong magugugol ng on-going political-drama sa Maynila. Maaaring about 6-years, more or less, tulad ng dalawang naging kaso ni Erap. Sinimulan noong 2001. Not guilty sa perjury pero convicted sa plunder noong 2007. Madadali kung mababraso ni PNoy ang mga korteng pagdadaanan.

Sa first round, bida si PNoy. Naaresto at napakulong si Gloria. Ano man ang maging resulta ng dinidinig na kasong electoral sabotage against Mrs. Arroyo sa Pasay City Regional Court, ang akusado at depensa ay may layang makapagharap ng reconsideration. Susunod ay apela sa Court of Appeal. Gayun din ang magiging senaryo hanggang makarating sa Supreme Court for final verdict. Malamang sa mga panahong ‘yon ay ex-president na si Noynoy.

Halatang mainit ang dugo ni PNoy kay Rene Corona. Sa ngayon, maaaring tanggap ‘yon ng mga maraming galit kay Gloria. Kung ang mala-diktador na mga kilos ni PNoy ay hindi maiiwasan at pagtatakpan niya ang mga kurap na opisyal noon na kakampi niya ngayon, posibleng siya naman ang makasuhan kung wala na siya sa kapangyarihan. “History may repeat itself.”

Kuwento

May mga joke na kumakalat sa Greater Metro Manila Area tungkol sa alegasyong planong pagtakas daw ni Gloria at kaniyang asawa. Sabi daw ni PNoy, “Kung gusto nilang tumakas, huwag silang dumaan sa airport ng Daddy ko. Ang gamitin nila ay ang airport ng Tatay nila sa Pampanga. Isa pang joke: Gusto pala ni Gloria na dumaan sa NAIA-1 sana ang ginamit niyang pangalan, eh, Ramona.


Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhaynewspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback

1