Published on

    Pebrero 1 -15, 2012

 

Pag-ibig na bukal sa ubod ng puso ihandog sa Diyos bago sa sarili, sa kapuwa at sa bayan.


Mabuhay. Maligayang-bati kay Flor Marcelino na muling hinirang ni Premier Greg Selinger sa kaniyang gabinete as Minister of Culture, Heritage and Tourism.


Heto ang isa sa e-mail na pahatid ng ayaw magpabanggit ng kaniyang pangalan. “Kaka, buti pilantik na lang ang nilalaman ng iyong column. Kung detalyado tiyak na lalong mahapdi ang magiging latay. Lagi kong sinusundan, so keep it up.


Maraming nakababasa ng Pilipino Express News Magazine sa Internet. Hindi ko mabanggit ang mga feedback. Kasi pawang mga paborable. Baka akalain ng iba na binubuhat namin ang aming sariling bangko.


Hindi pa malinaw kung ano ang magiging papel ni Tyndal Park MLA Ted Marcelino, na ating kababayan sa newly created Priorities and Planning Cabinet Committee. Pangunahing layunin ng PPCC ay matukoy ang mga unang dapat pag-ukulan ng pansin at magplano para sa matagumpay na implementasyon. Sa ngayon, nakatuon daw ang mga priyoridad ng NDP provincial government sa families, economy, jobs, health care, education and crime prevention.


Tahimik ang Manitoba Liberals samantalang the Federal Party is rebuilding. Si Mike Crawley ang nahalal na presidente. Marahil si Bob Rae na rin ang mapiling leader.


Binukya ni Barack Obama ang Keystone Pipeline project na magbibigay ng libo-libong trabaho hindi lang sa Canadians kundi maging sa mga Amerikano. Malaki pa rin daw ang pag-asang matuloy ang proyektong pipeline na dadaanan ng langis mula sa Alberta hanggang Texas.


Ang Canada na ang turing ay World’s 10th largest economy ay bahagyang apektado na raw ng Euro crisis. Ang balita ay wake up call para sa ating lahat. Kailangan ang kaunting paghihigpit ng sinturon. Nagbawas na ng pondo for health care ang Harper government. Ang mga probinsya ay malalatayan ng nagbabantang resesyon.


Nabuhay ang nasyonalismo sa Amerika dahil sa naranasang tag-hirap na kabuhayan. May kampanya ngayon na mabalik sa bansa ang mga kompanyang lumayas nang pinairal ng gobyerno ang free trade. Pati ang mga call-center sa Pilipinas ay hangad ibalik sa US. Naaagawan daw kasi ng trabaho ang mga Kano?

Sa Pilipinas

Ang national economy ay sisinghap-singhap na sa dagat ng kahirapan. Kusang lulubog kung patuloy na mapapabayaan dahil sa nagaganap na bangayan ng executive and judiciary levels of government. Sa nakaraang 20 buwan ang isip ng mga mamamayan ay binusog sa pag-asa at mga pangako, hindi sa pagkain na kailangan ng sikmura.


Sa survey ng SWS noong nakaraang Disyembre, 9.1 milyong Pilipino ang nagsabing sila’y nananatiling mahirap. Taliwas sa New Year’s message ni PNoy na sabi’y “tayo ay nagkaroon na ng malaking pagbabago. Unti-unti na tayong nakakaahon sa kahirapan.”


Noon pang nakaraang taon, may nakasulat na raw mungkahi ang mga lokal at dayuhang negosyante kung papaano mapapaunlad ang kabuhayan ng Pilipinas. Tinawag nilang ARANGKADA, subali’t ang nangyayari ay usad-pagong. Naaksaya ang mahalagang mahabang panahon dahil ang Malacañang tenant ay gigil na gigil daw kay Corona?


Nagkaroon ng biglang pagbisita sa Pilipinas nina US Senators John McCain at Joe Lieberman. Nakipagkita kay Pres. Aquino pagkaraan nang isang araw masimulan ng Senado ang Corona impeachment. Bukod sa nabalitang interesado ang Washington for a fair trial sa kaso ni Corona, wala kayang mas mahalagang layon ang biglaang pagdating sa Maynila ng dalawang senador? Sana, history will not repeat itself.


