
Opinions
![]() |
|
Bea Alonzo
|
|
![]() |
|
Sofia Andres
|
|
![]() |
|
Alden Richards
|
|
![]() |
|
The cast of Maid In Malacañang with Direk Darryl Yap |
|
![]() |
|
Tom Rodriguez
|
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Pokwang & Lee O’Brian |
|
![]() |
|
Ai Ai Delas Alas
|
|
![]() |
|
Nora Aunor |
Ayon sa anak-anakan naming psychiatrist ay may kakambal na prinsipyo ang pagmu-move-on. May dahilan kung bakit hindi agad nakahahakbang nang pasulong ang isang taong nabigo sa pakikipagrelasyon.
Mahabang panahon na ang nakalipas pero parang hindi pa rin nakakapag-move-on ang nasaktan. Nakaupo siya sa silyang tumba-tumba na gumagalaw pero hindi naman umaandar.
Ayon sa aming kausap ay madali lang naman ang pagmu-move-on, hindi raw dapat nagmumukmok lang sa isang sulok ang nasaktan, kailangang ituon niya ang kaniyang oras sa maraming bagay na kapaki-pakinabang.
Sina Bea Alonzo at Gerald Anderson ang aming paksa, hindi pa rin kasi mabanggit ng aktres ang pangalan ng aktor, kaya maraming nag-iisip na mahal pa rin ni Bea si Gerald.
Sabi ng anak-anakan naming psychiatrist, “It will really be hard for Bea to move-on dahil malalim ang mga reasons. Niloko siya. She was made to believe na sila pa rin, pero mayroon na palang iba ang guy.
“She was fooled. Mahirap mag-move-on kapag may mga unfinished situations. It doesn’t mean that she still loves the guy, sobrang sakit pa ang napi-feel niya hanggang ngayon.
“There’s principle in moving-on. Hindi ganoon kadaling lumimot lalo na kapag sobrang lalim ng ginawang pangloloko ng guy,” sabi ni dok.
Pero darating at darating din naman pala ang panahon ng paglimot. Iyong kahit gahiblang sakit ay wala nang mararamdaman si Bea. Iyong indifferent na siya. Iyong parang talbos na lang ng kamote ang tingin niya kay Gerald.
Iyon pala ang eksaktong interpretasyon ng moving-on. Iyong wala nang pakialam nang isandaang porsiyento si Bea Alonzo sa dati niyang karelasyon.
Ang pinakamagandang promosyon ng kahit sinong personalidad ay ang sinasabi ng mga kababayan nating naeengkuwentro nila. Walang bayad iyon. Kusang-loob.
Bakit ba ikinakambal sa pangalan ni Alden Richards ang pagiging mabait at mapagkumbaba? Bakit walang kahit sinong namba-bash sa kaniya kahit saan siya magpunta?
Napakahambol kasi ng sikat at guwapong aktor, hindi siya nagdadamot ng panahon sa kaniyang mga tagahanga, marunong siyang magbalik ng sukli sa suportang ibinibigay sa kaniya ng publiko.
Mismong kaibigan namin ang nagkuwento na noong makita nila si Alden na kumakain sa isang Korean restaurant sa Amerika ay siya pa mismo ang lumapit sa ating mga kababayan.
“At kinausap pa niya kami, he gave us time, unlike noong isang male personality na in-approach ng mga anak ko para magpa-picture, pumayag naman siya, pero parang galit siyang nagkamot ng ulo!” sabi ng aming kaibigan.
Sa Madrid, Spain ay natiyempuhan din ng mag-asawang Bryan at Jez, mga dumpster divers, si Sofia Andres. Sa tapat mismo iyon ng Hermes, nagsi-shopping ang aktres, nagtanong si Jez kung puwede ba nitong mayakap si Sofia?
Hindi lang tumango si Sofia, siya pa mismo ang lumapit kay Jez, hindi matapus-tapos ang kaligayahan ng ating kababayan sa pagyakap nito kay Sofia.
Sabi ni Jez, “Napakabait niya, tinanong ko lang siya, ‘Can I hug you?’ Siya pa ang lumapit sa akin, napakaganda niya!”
Walang presyo ang mga ganoong papuri sa mga personalidad. Kusang-loob iyon na ang pinag-ugatan ay ang kanilang ugali. Napakahalaga ng mga nagaganap sa likod ng mga camera, walang halong kaplastikan ang ganoon, purong-purong nagsasalita sa kung ano talaga ang kanilang pagkatao.
Pagbabalik ng sukli sa puhunan ang masarap na itawag sa ginagawa ng mga artistang mapagpahalaga sa kanilang kapuwa.
Hawak sa leeg ng proyektong Maid In Malacañang ang marami nating kababayan. Sagot sa marami nilang tanong ang gustong matanggap ng mga Pinoy.
Nasaksihan natin ang EDSA People Power, ang pag-iipon-ipon ng pamilya Marcos sa veranda ng Palasyo noong todo na ang pagkakagulo sa lansangan, pero anu-ano nga ba ang naganap noong huling tatlong araw bago ipinatapon sa Hawaii ang dating Unang Pamilya?
Kahit ang mga kaibigan naming abogado ay nag-aabang sa pelikula. Mahigit na tatlong dekada na kasing naglalaro sa kanilang isip kung ano ang nangyari sa Palasyo noong malapit na silang umalis.
Nagkaiyakan ba ang magkakapatid na Marcos? Buong-buo pa rin kaya ang loob ng dating Pangulong Ferdinand Marcos at ng Unang Ginang?
Walang anumang kuwentong lumabas tungkol sa huling pitumpu’t dalawang oras ng pamilya Marcos sa Malacañang. Ang napanood lang namin ay ang panayam kay Pangulong Bongbong Marcos tatlong taon pagkatapos silang palayasin sa ating bayan.
Sa Makiki Heights sa Hawaii naganap ang interbyu, batambata pa noon ang kasalukuyan nating pangulo, ayon sa kaniya ay pinapaniwala silang sa Paoay sila dadalhin pero naging sa Hawaii.
Malacañang Of The North ang Paoay kung tawagin, dapat ay doon lang sila dadalhin ng mga Amerikanong sumundo sa kanila, pero naging sa Hawaii nga.
Ang kasagutan sa sangkatutak na tanong ng ating mga kababayan ang kipkip ngayon ng pelikula ni Direk Darryl Yap kung bakit inaabangan ang proyektong mga kasambahay ng dating Unang Pamilya ang pinag-ugatan ng mga salaysay.
Nang una naming mapanood ang trailer ng Maid In Malacañang ay kinilabutan kami sa mga napanood naming eksena. May sumilip na luha sa aming mga mata.
Ganoon tayong mga Pinoy. Melangkolya ang hatid sa atin ng mga kaganapang kailanman ay hindi nating makakalimutan bilang isang lahi.
Isang b na kaibigan namin ang nakakita kay Tom Rodriguez sa isang restaurant sa Washington. Katabi lang ng kanilang mesa ang puwesto ng aktor habang kumakain na kasama ang kaniyang pamilya.
Sa paglalarawan ng aming kaibigan ay mukhang nakapag-move-on na si Tom sa naganap sa kanila ni Carla Abellana. Maayos ang itsura ni Tom, mukhang nakakatulog nang mahimbing, sa kanilang pagkukuwentuhan ay naririnig ng grupo ng aming kaibigan ang madalas niyang pagtawa.
“He seems okey. I was expecting na mukhang madusing na Tom ang makikita ko, dahil sa paghihiwalay nila ng wife niya. Pero baligtad. Guwapo, maayos, very positive ang dating niya.
“Which is but right. Alangan namang magmukmok siya at patigilin ang mundo niya because of what happened. The whole time, he was okey,” kuwento ng mahal naming kaibigan.
Mabuti naman kung ganoon. Dapat lang namang tinatanggap natin ang mga nagaganap kahit hindi pa natin inaasahan. Ibang-iba lang kasi ang kinahinatnan ng relasyon nina Tom at Carla.
Pagkatapos nilang magmahalan nang mahigit na pitong taon ay nagpakasal sila pero pagkatapos lang nang tatlong buwan ay nauwi na sila sa hiwalayan.
Iyon ang ikinagigimbal ng publiko. Ano ang nangyari at sino sa kanila ang nagkulang? Maraming nanghihinayang sa nawasak nilang relasyon pero wala namang makapagbibigay ng sagot kung bakit nagkaganoon kundi silang dalawa lang.
Tama. Hindi nga garantiya ang haba ng panahon para masabing panghabambuhay na ang kanilang relasyon.
Mas tumaas ang respeto namin sa pamunuan ng GMA-7. Nakarating sa amin ang impormasyon na sinigurado nila na may babalikan pang trabaho sa istasyon si Tom Rodriguez pero kailangan lang munang magpalamig ang aktor.
Napakainit pa nga naman ng isyu tungkol sa paghihiwalay nila ni Carla Abellana, walang puwedeng kampihan ang network, dahil parehong nagtatrabaho sa kanila ang dating mag-asawa.
Pero nakatutuwang malaman na hindi nila mas pinabibigat pa ang mabigat na ngang problema ng kanilang artista. Sa halip ay pag-asa ang kanilang ibinibigay, kailangan lang munang magpalipas ng panahon, pero siguradong may babalikan pa rin siyang ikabubuhay.
“May communication sila sa mga stars nila, hindi lang career ang binibigyan nila ng importance, pati ang personal life ng mga artista nila.
“Wala silang kinakampihan, iniintindi nila ang magkabilang kampo, pero ang mahalaga, iyong promise na anuman ang mangyari, may trabaho pa ring babalikan ang mga artista nila,” papuri ng aming kausap.
Ang aming pagrespeto sa network.
Marami pala tayong kababayan na dumadalaw kay Kris Aquino sa Houston, Texas. Ang kanilang mga kamag-anak, mga kaibigan ng kanilang pamilya, pati mga politikong kaalyado nila.
Maraming nagtatanong kung bakit walang kapatid si Kris na sumama sa kaniya sa pagpapagamot sa ibang bansa. Nakakaawa raw naman ng TV host, baka raw matulad siya sa kaniyang pumanaw na kapatid na dating pangulo na nakita na lang ng tagapag-alaga na wala nang buhay, nag-iisa lang sa kuwarto.
Sa puntong iyon ay hindi kami nag-aalala, siguradong matinding suporta ang ibinibigay sa kaniya nina Ballsy, Pinky at Viel, kailanman ay hindi siya pinabayaan ng kaniyang mga ate.
Kahit kapag nalalagay sa gitna ng kontrobersiya si Kris ay parang kinatawan niya ang mga ito para ipagtanggol siya. Sa mga isyung delikado na pamba-bash ng mga kababayan natin ang tinatanggap ni Kris ay parang mga Girl Scouts na palaging nakahanda ang kaniyang mga ate para samahan siya sa pagsagot sa interbyu.
Pero magkakalayo man sila ngayon ay hindi nagdadamot ng suporta ang magkakapatid para kay Kris, pati kina Josh at Bimby, dahil ulilang-lubos na sila at wala nang magtutulungan ngayon kundi sila-sila na lang.
Nakakaalarma ang kapayatan ni Kris. Nakakaawa siyang tingnan sa isang larawan na siya rin ang naglabas. Kitang-kita na ang kaniyang mga buto na pinagdidikit na lang ng balat sa kakaunti niyang laman.
Harinawang makapagdagdag siya ng timbang. At sana nga ay maging epektibo ang lahat ng prosesong ginagawa sa kaniya sa Houston.
Nagpapasalamat si Kris Aquino sa lahat ng mga nagdarasal para sa kaniyang paggaling. Panalangin na sana’y maging tuluy-tuloy pa rin hanggang hindi natin nakikita ang dating Kris na kinagisnan natin.
Kumpirmadong noong nakaraang Nobyembre pa opisyal na hiwalay sina Pokwang at Lee O’Brian. Pitong buwan nilang naitago ang katotohanan.
Magandang hakbang dahil kung lumabas ang hiwalayan noong kasagsagan ng kampanya at halalan ay siguradong pinagpistahan ang naganap sa romansa ng komedyana at ng Amerikano.
May mga nagkokomento na karma ang naganap kay Pokwang. Karma saan? Paanong karma? Dahil lang sa natatakan siyang Pinklawan noong nakaraang eleksiyon?
Hindi dapat ikinakambal ang salitang karma sa pagkasira ng anumang relasyon. Hindi sila gumawa ng krimen sa batas para nila pagdusahan. Ang relasyon ay nawawasak na ang mga sangkot lang sa pagmamahalan ang nagdedesisyon.
Walang karma sa naganap kina Pokwang at Lee, nagkani-kaniyang landas sila dahil iyon ang nakikita nilang pinakamagandang hakbang, ang maging magkaibigan pa rin sila sa kabila ng paglipad ng pagmamahalan.
At maganda ang naging pag-uusap nila. Sa mga panahong nasa malayong lugar ang komedyana sa pagtatrabaho ay puwedeng magpunta sa kaniyang bahay si Lee para alagaan ang kanilang anak na si Malia.
Kesa sa magpalitan sila nang masasakit na salita ay ginawa nilang edukado ang kanilang hiwalayan. Hindi sila nagbatuhan ng putik sa harap ng publiko, binigyan nila ng kahihiyan ang kanilang mga sarili, pati ang kanilang anak na si Tisay.
Positibong solusyon sa isang negatibong senaryo ang inupuan nina Pokwang at Lee O’Brian.
Kung personal na buhay ang pag-uusapan ay mukhang wala nang mas sasaya pa ngayon sa Comedy Concert Queen na si Ai-Ai delas Alas. Maligaya ang kanilang pagsasama ni Gerald Sibayan.
Naturingang magkalayo ang kanilang edad na noong una pa lang ay hinusgahan na ng marami pero pinatunayan ng mag-asawa na totoo ngang age is just a number.
Nagkakasundo sila sa maraming bagay. Sabay silang nangangarap. Nagtutulungan sila sa pinapasok nilang negosyo. Nag-iintindihan sila.
Nagtapos na ng pagpipiloto si Gerald, ilang panahon pa ay matatapos na rin nito ang commercial flying, malayo ang pangarap ni Gerald sa napili nitong linya.
Pero ang kasalu-saludo kay Ai-Ai ay ang ginawa niyang solidong relasyon ng kaniyang mister at mga anak. Walang problema sa relasyon ni Gerald kina Sancho, Nicolo at Sofia.
Sabi ng bestfriend ni Ai-Ai, “Mahusay kasing makisama si Gerald, he’s so disciplined, nakikita ng mga anak ni Ai-Ai na hindi pabigat si Gerald sa pamilya nila.
“Nagtapos siya sa college, kumuha siya ng aviation, saka si Gerald ang tumutulong sa kanilang mga kailangan. Sa Amerika, hindi na nila kailangang tumawag pa ng gagawa ng kung anumang nasira. Kayang gawin iyon ni Gerald.
“Marami siyang alam, hindi lang siya masalita, kaya masayang-masaya si Ai-Ai sa pagiging close ni Gerald at ng mga anak niya,” kuwento nito.
Hindi tatalikuran ni Ai-Ai ang pag-aartista na bumago ng kaniyang kapalaran. Hanggang may mga nagtitiwala sa kaniyang talento ay hindi siya bibitiw.
Pero naihanda na ng komedyana ang buhay nila sa Amerika, mayroon na siyang binuong mundo kapag nagpaalam na siya sa pag-arte, kasama ang kaniyang asawa at mga anak.
Pinagbabawalan pang magtrabaho ng kaniyang mga doktor si Nora Aunor. Naospital siya at nakalabas na pero hindi iyon nagbibigay sa Superstar ng kalayaang sumalang na sa pagtatrabaho.
Kailangan pa niyang magpagaling, hindi pa rin normal ang kaniyang pahinga, matatagalan pa bago magbigay ng go signal ang kaniyang mga doktor sa pagharap niya sa mga camera.
Noong dumalo siya sa pagbibigay ng rekognisyon ng CCP sa mga hinirang na Pambansang Alagad Ng Sining ay kapansin-pansin ang hirap niyang pagsasalita.
Malalim ang hugot niya ng hininga, hirap siyang magtawid ng mga salita, ibig sabihin lang ay kailangan pa rin ng tuluy-tuloy na gamutan ng Superstar.
Nakalulungkot siyang tingnan habang tumataas ang kaniyang mga balikat sa pagsasalita. Wala na nga siyang boses ay hirap pa siyang huminga.
Pero salamat na rin dahil nalundagan ni Nora ang matinding hamon na ito sa kaniyang personal na buhay. Maraming ipinagbabawal sa kaniya ang mga doktor na wala na siyang pamimilian ngayon kundi ang sundin para matupad ang hiling ng mga nagdarasal na sana’y gumaling na siya agad.
Isang araw, kapag talagang kayang-kaya na niyang kumilos at huminga nang normal, ay siguradong mapapanood na uli natin si Nora Aunor.
Ito ang mundong hindi niya puwedeng talikuran, hanggang kaya pa niya ay aarte at aarte pa rin ang Superstar, buhay na niya ang lokal na aliwan.
Noong dumating sa CCP grounds si Nora ay si John Rendez ang nakitang umaalalay sa mabagal niyang paglalakad. Si John ang kaniyang kasama. Si John, na matagal nang sinasabing humaharang sa magandang relasyon nilang mag-iina, puro si John.
Tandang-tanda pa namin ang kuwento ni Nora nang sundan niya kami sa veranda ng gusali ng Meralco sa isang pagtitipon noong kontratado pa siya ng TV5.
Marami kaming pinag-usapan, isa na sa naging paksa namin si John, ang gumaganap na parang kontrabida para sa mas nakararami sa kaniyang buhay.
Sabi ni Nora, “Noong nasa Amerika pa ako, wala naman akong pamilya doon, si John lang ang kasama ko. Noong minsang magkasakit ako, napakalamig ng klima, pero ibinili niya ako ng gamot. Madaling-araw iyon.
“Pagbalik niya, bumili din pala siya ng noodles, siya ang naghanda, pinakain muna niya ako bago uminom ng gamot. Hindi ko makakalimutan ang mga maliliit na bagay na ganoon na ginagawa sa akin,” may sinseridad na sabi ni Guy.
Pagkatapos niyang ikuwento ang simpleng ginawa sa kaniya ni John ay naisip na lang namin, oo nga naman, kung sino ang nagmalasakit sa atin sa panahon ng kagipitan ay iyon ang pinahahalagahan natin.
Hindi raw niya kayang tumayo noong magkasakit siya, namamaluktot siya sa sobrang ginaw, si John ang nagkusang ibili siya ng gamot na may bonus pa palang noodles.
“Napakarami naming maruruming damit, siya ang naglalaba, pinagpapahinga lang niya ako. Problemado pa naman ako noon dahil sa kaso.
“Napakawalanghiya ko naman kung basta itatapon ko na lang ang taong tumulong sa akin noong mga panahong maysakit ako. Hindi naman ako ganoon,” dagdag pa ni Nora.
Napakasarap makarinig ng mga kuwentong mula mismo sa taong pinagmalasakitan. Hindi niya ipinagtatanggol si John Rendez na hindi kasundo ng mga nagmamahal sa kaniya, bumabalik lang siya sa nakaraan, noong madilim na madilim ang kulay ng mundo para sa kaniya.
Dekada na ang kanilang pinagsamahan at hanggang ngayo’y magkasama pa rin sila. Siguro nga ay maraming nagawang kabutihan sa kaniya si John Rendez na hindi natin alam.
Ilang tulog at gising na lang ay sa TV5 na mapapanood ang It’s Showtime. Parang bato nang pagulung-gulong ang mga programa ng ABS-CBN na hindi nalulumutan.
Sino ba ang mag-aakala na mawawalan pala ng prangkisa ang sinasabing numero unong network sa ating bayan? Walang nag-isip na isang umaga ay magigising na lang pala ang mga ehekutibo, artista at mga manggagawa ng istasyon na madilim na ang kanilang bakuran.
Bukod sa sariling paraan ng ipinasaradong network sa pamamagitan ng digital ay ikinalat nila ang kanilang mga programa sa iba-ibang istasyon. TV5 at A2Z ang sinubukan nila.
Hindi pa man umeere sa TV5 ang It’s Showtime ay pinakakain na ng ampalaya si Vice Ganda. Napakapait na apdo naman ang ipinangmumumog niya.
Noong namamayagpag pa kasi ang ABS-CBN ay minamaliit-nilalait ni Vice ang TV5. Hindi mabubura sa isip ng mga kababayan natin ang interbyu niya kay Alex Gonzaga sa GGV kung saan sinabi niya na okey lang kung ulit-ulitin nito ang pagsusuot ng damit tutal naman ay walang nanonood sa TV5.
Isa lang iyon. Marami pang ibang binitiwang panglilibak sa TV5 ang mayabang at mapanglait na komedyanteng ito. Fast forward.
Sino ang mag-aakala na ang It’s Showtime pala ay makikipamahay ngayon sa TV5, ang netwok na kung maliitin ni Vice Ganda ay parang wala nang bukas, napakarami niyang kakaining mga salita.
Kaya mahirap magsalita nang tapos. Mahirap magyabang. Hindi natin hawak ang bukas. At hindi ipinapangako ang bukas. –CFM