
Opinions
By Norman Aceron Garcia
Paunang salita mula sa Editor: Malugod naming ipinapakilala sa inyo ang Sulong Pinoy, ang pinakabagong column dito sa Pilipino Express. Ang column na ito ay isusulat ng mga bumubuo ng Sulong Triathlon Group (STG). Alam namin na maraming makikinabang sa mga kaalamang ibabahagi sa ating lahat ng STG sa pamamagitan ng Sulong Pinoy na palagiang mababasa ninyo sa inyong paboritong babasahin, ang Pilipino Express. – Ed.
Bike-to-run transition ni STG President Dennis Flores sa Bird’s Hill Duathlon Series, May 14, 2013. (Larawan ni Jullie Quijano)
Francis Gerard Maramag (edad 8), Mervin Rafayel Maramag (edad 12) at Mervin Maramag (Treasurer) sa Tri-Factor Family Duathlon, June 2, 2013. (Larawan ni Nicollette Maramag)
Pagwagayway ng ating bandila sa Bird’s Hill Duathlon Series, May 14, 2013. (Larawan ni Nicollette Maramag)
Cycling training nina Dan Carlo Buenaventura (Training Committee Head) at Dennis Flores (President) sa Bird’s Hill Provincial Park.
Kung inaakala ninyo na puro fishing at winter sports lamang ang magagawa dito sa Manitoba, nagkakamali kayo. Triathlon? Mayroon dito! Kasama ang mga kapuwa Pilipino? Aba, mayroon din!
Ang triathlon ay multi-sport na binubuo ng tatlong endurance disciplines: swim, bike at run. Nagsisimula ang karera sa paglangoy na susundan ng pagbisikleta at tatapusin sa pagtakbo patungo sa finish line. Ang paglangoy ay maaaring gawin sa swimming pool, lawa o dagat. Ang mga popular na race distances ay Sprint (750m swim, 20km bike, 5km run), 5150 / Olympic (1.5km swim, 40km bike, 10km run), 70.3 / Half-Ironman (1.9km swim, 90km bike, 21km run) at ang Ironman (3.9km swim, 180km bike, 42km run).
Dito sa Manitoba, pinangangasiwaan ng Triathlon Manitoba ang pag-unlad ng sport na ito. Ang race season ay mula Mayo hanggang Setyembre bawat taon. Ginaganap ang duathlon at triathlon races sa Bird’s Hill Provincial Park, Kildonan Park, St. Malo Provincial Park, Rabbit Lake sa Kenora, Colert Beach sa Morden, Carman, Sioux Narrows sa Ontario, Wasagaming, at Pinawa. Karamihan sa mga races na ito ay may karerang para sa age group na walo hanggang 11 taong gulang.
Maituturing na isang bagong sport ang triathlon. Naisagawa ang kauna-unahang triathlon race noong 1974 sa Mission Bay, San Diego, California sa pamumuno nina Jack Jackstone at Don Shanahan ng San Diego Track Club. Taong 1977 naman unang ginanap ang pinakamalaki at pinakasikat na triathlon race sa buong mundo, ang Ironman World Championship sa Kona, Hawaii. Taun-taon, halos 1,800 atleta mula sa iba’t ibang bansa (kabilang ang Pilipinas) ang sumasali sa Kona Championship upang matawag na Ironman.
Naging Olympic sport naman ito noong 2000 Sydney Olympics nang ang isang Canadian, si Simon Whitfield ng Kingston, Ontario, ang nakakuha ng makasaysayang unang Olympic gold medal sa triathlon.
Siyempre, hindi rin pahuhuli ang Pilipino. Pinangunahan ng ilang miyembro ng UP Mountaineers ang unang triathlon event sa Pilipinas noong 1988 sa Matabungkay Beach, Batangas. Ang grupong ito ang nagtatag ng TRAP (Triathlon Association of the Philippines) na nagpalago sa sport sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga regular races sa Batangas, Cebu, Davao at La Union. Sa kasalukuyan, popular na popular ang triathlon sa Pilipinas. Halos tatlo hanggang apat na karera kada buwan ang isinasagawa ng iba’t ibang grupo at mga pribadong kumpanya. Kumalat ito sa iba’t ibang lugar tulad ng Bohol, Boracay, Camsur, Clark, Pico de Loro, Subic, atbp.
Hindi lamang para sa mga kabataan ang triathlon. Si Milos Kostic ng Regina ay edad 64 nang magsimula sa triathlon. Siya’y edad 71 nang itanghal na 2012 Triathlete of the Year ng Triathlon Magazine Canada. Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin siyang nananalo sa age group na 70 – 74 years old. Ang lakas ni Lolo Milos ano?
Mayroong 12 triathlon clubs na kasapi sa Triathlon Manitoba at isa rito ang Sulong Triathlon Group (STG) na naging opisyal na miyembro nito lamang April 1, 2013. Layunin ng STG na ipakilala at itaguyod sa mga Pilipino sa Manitoba ang triathlon bilang isang magandang paraan upang mapabuti ang kalusugan. Sa pamamagitan ng group training at pagsali sa mga races nang sama-sama, nagiging mas masaya at kagana-gana ang pag-ensayo.
Ang mga group trainings ng STG ay kadalasang ginaganap sa Seven Oaks Pool (swimming), Bird’s Hill Provincial Park (cycling) at Kildonan Park (running).
Layunin ng column na ito na magbahagi ng iba’t ibang kaalaman hindi lamang tungkol sa triathlon kundi pati na rin sa food and nutrition, strength training, race preparation tips, pag-iwas sa mga injuries, equipment at gear reviews, race experiences, atbp. Kaya abangan ang mga susunod na isyu ng Sulong Pinoy at umpisahan na ang healthy lifestyle!
Ang column na ito ay base sa personal na karanasan ng may-akda at hindi nagsisilbing training manual. Kumuha muna ng medical clearance mula sa iyong doktor bago simulan ang training.
Si Norman Aceron Garcia ay personal trainer sa Shapes Fitness Centre at isa sa mga founders ng Sulong Triathlon Group (STG) na kasapi ng Triathlon Manitoba. Para sa karagdagang impormasyon sa pagsali, bumisita sa www.sulongtriathlon.org.