Published on

    Enero 16 -31, 2012

 

Nararamdaman pa rin hanggang ngayon ang iniwan ng nagdaang taon sa buhay ng mga tao. Okey sa may mga trabaho, pangit sa mga nawalan. Masama ang nagaganap na kaguluhan sa mga bansang Arabu, tag-gutom at dulot ng kalikasang lindol, tsunami, bagyo’t baha sa maraming dako ng mundo.


Nanghihinayang ang ibang hindi nakadalo sa December 18 meeting ng PCCM. Balita daw, maraming gustong maging bida. Opo, at naroon nga ‘yung nagsabi noon na ako daw ay komentaristang laos. Marahil may iba siyang manok dahil nang si Lito Taruc ang muling nahalal na presidente ay biglang nag-resign. Hindi na raw dito sa Winnipeg nakatira, pero pumapapel pa ang nabalitang naglalako dito noon ng maasim at mapaklang makopa.


Ang gobyernong NDP sa Manitoba ay halatang kinakapos ng pera. Park entrance fee na malaong libre, ngayong 2012 ay hindi na. Malapit sa isang bilyong dollar ang deficit sa librong ang pangako ay mabalanse sa 2014? Sakaling pilitin, wage earners ang malamang gatasan via tax increase?


Tahimik pa ang Ottawa sa maraming reklamong reaksiyon tungkol sa Super Visa ng mga lolo’t lola. Samantala, ang papeles ng mga bagong applikante for provincial nominee program, naayos na sa probinsya ay kailangang dumaan pa muna sa Sydney, Nova Scotia bago ipadala sa mga embahada ng Canada sa iba’t ibang bansa. Ano yan, delaying tactic?


Winter weather condition ang kalagayan ng PC sa Manitoba. Si Hugh Mcfadgen pa rin ang pinuno hangga’t wala pang napipiling kahaliling leader.


Unti-unti nang nakakabalik ang mga nawalan ng trabaho sa Amerika habang umiinit ang Republican primaries for US presidential elections sa darating na Nobyembre. Sa ngayon ay sina Mitt Romney, Ron Paul at Rick Santorum ang nabalitang top contenders.

Sa Pilipinas

Ang foreign debt ng bansa sa nakaraang tatlong buwan, ayon sa BSP ay umabot na sa $62.4 billion. Lumaki kahit hindi tunay na inutang. Bumabang halaga ng US dollar sa foreign market ang dahilan. Nasabi ko na noon sa pitak na ito, ang pera ng mga bansang nakatali sa US dollar, laging apektado sa pagtaas at pagbaba ng US currency.


Tama si PNoy. Habulin at kasuhan ang mga kurap na opisyal ng nakaraang administrasyon. Tiyakin lang na hindi lumilihis sa matuwid na sistemang nakatadhanna sa konstitusyon.


Sa Malacañang daw binalangkas ang nabalitang shortcut impeachment against Corona? Ang mga kongresistang nagsipirma na hindi nabasa ang nilalaman ay inakalang binigyan ng pabuya? Kung totoo, hindi rin pala siya malinis. Corruptor of the legislators? Ala-Gloria?


Pinatulan ni Edwin Lacierda ang sinabi ng isang psychic, “maaaring hindi matapos ni Pres. Aquino ang kaniyang term of office.” Huwag daw paniwalaan. Oo naman, hula lang ‘yon. Aba, ang taga-pagsalita ng pangulo, eh, tila natatakot mawala sa palasyo?


Nagbabala si Pres. Aquino tungkol sa terror attack na maaaring mangyari sa panahon ng kapistahan ng Black Nazarene, pero may mga bumabatikos. Palpak daw. Ano ba ang masama sa panawagan ni PNoy? Inaalala ng presidente ang kaligtasan ng mga tao. Dapat siyang purihin sa halip na kantiyawan.


Nasa poder na ng Senado ang impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Sa body language ng mga mahistradong senador ay mahahalata kung sila’y madadala ng trial by publicity laban sa akusado. Malalaman din kung iiral ang tunay na merito ng magiging hatol sa kaso. Walang duda na si SP Juan Ponce Enrile na siyang punong mahistradong senador sa impeachment case ay magiging patas. Isang pagkakataon na mag-iwan ng magandang legacy sa katapusan ng kaniyang termino.