Hindi lang Chief Justice ang nililitis sa impeachment tele-drama. Ang presidente, mga mahistradong-senador at mga kongresista ay damay din. Mahahalukay at sisingaw ang kanilang baho, kung ang pagbabatayan ay ang kani-kanilang SALN.


Hayan, kung totoo ang binalita ng GMA News TV na batay sa SALN ni PNoy, nag-triple ang kaniyang Networth mula nang maging presidente? Kung bubusisiin ang kaniyang SALN mula noong 2006 hanggang 2010, waring kapani-paniwala ang mga nakasulat? Tulad sa dalawang parsela ng lupang sakahan sa Concepcion at Capas, Tarlac. Hindi maliwanag kung totoong minana nga o binili? Sa isyu ng pagpapayaman ay pinag-iinitan ng mga prosecutor ang SALN ni Corona, pero paano na ngayon ‘yan, ang SALN ni PNoy ay kaduda-duda rin pala?


Kung baga sa baseball, si Corona ay nakaranas na ng tatlong strike. Budget cut sa SC, verbal abuse and impeachment. Hindi malayong ma-strike out ng power of the purse and pork barrel ng Palasyo? Delikado dahil may mga mahistradong senador na re-eleksiyunista. Kung hindi man lahat, baka bumigay ang iba. Kasi’y para mabalik sa senado, kailangan nila ng campaign funds for 2013 elections?

Katas

Matigas na itinanggi ni PNoy na may hibong vendetta ang impeachment case sa Senado. Wala raw kinalaman ang Hacienda Luisita sa Corona trial? Subali’t nasa papel pa rin ngayon ang pangako ng Malacañang na susundin ang utos ng Korte Suprema. Nakabagak dahil sa mga hinihinging kondisyon sa pagsasauli ng lupa.

May 25 taon na halos ang nakaraan nang mangyari ang Mendiola massacre ng mga magsasaka noong si Tita Cory pa ang nasa Malacañang. Ang hustisya ay hinahanap pa hangga ngayon ng mga maralitang naulila. Ang mga Aquino-Cojuangco noon ay kasama pa ng mga Arroyo sa sapakatan ng pagpapatalsik kay Pres. Estrada.

Dahil sa isyu ng dayaan sa eleksiyon noong 2004 ay nagkahiwalay ng landas sina Gloria at Tita Cory. Nanawagan ang nanay ni PNoy na mag-resign si Gloria. Si Ate Glo ay nagsabing “I am sorry” subali’t may mga nagpayo daw na huwag, kaya hindi nanaog sa Palasyo.

Noong 2005, inayunan ni Gloria ang mungkahi ng kaniyang DAR secretary na ang mahigit sa apat na milyong ektaryang lupa ng dating TABACALERA noong panahon nang Kastila na ngayo’y Hacienda Luisita ay ibalik sa may mahigit na six thousand farmers. Naghain ng reconsideration ang Hacienda sa Korte Suprema. Si Associate Justice Peresbitero Velasco, Jr. ang sumulat ng ponencia na inayunan naman ng labing-apat na mahistrado, kasama si Corona. Si Velasco ay isa sa dalawa pang mahistradong nais ni PNoy na mapalitan.

Sangkalan ang bintang na corruption at dayaan sa halalan noong 2004 kinasuhan si Gloria at ngayon ay under hospital arrest.

Si presidente Aquino at kaniyang mga kamag-anak na may-ari ng Hacienda ay waring nawalan na nga ng magagamit na paraang maharang ang desisyon ng Korte Suprema.

Pagkaraan ng halos 15 days, nangyari na ang impeachment kay Corona. By hook or by crook kailangang mapalitan ang Chief Justice? Wala nga bang vendetta? Abangan ang isang senaryo ng “It is fun in the Philippines.”

Kuwento

Marami daw hindi maintindihan ang English na deliberasyon sa impeachment. Tulad sa Palengke: “Ano ang kahulugan sa Tagalog ng railroaded?,” tanong ng Tindera. “Wala yatang katumbas ‘yon. Ang intindi ko d’on eh, Tupas,” sagot ng kausap.

Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback