
Opinions
![]() |
Diwata: ang mahiwagang babae |
Marami kaming natanggap na feedback mula sa ating mga mambabasa ng Pilipino Expresspagkatapos nilang mabasa ang isinulat ni Noel Lapuz sa kaniyang column na Batang North End na may pamagat na Ang babaeng mahiwaga at ang donation sa mga bata sa Pilipinas.
Kung sakaling hindi ninyo nabasa ang naturang column ni Noel sa ating nakaraang isyu, iyon ay tungkol sa isang babae, kababayan natin, na nanghihingi ng pera o donasyon na, ayon sa kaniya, ay para sa mga “nagugutom na bata sa Pilipinas.”
Sa aking palagay, tama ang pagtawag sa kaniyang “mahiwagang babae” dahil wala sinuman sa Winnipeg ang makapagsabing kilala o kaibigan siya.
Dalawang magkapatid, sina Tess at Nancy, ang nagkaroon ng pagkakataong makunan ng litrato ang “mahiwagang babae” nang muling nakita at nilapitan sila nito sa Winnipeg Square nitong nakaraang Marso.
Bakit nila kinunan ng litrato?
Kasi, ang mahiwagang babae ay naka-enkuwentro na ni Nancy sa Portage Place wala pang isang linggo ang nakaraan. Lumapit siya kay Nancy, humingi ng pera at sinabing ang pera ay ipadadala sa isang foundation para sa mga nagugutom na bata sa Pilipinas. Palibhasa ay nakulitan na si Nancy, dumukot siya ng toonie sa kaniyang bulsa at ibinigay ito sa mahiwagang babae. Nang makita ang toonie, magiliw na sinabi ng mahiwagang babae, “Baka puwede ninyong dagdagan? Puwede kayong mag-withdraw sa ATM…” Sa puntong ito, nagduda na si Nancy dahil imbis na magpasalamat sa toonie, nanghingi pa ng dagdag at itinuro pa siya sa isang bank machine.
Nang lumayo na ang mahiwagang babae, napansin ni Nancy na lumapit ito sa iba pa nating mga kababayan na naglalakad sa Portage Place. Sinasalubong sila ng mahiwagang babae, kakausapin, may ipinapakitang papel, at malamang ang sinasabi’y kapareho rin ng sinabi kay Nancy. May mga kababayang hindi siya pinansin at nakita ni Nancy na sumimangot ang mahiwagang babae pagtalikod niya sa mga taong hindi nagbigay. Subalit marami ring nagbigay ng pera at kada abot ay inilalagay ng mahiwagang babae sa kaniyang shoulder bag. Minatyagan pa ni Nancy ang mahiwagang babae at nakita niyang may kasama itong isang babae na naghihintay sa may exit ng Portage Place. Lalong nagduda si Nancy. Sino kaya ang mahiwagang babae, naitanong niya sa sarili.
Makalipas ang ilang araw, naglalakad si Nancy at si Tess sa Winnipeg Square. Bandang hapon noon. Muling lumapit ang mahiwagang babae kay Nancy. At dahil nagdududa na nga si Nancy, naisip nilang kunan ng litrato (gamit ni Tess ang kaniyang cell phone) upang ipagtanong sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan kung naenkuwentro na ba nila ang mahiwagang babae at kung nahingan din ba sila ng pera nito.
Sa mga napagtanungan nila, may mga nagsabing inabangan at hiningan sila ng pera ng mahiwagang babae sa iba’t ibang lugar – mayroon sa Polo Park, Grant Mall, Garden City Mall, St. Vital Mall at sa iba’t ibang grocery, tulad ng Young’s (kaparis ng naging karanasan ni Noel) at sa mga bangko na may ATM machines. May mga nagsabing pagkatapos nilang magbigay ng barya, kapareho ni Nancy, ay hiningan pa sila ng dagdag. May mga tumangging magbigay at ang sinabi sa kanila ng mahiwagang babae ay, “Galing kayo sa grocery, may pera kayong pambili…” o kung galing naman sa bangko, “Galing kayo sa bangko, siguradong may pera kayo…”
Isa ako sa mga napadalhan ni Tess ng litrato ng mahiwagang babae. Napagkasunduan namin ni Tess na i-post ito sa Facebook at tingnan kung mayroong kaparehong karanasan sa mahiwagang babae ang mga Facebook friends. At tama ang hinala namin, marami na nga. Sa daan-daang nag-respond sa Facebook post ay wala kahit isa ang may alam kung sino ang mahiwagang babae at kung lehitimo nga ba ang kaniyang charitable organization.
Kilala ang ating community sa pagiging close-knit. Kahit na marami na ang mga bagong mukhang nadagdag sa ating populasyon ng Filipino-Canadians dahil sa MB Provincial Nominee Program, kahit papaano, may nakikitang koneksyon ang bawat isa sa mga matagal nang taga-rito – maaaring kamag-anak ng katrabaho o kaibigan ng kamag-anak ng kapitbahay o gaano man kalayo ang koneksyon, basta may koneksyon.
Sino ang mahiwagang babae? Isa rin ba siyang immigrant na katulad ng marami sa atin? May pamilya ba siya rito? May trabaho ba siya?
Marami na siyang nilapitan at marami na ring nakakita sa kaniya, kung saan-saan dito sa ating lunsod, subalit wala kahit sino man sa atin ang makapagsasabi na kilala siya.
May feedback din tayong natanggap mula sa kababayan natin sa Steinbach. Nakita na rin nila doon ang mahiwagang babae at mga kasamang mahihiwagang kakutsaba. Katulad ng ginagawa sa Winnipeg, nanghihingi rin ng pera at kapag barya lang ang ibinigay ay humihingi pa ng dagdag. At may mga nagreklamo na laban sa kanila, ayon pa sa ating kababayang taga-Steinbach, noong nagpunta sa loob ng Superstore ang mga mahihiwagang barkada ay pinaalis sila ng security. Ini-report na nila ang mga ito sa RCMP.
Ini-report na rin ito ni Tess sa Winnipeg Police. Ang payo ng pulis: huwag magbigay ng pera, iwasan ang confrontation at kung sa palagay mo ay namimilit (aggressive panhandling) ay tumawag tayo sa 311 o kung sa mall naman ang insidente ay tumawag agad ng security guard. Ito ay para ma-identify at para magkaroon ng record sa pulis.
Isang kaibigan ang nagsabi kay Tess na tinabihan siya ng mahiwagang babae sa bus at doon siya hiningan ng donasyon. Dahil mahaba-haba ang oras nilang magkatabi sa upuan ng bus, naitanong niya ang pangalan ng mahiwagang babae. Mas lalong mahiwaga ang kaniyang sagot. Ang kaniyang pangalan daw ay Diwata at ang pangalan ng foundation na ipinanghihingi niya ng donasyon ay Children’s Joy Foundation.
Nang malaman ito ni Tess ay nag-google siya tungkol sa foundation. Mayroon nga itong website at naka-base sa Pilipinas. Mayroon silang toll free number at doon napag-alaman ni Tess na may opisina ito sa Surrey, BC. Tinawagan niya at mayroon namang sumagot. Inamin ng sumagot sa telepono na may mga volunteers silang nanghihingi talaga ng donasyon sa mga tao at sila raw diumano’y rehistradong charitable organization sa Canada Revenue Agency (CRA). Nang nag-check si Tess sa CRA, nadiskubri niyang nagsinungaling ang taga foundation – hindi sila “registered charity” sa Canada. Mayroon lang silang “Not for profit” registration number sa CRA. Sa ngayon, iniimbestigahan na ng CRA Enforcement Unit ang gawain ng naturang foundation dito sa Canada.
Ayon kay Tess, napag-alaman din niya na ang Children’s Joy Foundation ay isa lamang sa maraming proyekto ng isang movement na pinamumunuan ng isang tinatawag na Pastor Apollo Carreon Quiboloy. Ayon sa Wikipedia:
Apollo Carreon Quiboloy is the founder and leader of the Philippines-based Restorationist Christian church, the Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name, Inc. He has made claims that he is the “Appointed Son of God."
“Napakaraming balita sa Google at features sa YouTube tungkol sa sektang ito at sa kanilang leader… mayroong mansion, private jet, limo at luxurious lifestyle ang kanilang leader… totoo kayang ipinapadala ni Diwata ang kanilang nalilikom na donasyon o ibinubulsa lang nila ang pera?” Pahabol pa ni Tess, “Either way, parang lokohan pa rin ito, di ba?”
Ito ang kasaysayan ni Diwata, ang mahiwagang babae na patuloy pa rin ang kahiwagaan hanggang ngayon. Nasa sa atin na kung magbibigay tayo ng donasyon o hindi. Puntahan ninyo sa internet at saliksikin ang pangalan ng kanilang leader at alamin nating mabuti kung karapatdapat ba o hindi na bigyan ng tulong.