Aba, may Plan-B daw ang Malacañang para mapalitan si Corona kung acquitted by the Senate, ayon sa spokespersons ni PNoy na sina Edwin Lacierda at Abigail Valte. Ha, anong plano? Kopyahin ang walkout at mob rule noon na nagpatalsik kay Erap at nagluklok kay Gloria sa palasyo? Naku, malabo na ‘yon. Malaking gulo kung mangyari. Pero teka, ’yon nga kaya ang motibo para gawing dahilan ni PNoy sa pagdedeklara ng gobyernong rebulusyonaryo?


Sa totoo lang, nakakalungkot isipin kung muling magkaroon ng batas military sa Pilipinas. Subali’t tunay na nakakabahala dahil ang mga nakatalagang matataas na opisyal ng AFP, PNP at ibang nasa poder ngayon ay produkto ng Martial Law. Magugunitang ang pinairal na pamahalaan ni Tita Cory, nanay ni PNoy ay revolutionary government.


May delicadeza si Associate Justice Antonio T. Carpio kung totoo ang balitang isa siya sa dalawang mahistrado ng korte suprema na maaaring magbibitiw sa taong ito. Kasi, lagi daw nababanggit ni PNoy na siya ang gustong maging Chief Justice. Ang law firm ni Carpio ay taga-payo ni DOTC Sec. Mar Roxas, ayon sa balita.


Atat-na-atat ang mga opisyal sa palasyo sa mga ari-arian ni Corona pero malamig sa assets ni Associate Justice Carpio? Teka, ang mga congressmen-prosecutors ni Corona, eh, hindi rin pala nagpapakita sa publiko ng kanilang statement of assets, liabilities and net worth. Hindi sila tumulad sa mga senador na tumupad sa batas at may malinis na record, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism. Pakapalan na lang ba ng mukha?


Abangan ang telenobela ng maanumalyang NBN/ZTE deal na ang mag-asawang Gloria at Mike ang pangunahing nasasakdal. Hiniling ni Jun Lozada kay Romulo Neri na sabihing lahat ang kaniyang nalalaman tungkol sa kaso.


Nagbabala daw si Drilon? Sabi’y nabibilang na ang mga araw ni Sen. Juan Ponce Enrile as senate president. Naku, malabo pa ‘yon sa ngayon. Manapa’y after the 2013 elections, kung ang Liberal Party ni PNoy ay maraming maipapanalong senador.


May go-signal na raw ni PNoy ang Freedom of Information bill. Pag-uukulan pa rin daw ng Senado ang deliberasyon sa panukala sa kabila ng ginagawang pagdinig sa impeachment case. Mabuti naman. Dapat ding alamin kung bakit matagal na binuro?

Katas

Sa kaniyang New Years message, sinabi ni PNoy na maganda ang naging resulta ng kanilang pamamahala sa nakalipas na 18 buwan. Nakaahon na raw sa hukay ng corruption at kahirapan ang bayan. Marahil ang nasa isip niya ay nasampahan ng kaso ang mga Arroyo, napa-hospital arrest si Gloria at napa-impeach si Chief Justice Renato Corona? Sa akala kaya niya:

  • Makakabusog sa maraming nagugutom at nadagdagang naghihirap ang mga kaso nina Gloria at Corona?
  • Maraming naniniwala na nabigyan nila ng hanapbuhay ang maraming walang makitang trabaho kaya natitigil sa pag-aaral ang kanilang mga anak?
  • Hindi dahil sa kahirapan kaya may pulis-kotong, car-napping, kidnapping at kurapsiyon sa mga ahensya ng gobyerno?
  • Natutuwa ang mga magsasaka at mangingisda na ang kanilang kapakanan ay pinagpapalit sa importasyon ng bigas, karne, gulay at mga de-latang isda?
  • Ang higit na maraming tao ay naniniwalang maganda nga ang kanilang pamamahala gayung sa 2011 ay may nadagdag pang pitong journalist sa listahan ng mga napapatay?

Mahal na pangulo, ang maganda po ay matapat na ulat ng inyong accomplishments at sana’y walang anino ng political vendetta.

Kuwento

Bagong kasal. Sabi ng babae,
“Ako lang ba walang iba pang mahal mo?”
“Mayroon pa, pero wala na siya.” tugon ng lalaki.
“Naku, spare tire lang pala ako,” agaw ng nagtatampong babae.
“Hindi naman, limang taon na siyang wala,” sagot ng lalaki.
“Teka, kung namayapa na, eh, ano ba ang pangalan?” Malungkot na usisisa ng babae.
“Purita,” agaw ng lalaki.
“Ah, kapangalan pa ng Nanay mo? Malumanay na sabi ng babae.”
“Kaya nga pupunta tayo mamaya sa simenteryo para dalawin ang kaniyang libingan,” nakangiting pahayag ng lalaki.

Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback